Gust kong maging mas matapang.
Mas malikot.
Mas makulit.
Mas mapangahas.
Mas malaya.
Para walang pagsisisi.
Para wala nang mga pahabol pang hiling.
Gust kong maging mas matapang.
Mas malikot.
Mas makulit.
Mas mapangahas.
Mas malaya.
Para walang pagsisisi.
Para wala nang mga pahabol pang hiling.
Ang pag-graduate ay para sigurong pag-aasawa. Bubulabugin ang buhay mo upside-down.
Anumang oras mula nang ilipat ko ang tassel mula kanan patungong kaliwa ay magbabayad na ako ng income tax return. Maghuhulog buwan-buwan sa PhilHealth, SSS, at Pag-ibig fund. Wala nang aasahang weekly allowance. Hindi na rin uubra ang student’s discounts. Hindi na pwedeng um-absent at ma-late basta-basta kasi wala nang powers ang excuse-me-letters at makakaltasan pa ang minimum na nga lang na sahod. Pagsweldo, automatic na may boundary sa nanay at tatay. Pwede rin namang bumili ng isa o dalawang jeans o kaya ay bagong shirts, bags, o shoes pang-office kada pay day kaso’y baka wala na akong ma-i-deposit sa small time lang naman na passbook ko. At kung bakit naman kasi naipanga-pangako ko pa sa nanay kong ako na ang sasagot sa Meralco bills buwan-buwan. Nakalululang mga responsibilidad. Parang gusto ko tuloy maiyak.
Madali nga pala talagang mangarap. Kung sa isip lang. Dati pa man ay kinuwenta-kwenta ko na kung ilang taon ba ang kakailanganin ko para maisakatuparan ang lahat ng aking mga mithiin. Ayon sa plano, sasapat na ang anim na taon. Samakatuwid, sa edad na beinte sais pa lang ako pwedeng magpa-easy-easy. Hindi na ‘kako masama. Ang nanay ko naman no’n ay sisenta y syente at ang tatay ko ay sisenta y nueve. ‘Yon ang medyo masama. Kaya sabi ko sa kanila, haba-habaan pa nila ang paghugot ng hininga para kanila pang maranasan ng matagal-tagal ang ipinapangako kong mas maginhawang buhay.
‘Yon ang dahilan kung bakit ako nagmamadali at kung bakit sa iisang direksyon lang ako nakatingin. Kaya humihingi ako ng dispensa sa lahat ng tinanggihan kong parties at overnights. May hinahabol kasi akong taning hindi para sa sarili ko kundi para sa dalawang pinakaimportanteng tao sa buhay ko. Ang nanay ko na sinisikatan at pinapanawan na ng araw sa harap ng makinang Juki at ang tatay kong alas sais pa lang ng umaga ay wala na sa bahay at kung umuwi naman ay alas syete na ng gabi. Overtime araw-araw.Walang holidays at lalong walang rest days. Dahil wala rin namang holidays at rest days ang mga alaga niyang baboy.
Ang plan A. Kung right after college ay makakakuha ako ng first job at mananatili roon for a year para magka-experience (na sa awa ng Diyos ay na-beat ko naman), sa edad na beinte uno ay trabaho na sa abroad ang pokus ko. ‘Yan ay kung lalakipan ako ng swerte para agad na makalipad. Kaya naman ngayon pa lang ay kinokontrata ko na ang mga pininsan kong OFWs na timbrehan ako ‘pagka may hiring sa mga bansang kinaroroonan nila. Hindi naman ako mapili. Uubra na sa akin ang magsimula sa Asya. Ang mahalaga, mas malaki sa karaniwan ang maipadadala ko sa ‘Pinas. Sapat na ‘kako ang dalawang balikan kung ang bawat isang kontrata ay aabot ng dalawang taon. Sa unang alis ay ang pagpapa-renovate ng bahay ang target ko. ‘Yon lang muna.Sa pangalawang balik ay sasakyan naman ang ipupundar ko nang mapalitan na ang luma naming owner na kapag hindi nagamit ng dalawa-tatlong araw ay pahirapan na ang pag-i-start. Tapos ay perang pangnegosyo. Pagkatapos no’n ay uuwi na ako at hindi na babalik bilang isang OFW kundi bilang isang turista na lamang siguro. Pagbalik ko sa bansa ay may kulang-kulang isang taon pa akong pwedeng gamitin para sa pagnenegosyo o ‘di kaya’y sa paghahanap muli ng pirmihang trabaho bago ang i-s-in-et kong deadline. At mula roon ay maluwag na.
Kung binasa mo ang kinonsepto kong plan A, aakalain mong plantsado na lahat. Parang napakadali. Angtotoo, noong una ay wala na akong balak pang gumawa ng plan B dahil itinalaga ko na ang sarili kong susundin ang orihinal na plano tulad ng nakasanayan. Pero nang harapin ko ang dalawang magkakasunod na job interviews para sa isang TV network dito sa bansa kinabukasan ng mismong araw ng graduation ko ay para akong ginising mula sa aking pangangarap nang dilat. Doo’y ipinaliwanag sa akin ang alok nilang sweldo at kung anu-ano at papaano ang sistema ng kaltasan. Hindi pala gano’n kadali. Akala ko ay natutunan ko nang yakapin ang realidad ng buhay mula nang tumuntong ako ng kolehiyo. Hindi pa rin pala. Masyado pa ring realistiko ang plan A ko. Napakahirap ng magiging proseso para ma-beat ko ang lahat ng i-s-in-et kong deadlines. Napakahirap PERO hindi naman imposible. ‘Yon nga lang dapat ay magsimula na ako ngayon pa lang sa pag-ko-conceptualize ngalternative plans. Mga hanggang plan J pa siguro.
Tulad mo, wala akong hinangad na hindi maganda para sa aking pamilya. Ang kabuuan ng pangarap ko ay ang katuparan ng kanilang mga pangarap.‘Yon para sa akin ang jackpot. At kung may tinatawag man akong “sariling pangarap” ay itinuturing ko na lang ‘yong bonus. Hindi ko ito pinanghihinayangang iisantabi muna dahil mayroon pa naman akong kung ilang dekada para tuparin ang mga ‘yon. Samantalang sila…
“Tricia, akin na sabi si Chelsy!” Pasigaw na saad ni Kim sa kanyang bunsong kapatid habang pilit na hinihila ang isang kamay ng manyika mula dito. Ang Chelsy na tinitukoy ni Kim ay ang Barbie doll na regalo ng kanilang Daddy Arnold kay Tricia noong nakaraan nitong birthday.
“Ayoko, Ate! Kita mo nang pinapatulog ko na si Chelsy, eh! Ayaw na niyang maglaro!” Ganting sigaw ni Tricia sa kapatid.
“Akin na sabi!” Patuloy ni Kim na hila-hila pa rin ang isang kamay ni Chelsy nang bigla itong maputol at pabagsak siyang napaupo sa kama.
“Aray! Kita mo na? Ayaw mo kasi siyang ibigay sa akin, eh! Ang damot mo!” Gigil na wika ni Kim kay Tricia bago ito kinurot nang pino sa kaliwang braso.
“Aray, Ate! Isusumbong kita kay Mommy, akala mo! Bad ka!” Atungal naman ni Tricia habang hinihimas-himas ang namumulang braso.
Akmang kukuruting muli ni Kim ang kapatid nang pumasok sa kanilang silid ang kanilang Mommy Elisa bitbit ang isang tray na may lamang dalawang basong gatas.
“‘Wag ninyong sabihin na nag-aaway na naman kayong dalawa? Hindi na kayo nagkasundo,” saad ni Mommy Elisa sa dalawang bata habang inilalapag ang tray sa side table ng kama.
“Siya po kasi, eh!” Sabay na sigaw ng magkapatid habang itinuturo ang isa’t isa.
“Hindi ba pareho naman kayong may Barbie dolls?” Tanong ni Mommy Elisa sa dalawa habang inaabutan ang mga ito ng gatas. “Bakit kailangan mo pang hiramin ‘yung sa kapatid mo, Kim?” Baling nito sa panganay.
“Kasi Mommy, gusto ko lang may makalaro si Jessy,” sagot naman ni Kim sa ina na ang tinutukoy ay ang sarili niyang manyika.
“Hindi mo naman kailangan pang saktan ang kapatid mo, hindi ba?” Muling tanong ni Mommy Elisa sa bata.
“Siya po kasi, eh!” Katwiran pa rin ni Kim na nagsisimula nang humikbi.
“Hala, ubusin na ninyo ‘yang mga gatas ninyo at magsitulog na kayo. Ayaw ko nang mauulit ito ha, Kim? Maliwanag ba ‘yon?” Tanong ni Mommy Elisa habang papalit-palit ng tingin sa dalawa.
***
“Palagi na lang si Tricia ang kinakampihan nina Mommy at Daddy, siguro Jessy hindi na nila ako mahal,” umiiyak na saad ni Kim habang hawak-hawak ang manyika paharap sa kanya. Kasalukuyan siyang nakahiga sa pang-itaas na kama ng kanilang double deck ng kapatid.
“Laging siya ang tama, laging siya ang matalino, ang mabait at masunurin at ako naman lagi ang kontra bida!” Yamot pang dagdag ng bata.
“Sana isama na ako nina Lolo at Lola sa langit, Jessy. Mabait din naman ako, ‘di ba? Kaya tiyak na sa heaven ako mapupunta,” patuloy pa niya na tila ba tao ang Barbie doll na nakakaunawa.
Nasa ganito siyang pag-iisip nang tuluyan na siyang hilahin ng antok at nakatulog.
***
“Yaya, sige na bibili lang ako ng ice cream. Payagan mo na ako!” Pilit pa ni Kim sa kanyang Yaya Lucing minsang namasyal sila sa paligid ng subdivision. Gusto sana niyang bumili ng dirty ice cream na itinitinda sa may kabilang kalsada ngunit ayaw siyang payagan ng kanyang yaya. Mahigpit kasi ang bilin ng kanyang Mommy dito na huwag siyang pakakainin ng sorbetes. Kasalukuyan kasing namamaga ang kanyang tonsils.
“Naku, Kim mapapagalitan ako ni Ma’am Elisa n’yan, eh. Maga pa ang tonsils mo, ‘di ba?” Tanggi ni Yaya Lucing sa bata. Nang sa malingat siya at malibang sa pakikipagkwentuhan sa kapwa yaya ay nakabitaw sa kanyang pagkakahawak ang alaga at mabilis na nakatakbo patawid ng kalsada.
“Kim! Naku kang bata ka! Bumalik ka rito! Baka kung mapa’no ka n’yan!” Tarantang sigaw ni Yaya Lucing na hindi malaman kung paano ito hahabulin. Nang sa pagtawid ni Kim ay hindi nito napansin ang mabilis na pagdating ng isang pulang kotse. Nangibabaw sa paligid ang langitngit ng preno at hiyawan ng mga tao at bago pa man nakaiwas ang bata ay nahagip na ito ng rumaragasang sasakyan.
***
Nang magmulat ng mata si Kim ay puro puti ang kanyang nakita. Nakahiga siya sa isang kama na animo ay isang malaking piraso ng bulak. Nang luminga siya sa paligid ay nakita niya ang kagaya ng kamang hinihigan niya na bawat isa’y may nakahiga ring mga bata at matatanda. Tahimik na tahimik ang paligid. Sa kanyang muling pagpihit paharap ay may nakita siyang isang lalaki na may maamong mukha. Nakangiti ito sa kanya at nagsimulang lumapit. Kakaiba ang ayos nito, may kung anong bilog na nagliliwanag sa kanyang ulo, nakaputi rin itong bestida kahit na ito’y lalaki, walang itong sapin sa paa at mayroon itong pakpak na puti gaya ng sa isang ibon.
“Anghel ka ba?” Tanong ni Kim sa lalaki na sumagot lamang ng isang mayuming ngiti. “Anong pangalan mo? Nas’an ba ako?” Pagpapatuloy pa ng bata.
“Ako si Miguel at nandito ka sa lugar kung saan dinadala ang mga taong nasa bingit ng kamatayan,” diretsong sagot ng lalaki.
“Malapit na po akong mamatay?” Gulat na tanong ni Kim.
“Kung nanaisin mo,” tugon ng lalaki. “Halika, sumunod ka sa’kin. Mayroon akong ipapakita sa’yo para maalala mo ang lahat,” yaya nito kay Kim bago inilahad ang kanyang palad.
Sabay na lumakad ang dalawa sa mahiwagang lugar. Napansin ni Kim na ang nilalakaran nila ay tila nababalutan ng puting usok. Ang bawat kamang parang bulak na kinahihigaan ng mga matatanda’t bata ay may nakabantay na ang gayak ay katulad ng sa lalaking nagpakilalang si Miguel. Pumasok sila sa isang malaking silid na marami ring mga taong nakaputi. Nakahilera ang mga upuang para ring bulak na ang bawat isa ay may nakaharap na parang isang malaking flat screen TV. Inaya siyang maupo ni Miguel sa isang bakanteng upuan.
“Ang ganda naman dito, Kuya Miguel! Bakit ang daming mga tao?” Tanong ni Kim.
“Gaya mo rin sila. Nagpapasya rin sila kung babalik pa ba sila sa mundo o didiretso na sa langit. Halika tingnan mo ito,” saad ni Miguel bago ituro ang screen sa kanilang harapan na biglang bumukas. Nag-play doon ang pagkakabangga sa kanya ng isang rumaragasang kotseng pula dahil nagpilit siyang bumitaw sa pagkakahawak sa kanya ng kanyang Yaya Lucing. Ipinakita rin doon ang mabilis na pagsugod sa kanya sa ospital ng kanyang Mommy at Daddy. Biglang nagdilim ang screen at nang muli itong magliwanag ay ipinakita naman ang umiiyak niyang Mommy habang kausap ang duktor. Naroon na rin sa ospital si Tricia na umiiyak habang bitbit sina Jessy at Chelsy.
“Natatandaan ko na, Kuya Miguel. Pero, hindi naman ako mahal nina Mommy at Daddy, kaya hindi sila masyadong malulungkot kung mawawala man ako,” malungkot na pahayag ni Kim sa lalaki habang umiiyak.
“Huwag mong sabihin ‘yan Kim. Walang magulang ang hindi nagmahal sa kanilang mga anak. Natitiyak ko na mahal na mahal ka nila,” alo ni Miguel sa bata.
“Pero bakit palagi na lang nilang ipinagtatanggol si Tricia? Ako na lang palagi ang may kasalanan ‘pag nag-aaway kami,” dagdag pang sumbong ng bata kay Miguel.
“Pinapagalitan ng mga magulang ang kanilang mga anak dahil mahal nila ang mga ito. Gusto lang marahil ng Mommy at Daddy mo na maging mapagbigay ka kay Tricia dahil ikaw ang panganay,” paliwanag naman ni Miguel kay Kim. Nang hindi ito sumagot ay nagpatuloy ito, “Iiwanan kita sandali, ha? Pag-isipan mo itong mabuti, Kim.”
Nang mawala na sa kanyang paningin si Miguel ay tumingin siya sa kanyang paligid. Nakita niya ang bawat palabas sa iba’t ibang screen. May mga kagaya niyang nasagasaan, mayroon namang sinaksak, nalason, nahulog sa building at mga may sakit. Nang tumingin siya sa kaniyang kaliwa ay nakita niya ang isang batang lalaki na malamang ay kaedad niya. Wala rin itong kasama. Lumapit siya dito at pinanood ang buhay nito sa screen na nasa kanilang harapan. Nakita niya ang isang payat na bata na iniiyakan ng isa ring payat na matandang babae. Sa kaniyang tingin ay malubha ang sakit ng bata dahil maraming mga aparato ang nakakabit sa katawan nito.
“Ako nga pala si Kim. Nasagasaan ako kaya ako nandito. Ikaw, anong pangalan mo? Bakit ka nandito?” Tanong ni Kim sa batang lalaki sa kanyang tabi.
“Ako si Pablo, mayroon akong leukemia kaya ako napunta dito. Sabi sa akin ni Kuya Gabriel ay babalikan niya ako dito para dalhin na sa langit,” sagot naman ng batang lalaki na ang tinutukoy na Gabriel ay isa ring tagapagbantay na paris ni Miguel.
“Bakit ka dadalhin sa langit? Pinili mo na bang mamatay?” Takang tanong ni Kim kay Pablo.
“Oo, pinili ko na ang mamatay. Alam kong masasaktan si Nanay sa aking pasya dahil mahal niya ako pero ayoko rin namang mahirapan pa siya kapag pinili kong magbalik sa mundo,” sagot ni Pablo kay Kim habang nakatingin dito ng diretso.
“Bakit?”
“Mahirap lang kami, walang ipampapagamot sa akin si Nanay. Dati, kung saan-saan siya umuutang para maibili lang ako ng gamot. Inilapit niya ako sa napakaraming foundations pero dahil sa napakarami rin ang maysakit ay hindi ako nabigyan ng pansin. Ayoko nang danasin pa ulit iyon ni Nanay,” malungkot na saad ni Pablo. “Ikaw? Kailan ka babalik sa mundo?” Si Pablo naman ang nagtanong.
“Hindi ko pa alam eh, para ngang gusto ko ng pumunta sa langit dahil feeling ko hindi ako mahal ng Mommy at Daddy ko,” malungkot ding sagot ni Kim.
“Alam mo, ang swerte mo. Lahat ng kailangan mo ay maluwag mong nakukuha. Kumpleto pa ang pamilya mo at masaya tapos ngayon sasabihin mo sa akin na gusto mo ng pumunta sa langit? Makasarili ka,” inis na saad ni Pablo kay Kim.
Nabigla si Kim sa kanyang narinig ngunit hindi naman niya makuhang magalit dito.
“Alam mo, maraming mga nandito ang nais pang mabuhay pero wala na nga lang silang pagkakataon. Ikaw, nasa iyong lahat ang oras para muling makapiling ang Mommy at Daddy mo. Huwag mo itong sayangin,” pangungumbinsi pa ni Pablo sa kausap.
Nasa ganito silang tagpo nang dumating si Gabriel, ngumiti ito sa kanila at inilahad kay Pablo ang isang palad.
“Aalis na ako Kim, pag-isipan mo ang sinabi ko,” huling mensahe ni Pablo dito bago nito inabot ang palad ni Gabriel.
Malayo na ang dalawa nang makabuo ng desisyon si Kim. Bago buksan ni Gabriel ang malaking pintuan ay tinawag niya si Pablo.
“Pablo! Babalik na ako! Salamat, ha! Promise, magiging mabait at mapagbigay na ako!” Sigaw dito ni Kim habang kumakaway. Gumanti ng ngiti si Pablo dito at kasabay ng pagbukas ng malaking pintuan ay kumalat ang liwanag na siyang nagpapikit kay Kim bago siya nahulog sa malalim na kadiliman.
***
“Hintayin na lang natin Misis ang paggising niya. Kapag nagising na siya ay masasabi kong stable na ang lagay ng anak ninyo,” paliwanag ng duktor sa mag-asawa habang pinagmamasdan ang natutulog na si Kim. Mayroon itong malaking benda sa ulo at sinusuportahan ng aparato ang paghinga.
Biglang nagliwanag ang mukha ng mag-asawa nang dahan-dahang gumalaw ang mga daliri ng anak kasunod ang pagmumulat nito ng mga mata.
“Anak!” Sabay na saad nina Elisa at Arnold saka tumakbong papalapit sa kamang kinahihigaan ni Kim.
“Anak ko, nagbalik ka! Salamat sa Diyos!” Lumuluhang wika ng kanyang Mommy Elisa bago nito hinawakan at hinalikan ang kanyang kamay. Pagkaraa’y lumapit ang kanyang Daddy Arnold at si Tricia bitbit pa rin sina Chelsy at Jessy saka yumakap kay Elisa.
“Mahal tayo ng Diyos, iniligtas niya si Kim,” saad naman ng kanyang ama na mangiyak- ngiyak bago tumingala at umusal ng taos-pusong pasasalamat.
Akala ko noon, madali lang ang lahat. Nakuntento na ako sa kakarampot kong napatunayan. Akala ko, mahusay na ako sa pagsulat kaya hindi ko na pinagsikapan pang mapabuti ang aking sarili. Masyado akong napanatag sa aking kinauupuan. Nakatatawa na nakahihiya dahil napatunayan ko sa aking sarili na tama ang sinasabi ng mga kaeskwela ko — na ethnocentric ako.
Sabi ng prof ko sa Socsci, ang ethnocentrism ay ang pag-iisip na ang kultura o kakayahang mayroon ka ang pinakamagaling at pinakamataas sa lahat.
Sa simula, masakit tanggapin. Siyempre, sino bang umamin sa kanyang kapintasan? Iniisip ko noon na na-misunderstood lang nila ako. Pero ngayon, iniisip ko na tama nga sila… sumobra ang tiwala ko sa aking sarili na kung tutuusin ay hindi talaga dapat.
Hindi ko na alam kung tama pa ba ang mga ginagawa ko. Mahal ko ang pagsulat. Ito ang buhay ko. Ngunit, kahit sa aking sarili ay hindi ko alam kung manunulat nga ba ako.
Nakatatawa. Ilang buwan na rin akong hindi nakapagsusulat nang ganito (kung pagsusulat mang matatawag ito). Hindi tugma para sa kursong kinuha ko — Mass Communications. Hindi sa nangangamba ako sa kinuha kong kurso ngunit, hindi ko pa rin mapigil ang aking sarili sa pag-iisip. Sa ngayon alam kong ligtas pa ako sapagkat nasa loob pa ako ng Unibersidad pero, paano na ako sa labas? Sa oras na makatapos ako? Ang laki ng kumpetisyong naghihintay sa akin — sa amin. Hindi ko alam pero nanliliit ako sapagkat alam kong nagkamali ako sa pagtantiya sa aking kakayahan.
Naisip kong napakarami kong pinalampas na mga oportunidad gaya ng ginawa kong pagpapakawala sa UP. Nakapanghihinayang. Para sa akin, ang pag-aaral doon ang tangi kong pasaporte upang maabot ko ang aking mga pangarap. Hindi sa minamaliit ko ang ibang mga paaralan ngunit, ang pakiramdam ko ngayon, mas mahabang lakbayin pa ang naghihintay sa akin.
Ang tanging pinanghahawakan ko sa ngayon ay ang aking pluma at papel at ang pag-ibig ko sa pagsulat.
Para akong nakikipaghabulan sa idlip.
Pilit ang pagdilat ng mga matang gimbal
sapagkat doon ay may naglalarong
mapait-mapaklang bangungot.
Ang pagpupumiglas ng mga kamay
at ang mga kalmot,
ang mga palahaw nang paghingi ng awa
ay patuloy ang alingawngaw.
Samantala ang ngisi niyang hudas
ay maningning na nakapagkit
sa mga labi niyang hayok sa laman.
Lubha siyang malakas.
Damang-dama ko
ang hapdi na nagpapanaw sa aking ulirat
nang iulos niya sa akin ang laman
sa pagitan ng kanyang mga hita.
Batid ko,
May batik na ang dati ay puting papel.
Marahas nang napigtal ang rosas
sa kanyang tatangnan.
Tanging ang pulang mantsa na lamang ang naiwan
sa blangkong espasyo sa aking tabi.
Bilanggo ang luha sa aking mga mata.
Batid ko na ang aking karumihan at
ibig ko nang mamatay.
Hangal.
Patuloy mong nilulunok ang bulok na kalakaran.
Tumatango ka pa rin.
Hambog ka ngunit wala namang gulugod.
Lason pa rin ang diwa mong bulag.
May busal pa rin ang iyong bibig.
Higit ka pang kalunus-lunos sa mga uod.
Sunud-sunuran ka pa rin sa mga aninong
animo anghel ngunit may pangil.
Demonyo.
Ngumingiti ka pa rin
sa mga katwirang batid mo namang baluktot.
Sasakmalin ka rin nila sa likod,
sa sandaling mawalan ka na ng pakinabang.
Dudurugin ka rin nila nang pinung-pino,
pagkaraan ay ibabagsak.
Hahalakhak sila sa iyong mga kahinaan,
hanggang sa bandang huli’y mapagtanto mong
ikaw pala ang biktima.
Sabi ng mga kaibigan ko, dapat na raw akong kumawala — kumawala sa ‘di nakikitang kahon na nagkukulong sa akin. Sabi nila, takot daw akong subukan ang aking sarili, ayaw ko raw sumugal, masyado raw akong sigurista kaya naman daw ang mga kakayahan ko at prinsipyo sa buhay ay limitado lamang — hanggang doon lang sa kayang abutin ng aking paningin.
Kadalasa’y hindi ako sumasagot sapagkat batid kong gaano ko man gawing tama sa kanilang mga pandinig ang aking mga katwiran ay ibabaluktot pa rin nila ang mga ito. Kung minsan ay muntik-muntikan na rin nila akong mapahinuhod. Medyo tumalab na rin sa akin ang mga mapang-arok nilang tanong, pagkaraa’y papipi kong hinusgahan ang aking sarili.
Bakit nga ba hindi ako maaaring gabihin sa pag-uwi? Bakit hindi ako maaaring tumulad sa mga kamag-aral kong minamadaling-araw sa paggimik? Bakit hindi ako maaaring magnobyo? Napakaraming ‘bakit’ pero kahit isa’y walang malinaw na kasagutang rumirehistro sa utak ko. Kung minsa’y iniisip kong kawalang tiwala lamang at hindi pag-aalala ng aking mga magulang ang tunay na dahilan ng lahat.
Ngunit mali, pinagmasdan ko ang kinalalagyan kong kahon. Nagmasid ako. Hindi naman ako talagang nakakulong. Sa katunayan, bukas ang lahat ng lagusan ng kahon. Walang takip, walang harang, walang pipigil sa akin oras na piliin kong kumawala. Tama! Iyon ang dahilan, pumili ako sa pagitan ng pagkawala at pananatili sa loob ng kahon at napagdesisyunan kong manatili sa loob. Pasya ko ito; walang kahit na sino ang pumilit sa akin.
Marahil ito ay dahil sa hinuhulma pa ako ng aking mga magulang, pinahihinog pa nila ako, tinuturuan, inihahanda at pinatatatag ang mga bagwis para sa isang mas mahaba at mabigat na lakbayin. Sinisigurado nilang sa pag-alis ko mula sa kahon na ito ay hindi ako uuwing sawi at lagas ang mga pakpak. Samakatuwid, hindi ko kailangang magmadali.
Para sa aki’y hindi matatagpuan sa labas ng kahon ang tunay na depenisyon ng kalayaan. Hindi kalayaan ang abutin ng dilim sa lansangan, lalong hindi kalayaan ang maagang pakikipagrelasyon at dami ng gimik na dinadaluhan — ang lahat ng ito, sa aking pananaw, ay pawang mga kapusukan lamang. Mas marami akong matututuhan sa loob ng kahon — tinuturuan niya akong magtiis at maghintay. Batid ko, lalabas din ako dito, susugal din ako at kakawala — pagdating ng tamang panahon.
Pawisan si Danilo. Biling-baligtad siya sa kama, umuungol at hinahabol ang kanyang paghinga. Sa kanyang panaginip ay may isang malamyos na tinig ang paulit-ulit na tumatawag sa kanyang pangalan.
“Danilo… Danilo… mahal ko, nasasabik na akong makita kang muli…,” anang tinig ng isang napakagandang babae na nakatayo sa kanyang harapan. Hindi niya maipaliwanag kung bakit may pakiramdam siya na para bang matagal na silang magkakilala.
Hindi makatugon si Danilo sa babaeng kaharap, tila ba nahihipnotismo siyang nakatitig lamang dito at buong paghangang pinagsasawa ang kanyang mga mata sa perpektong anyo ng mahiwagang babae.
“Maghihintay ako sa iyo, mahal ko… maghihintay ako,” pagpapatuloy ng babae habang dahan-dahan itong nawawala na animo usok. Humabol naman si Danilo rito ngunit may kung anong malakas na pwersa ang humila sa kanya papabulusok sa malalim na kadiliman.
***
Napabalikwas ng bangon si Danilo mula sa kama. Ang una niyang sinipat ay ang orasan na nakapatong sa side table sa tabi ng kanyang higaan. Alas-otso na ng umaga at kung may balak siyang pumasok sa trabaho’y pihadong nagmamadali na siya ngayon ‘pagkat late na siya. Ngunit hindi lamang isang simpleng araw ang araw na ‘yon, magpa-file siya ng vacation leave kahit na isang linggo lang sa opisina at noon di’y tutulak siya patungong Ilokos. Hindi mawala sa kanyang isipan ang naging panaginip niya kagabi. Umaalingawngaw pa rin hanggang ngayon sa kanyang pandinig ang mga katagang binitawan ng babae, “Maghihintay ako sa iyo, mahal ko…” Buo na ang kanyang pasya, pupuntahan niya ang mahiwagang babae sa probinsya.
***
“Pareng Dan, bakit biglaan naman ‘ata ang pagbabakasyon mo? Saka wala ka namang kamag-anak sa Ilokos, ‘di ba? Ano bang gagawin mo r’on?” Sunud-sunod ang tanong ni Randy sa kaibigan. Pareho silang namamasukan bilang accounting clerks sa isang kompanya ng gamot. Magkaibigan na sila nito buhat pa noong sila ay nasa kolehiyo pa lang at sabay sila nitong natanggap sa kasalukuyang trabaho. Mga binatilyo pa lamang sila ni Danilo ay batid na ni Randy na malikot ito sa babae, sa madaling salita, chickboy. Papalit-palit at kabi-kabila ang girlfriends nito na madalas magsabunutan kapag nagkabukuhan na.
“Wala naman pare, parang gusto ko lang mag-relax sandali. Ang tindi ng pressure dito sa opisina, eh,” sagot naman dito ni Danilo.
“Baka naman chikababes lang ang dahilan, pare kaya ka nagkukumarat na pumunta sa Ilokos?” Buska pa ni Randy kay Danilo na gumanti lamang ng ngiti. “Ikaw talaga, pare. Ano ang sasabihin ko kina Chona at Girlie kapag nagtanong sila kung nasaan ka?” tanong ni Randy. Sina Chona at Girlie ay mga girlfriends ni Danilo. Si Chona ay isang kolehiyala na sadyang liberated at game sa lahat ng bagay, habang si Girlie naman ay isang anak-mayaman na spoiled brat at pinagtitiyagaan lamang pakisamahan ni Danilo dahil sa pera.
“Parang isang linggo lang naman akong mawawala, pare. Pero kung tatawag man ang kahit isa r’on sa dalawang ‘yon, sabihin mong ipinadala ako ng kompanya sa isang seminar sa Ilokos.” Nagtatawang saad ni Danilo kay Randy na noon nama’y napapailing. “Sige na, pare ko, mauuna na ako at ako’y may date pa. Ikukwento kong lahat sa’yo pagbalik ko dito sa Manila. Iba talaga ‘pag gwapings pare… pinagkakaguluhan!” Patuloy pa ni Danilo, na sadyang nagyayabang sa kaibigan.
“Siya sige, pero pare paalala lang, ha? Mag-iingat ka sa karma, masama raw kung gumanti ang mga babae,” seryosong wika ni Randy sa kaibigan.
Nagkibit-balikat lamang si Danilo.
***
Habang nasa byahe sakay ng kanyang second hand na kotse ay hindi maiwasan ni Danilo ang hindi mapangiti. Hindi mapalis sa kanyang alaala ang imahe ng napakagandang babae sa kanyang panaginip. Ang totoo’y hindi niya malaman kung bakit sa Ilokos siya itinutulak ng kanyang mga paa, may kung anong tinig lamang ang bumubulong sa kanya na ang estrangherong babae ay sa Ilokos nga nakatira.
Sa kanyang panaginip ay tila ba napakatagal na nilang magkakilala. Malabato-balani ang kagandahang taglay nito na kahuhumalingang tiyak ng mga lalaking gaya niya. Makurba ang makinis at maputi nitong katawan, ang mga mata nito’y tila ba kinapapalooban ng napakaraming sikreto, napakapula ng kanyang mga labi at ang buhok nito’y alun-alon at tila ba kakulay ng gabi sa itim at kinang. Sa mga isiping iyon ay lalo siyang nasabik. Hindi siya papayag na hindi maangkin ang mahiwagang babae. Nasa ganitong pag-iisip siya ng mag-ring ang kanyang cellphone. Si Chona ang nasa kabilang linya.
“Hello, Dan sweety? Why don’t you make paalam man lang sa akin na may seminar ka pala somewhere in Ilocos? I’m kind’a tampo na with you, ha?” maarteng saad ng babae na nasa kabilang linya. Ibig matawa ni Danilo.
“Babe, madalian kasi, eh kaya naman hindi ako agad nakatawag sa’yo para magpaalam. Tatawag na sana ako kaso naunahan mo lang ako. Sorry na babe, ‘wag ka ng magtampo,” malambing na saad ni Danilo sa nobya. Ang layunin lamang niya ay ang huwag itong maghinala na may kalokohan siyang gagawin sa Ilokos.
“Okay, sweety, ‘di na ako magtatampo just make sure na pagdating mo here in Manila sa apartment ko ikaw magi-stay for a while, ha?” sagot pa ng babae.
“Sure, babe. C’mon, ibaba ko na ‘tong CP. I’m driving kasi. I love you, babe.” Pagtatapos ni Danilo sa usapan ngunit hindi pa man niya naibababa ang aparato sa dashboard ng kotse ay nag-ring na ulit ito. Sa pagkakataong ‘yon ay si Girlie naman ang tumatawag. Napaismid na lamang si Danilo bago sagutin ang telepono at nagtahi ng kung anu-anong palusot.
***
“Tatang, saan po ba rito ang bahay ni Susana?” Tanong ni Danilo sa isang matanda na kasalukuyang nananabako. Nang marinig nito ang binanggit niyang pangalan ay napaantanda ito at pinanlakihan ng mga mata.
“Susmaryosep, Amang! Huwag mo ng ituloy kung ano man ang ‘yong binabalak! Mapanganib si Susana, hindi siya pangkaraniwang babae!” Tuluy-tuloy na bulalas ng matanda na noo’y napatayo na sa tindi ng emosyon. Nagtaka siya sa ikinilos ng matanda maging sa kanyang sarili. Hindi niya mabatid kung bakit tila nagkaroon ng sariling isip ang kanyang mga labi upang bigkasin ang pangalang “Susana” gayong hindi naman niya kilala ang pakay na babae.
“Po?” Si Danilo.
“Mapanganib siya, Amang! Umuwi ka na lamang at huwag na huwag ka ng babalik pa sa lugar na ito!” Patuloy na babala ng matanda kay Danilo, ngunit sa bandang huli ay nanaig pa rin ang kagustuhan ng binata. May malakas na pwersang humahatak sa kanya upang tunguhin ang bahay ng babae. Habang tinatanaw ang papalayong sasakyan ni Danilo patungo sa itinurong direksyon ay napailing ang matanda.
“May bago na namang biktima si Susana. Kaawa-awang nilalang!”
***
“Susana?” Tanong ni Danilo sa napakagandang babae na kasalukuyang naliligo sa batalan. Napakaganda nga pala nito lalo na sa malapitan. Humahakab sa katawan nito ang manipis nitong blusa at saya sapagkat basa na ito ng tubig ngunit tila balewala lamang ito sa babae.
“Danilo, mahal ko!” Sagot ni Susana sa lalaki. Agad itong yumakap at inakay ang bagong dating papasok sa loob ng kabahayan. Tila naman wala sa sariling sunud-sunuran lamang dito si Danilo. Labis na itong nabighani sa kagandahan ni Susana. “Mabuti at nakarating ka! Maghintay ka lamang dito at ikukuha kita ng maiinom.” Pagpapatuloy ng babae. Pagkatalikod nito’y may naglarong mapanganib na ngisi sa mga labi ng Susana.
Pagbalik ng babae ay may bitbit na itong puswelo ng mainit na tsaa na hindi mawarian ang kulay. Kakaiba rin ang masangsang nitong amoy.
“Halika, mahal ko, inumin mo muna ang tsaang ito,” anyaya ni Susana sa binata. Tila balewala lamang itong ininom ni Danilo. Walang anu-ano’y bigla itong nagsisigaw at nagwala. Halos lumuwa ang mga mata nito sa tindi ng sakit na nadarama sapagkat tila may mga kamay na pumipiga sa kanyang puso. Naglabasan ang lahat ng ugat nito sa katawan, umagos ang dugo mula sa mga mata, ilong at bibig ng lalaki, pagkaraa’y nangisay, bumula ang bibig at nawalan ng buhay.
“Iyan ang nababagay sa mga gaya mong mapaglaro sa aming mga babae,” saad ni Susana na noo’y humahalakhak. “Mamayang gabi ay may iaalay na naman ako sa aking Kamahalan.”
***
Kinagabihan habang umuusal ng hindi mawawaang orasyon si Susana ay biglang lumitaw mula sa kadiliman ang isang matandang babaing nakasuot ng itim at may mahahabang mga kuko at buhok. Nanlilisik din ang mga mata nito at may mga labing maiitim.
“Susana, siya ba ang ika-limampu’t isa mong alay?” Tanong ng matanda habang nakatitig sa bangkay ni Danilo na nakamulagat pa rin ang mga mata.
“Opo, kamahalan, malapit na po akong maka-isang daang alay. Gaya ng napag-usapan natin ay bubuhayin mong muli ang aking ina na nagpakamatay dahil iniwan ng aking ama at muli mong ibabalik sa akin ang aking asawa na iniwan ako’t sumama sa ibang babae,” mahabang tugon ni Susana sa matanda.
“Oo, Susana. Marunong akong tumupad sa kasunduan, hindi mo na kailangang ulit-ulitin sa akin ang mga kapalit ng ipinagbili mong kaluluwa,” tugon ng matanda na noo’y binabalutan ng usok ang katawan ni Danilo. “Hanggang sa muli, Susana. Ihanda mo na ang iyong ika-limampu’t dalawang alay,” anang matanda bago maglaho kasama ang bangkay ni Danilo.
***
“Lagpas na ng dalawang araw ang bakasyon ni Danilo, ah. Bakit kaya hindi pa pumapasok ang isang ‘yon?” Tanong sa sarili ni Randy bago mapakibit-balikat. “Malamang, nag-enjoy ng husto sa chikababe niya sa Ilokos. Aba’y pati cellphone ay hindi sinasagot! Ang kaibigan ko talagang ‘yon, oo!” Dagdag pa ng nagtatawang si Randy bago muling hinarap ang trabaho sa computer.
***
Mula sa malayo ay minamasdan ni Susana si Greg habang akbay-akbay nito ang kasintahan sa parke. Nababasa ng babae ang pilyong isipan ng binata, may kakatagpuin pa itong isang nobya kinagabihan. Ngumisi si Susana, nakakaamoy ng tagumpay.
“Nakita ko na ang aking ika-limampu’t dalawang alay,” humahalakhak na saad ng babae habang naglalahong parang usok.
“Maglalayas na ako, Pareng Popo,” matapang na saad ni Sikyo, isang malaking-malaking asong itim. Bitbit niya sa kanyang balikat ang kanyang maliit na balutan na naglalaman ng ilang pirasong damit at buto. “Tutal naman ay hindi na ako mahal ni Ate Dedang,” dagdag pa niya. Ang Dedang na kanyang binanggit ay ang batang babaeng kanyang amo, sampung taong gulang at sadyang mahiligin sa hayop.
“Ngiyaww! Aba, Pareng Sikyo! Alam mo ba ang pinagsasasabi mo? Napakahirap ng buhay ngayon, baka akala mo. Kung maglalayas ka, sinong magpapakain sa iyo ng libre, sige nga? Ngiyaww!” Sagot-tanong naman ni Popo, isang malaking pusa na may tatlong kulay: itim, puti at kahel. Alaga naman ito ng kapit-bahay nina Dedang na si Boyong.
“Aw! Aw! Bahala na, pare ko. Ang mahalaga sa ngayon ay ang makaalis ako rito! Hindi na nila ako mahal!” Tuluyan nang napaiyak si Sikyo. Ilang ulit itong umungol at ipinuypoy ang buntot, pagkaraan ay suminga.
“Teka nga, pare, naguguluhan ako. Bakit ka ba maglalayas? Ang swerte-swerte mo nga, eh, mahal na mahal ka ni Dedang, ngiyaww!” Si Popo ulit.
“Dati ‘yon, pare, hindi na ngayon! Kaninang umaga kasi pagkagaling nina Ate Dedang at Nanay Sima sa simbahan, may bitbit ng tuta si Ate Dedang. Kulay puti siya at maganda,” sumbong ni Sikyo sa kaibigan.
“Ngiyaww! Saan daw galing?” Tanong ni Popo habang pinapaliguan ang sarili sa pamamagitan ng pagdila sa kanyang balahibo.
“Napulot daw ni Ate Dedang sa may luwasan! Aw! Aw!” Simangot ni Sikyo. “Ayaw ko sa kanya! Siya na lang palagi ang kalaro ni Ate Dedang, siya palagi ang inaasikaso. Nakalimutan na nila ako!” Patuloy pa rin sa pagpalahaw si Sikyo. Kakawag-kawag pa rin ang mataba nitong buntot.
“Ngiyaww! Hay naku, pareng Sikyo, payong kaibigan lang ha? Kung ako sa’yo, uuwi na ako sa amin kasi baka hinahanap na ako ni Dedang. Tingnan mo ang araw, oh! Matindi na ang sikat, tiyak na malapit na ang tanghalian,” panghihikayat ni Popo kay Sikyo. “Saka kanina ko pa naririnig ang tiyan mo eh, iyak nang iyak,” biro pa ni Popo, pagkaraan ay tumawa.
“Ah, basta! Maglalayas ako! Pero, tama ka uuwi muna ako sa amin, masarap ang ulam ngayon, eh. Nakita kong nagluluto ng nilagang baboy si Nanay Sima kanina. Pareng Popo, magkita na lang tayo mamaya bago ako umalis, aw! Aw!” Paalam ni Sikyo sa kaibigan bago tumakbong papauwi.
***
“Aw! Aw! Aw! Umalis ka dito, ‘wag mo akong agawan sa pagkain ko!” Taboy ni Sikyo kay Kaloy, ang bago nilang ampon na tuta. Kasalukuyang kumakain si Sikyo ng pananghalian nang lumapit si Kaloy sa kanya upang makihingi ng konting pagkain.
“Sige na kuya Sikyo, konti lang naman, eh. Para kasing iba ‘yang kinakain mo sa kinain ko kanina,” pagsusumamo ni Kaloy kay Sikyo.
“P’wede ba? Huwag mo nga akong tawaging kuya!” Singhal pa rin ni Sikyo. Napalayo tuloy dito si Kaloy dahil sa takot. “Akin lang ‘to! Saka, hindi pa ito p’wede sa’yo! Lugaw pa lang ang kaya mong kainin!” Dagdag ni Sikyo.
“Sige na po, konti lang,” pilit pa rin ni Kaloy rito na bahagya pang lumapit para muling silipin ang pagkain ni Sikyo na kanin na sinabawan ng nilagang baboy at hinaluan ng gulay.
“Aw! Aw! Makulit ka pala, eh! Sabi ng ayoko, umalis ka rito! Tsupi! Ggggggrrrrr!” Sigaw ni Sikyo kay Kaloy na binuntutan pa ng malalakas na kahol. Napatakbo tuloy si Kaloy sabay iyak.
“Oh, Sikyo bakit mo inaaway si Kaloy?” Saway ni Dedang sa dalawa. “Dapat nga ay ikaw pa ang magparaya dahil mas matanda ka sa kanya,” sabi pa ni Dedang kay Sikyo habang hinihimas-himas ito sa balahibo na para bang tao talaga ang kausap. “Kuuuuuu, Kaloy, halika na. Huwag mo nang gambalain pa ang kuya Sikyo mo sa pagkain,” sabi ni Dedang kay Kaloy bago ito kinarga. Naiwan tuloy si Sikyo na nawalan na ng gana at nagngingitngit.
***
“Ngiyaww! Oh, pare! Maglalayas ka pa rin ba?” Tanong ni Popo sa kanyang kumpareng si Sikyo habang ito ay nagpapahinga sa ilalim ng punong mangga. Hapon na kasi noon at katatapos lamang nitong kainin ang nahuli nitong malaking daga.
“Oo, pare! ‘Di ba ang sabi ko sa’yo ay maglalayas talaga ako? Aw! Aw!” Sagot ni Sikyo sabay salampak sa tabi ni Popo.
“Galit ka pa rin ba sa bago ninyong tuta? Ano nga ba ang pangalan niya? Ngiyaww!” Si Popo ulit.
“Oo, galit talaga ako sa kanya! Kaloy ang pangalan niya, ‘yon ang itinawag sa kanya ni Ate Dedang kanina, eh,” sagot naman ni Sikyo rito habang nagkukulkol ng lupa bago higaan.
“Ngiyaww! Bakit ka ba nagagalit sa kanya? ‘Di ba, dapat nga ay matuwa ka pa dahil dalawa na kayong magpapasaya kay Ate Dedang?” Muling tanong ni Popo sa kaibigan habang pinagmamasdan ito.
“Aw! Aw! Kaya ko namang pasayahin si Ate Dedang kahit ako lang mag-isa, ah? Nagkaroon pa tuloy ako ng kahati ngayon. Kanina, napagalitan ako ni Ate Dedang dahil sa kanya!” Maktol ni Sikyo.
“Bakit? Ngiyaww!”
“Paano’y inaagawan ako ng pagkain ng Kaloy na iyon! Tinahulan ko siya, pero sa halip na siya ang pagsabihan ni Ate Dedang ay ako pa ang napagalitan! Naku!” Nanggigigil pa ring saad ni Sikyo habang nagkakamot ng tainga.
“Dapat kasi pare, pinagbigyan mo na siya. Tutal naman ay mas matanda ka sa kanya,” payo ni Popo rito bago napailing.
“Ah, basta! Ang alam ko, mula nang dumating siya sa bahay namin ay nahati na ang atensiyon sa amin ni Ate Dedang. Dahil d’on ay maglalayas ako! Aw! Aw!” Saad ni Sikyo bago tumayo at magpagpag ng kanyang balahibo.
“Ngiyaww! Alam mo, payong kaibigan lang ha? Kung ako sa’yo ay uuwi na ako kasi baka hinahanap na ako ni Ate Dedang. Tingnan mo ang langit, oh! Madilim na, tiyak na oras na ng hapunan,” hikayat pa ni Popo sa kumpare.
‘‘Aw! Aw! Tama ka, pare! Uuwi muna ako. Masarap na naman ang ulam eh. Nagluto si Nanay Sima ng adobong manok. Paano, kita na lang tayo bukas bago ako umalis, kaibigan!” Paalam ni Sikyo sa kaibigan bago kumaripas ng takbo papauwi.
***
Pagkauwi ni Sikyo sa kanilang bahay ay nagulat pa siya nang makitang umiiyak si Dedang. Mugtung-mugto na ang mga mata nito habang sumisinghut-singhot. Nakita niya rin si Kuya Andrei, ang kinakapatid ni Dedang na isang beterinaryo, na hawak-hawak si Kaloy habang pinipindut-pindot ang tiyan nito.
“Dedang, kaya malaki ang tiyan ng tuta mo ay dahil mayroon itong UTI o Urinary Tract Infection. Ibig sabihin nito, nahihirapan siyang umihi dahil may nakabarang nana o ‘di kaya’y dugo sa kanyang ari,” paliwanag ni Kuya Andrei habang hinahaplos ang ulo ni Kaloy.
“Kuya, ano po ba ang dapat nating gawin para gumaling na si Kaloy?” Saad ni Dedang na umiiyak pa rin. Kinuha nito si Kaloy mula sa kanyang Kuya Andrei at niyakap iyon.
“Bibigyan ko siya ng antibiotics. Ipainom mo ito sa kanya sa loob ng lima hanggang pitong araw, twice a day,” sabi ni Kuya Andrei habang iniaabot kay Nanay Sima ang isang maliit na botelya ng gamot.
Palipat-lipat ng tingin si Sikyo kay Dedang, Kaloy at Kuya Andrei. Nakadama siya ng matinding habag sa batang amo. Malamang ay kanina pa ito umiiyak kaya mapulang-mapula na ang mga mata nito pati na ang ilong. Naaawa rin siya kay Kaloy dahil bakas na bakas dito ang katamlayan pero humahanga rin siya rito sapagkat kahit minsan ay hindi niya ito narinig na umiyak man lang. Marahil ay ayaw nitong maragdagan pa ang pag-alala ni Dedang.
“Pagkatapos po ba ng pitong araw ay gagaling na siya, Kuya?” Muling tanong ni Dedang na noo’y iniuuguy-ugoy si Kaloy na tulad ng isang sanggol.
“Hindi ko pa masasabi Dedang, kailangan pa natin siyang obserbahan. Masyadong pa kasing maliit ang tuta mo kaya medyo malaki ang posibilidad na mamatay siya,” ang sagot ni Kuya Andrei na lalong nagpalakas sa iyak ni Dedang.
Awang-awang pinagmasdan ni Sikyo si Dedang. Lumapit siya saka ikiniskis ang kanyang ulo sa binti nito at ipinuypoy ang kanyang buntot. Ngumiti sa kanya si Dedang.
“Tulungan mo akong alagaan si Kaloy ha, Sikyo? Huwag mo na ulit siyang aawayin,” sabi ni Dedang kay Sikyo. Tumahol naman si Sikyo na para bang nais ipabatid kay Dedang na sumasang-ayon ito sa sinabi ng amo.
***
“Ngiyaww! Pareng Sikyo, hindi ka na ba maglalayas?” tanong ni Popo sa kaibigan kinabukasan. Pumasyal kasi siya sa bahay nila Dedang at naabutan niyang nagbabantay si Sikyo kay Kaloy. “Siya ba si Kaloy, pare?” dagdag tanong pa ni Popo. Tumango si Sikyo.
“Pareng Popo, hindi na ako maglalayas. Napag-isip ko kasi kagabi na naging makasarili lang pala ako. Tama ka, dapat pa nga akong matuwa kasi dalawa na kaming magpapasaya kay Ate Dedang, aw!” Sagot ni Sikyo sa kaibigan.
“Ano naman ang nagpabago sa isipan mo, kaibigan?” Tanong muli ni Popo habang pinagmamasdan si Kaloy na mahimbing na natutulog.
“Nakita ko kasing umiiyak si Ate Dedang kagabi kasi natuklasan ng beterinaryo na may impeksyon sa ihi si Kaloy. Naawa ako sa kanya, kaibigan. Saka ko naisip na dapat ko siyang tulungan sa pag-aalaga kay Kaloy kasi kapag gumaling na siya, magiging masaya na ulit si Ate Dedang,” mahabang sagot ni Sikyo sa kaibigang pusa.
“Oh, ‘Nay nandito po pala ‘yung pusa sa kabila, si Popo. Nakakatuwa silang pagmasdan, binabantayan nila si Kaloy,” nakangiting wika ni Dedang sa ina na noon ay naghahanda ng pagkain para sa almusalan.
“Tamang-tama anak, dito na natin pakainin ‘yang pusa ni Boyong.” saad ni Aling Sima. “Miiings, Popo! Kuuuuu, Kaloy, Sikyo!” tawag pa nito sa kanila. Nag-uunahan silang tatlo na lumabas papuntang kusina. Nang magkatinginan sina Sikyo at Popo ay nagkindatan sila at nagngitian.
Naiwan naman si Dedang sa labas na naiiling at natatawa habang nakahalukipkip at pinagmamasdan ang tatlong hayop. Alam niya, gagaling si Kaloy at ang dalawa niyang alagang aso ay tiyak na magkakasundo.