Ang pag-graduate ay para sigurong pag-aasawa. Bubulabugin ang buhay mo upside-down.
Anumang oras mula nang ilipat ko ang tassel mula kanan patungong kaliwa ay magbabayad na ako ng income tax return. Maghuhulog buwan-buwan sa PhilHealth, SSS, at Pag-ibig fund. Wala nang aasahang weekly allowance. Hindi na rin uubra ang student’s discounts. Hindi na pwedeng um-absent at ma-late basta-basta kasi wala nang powers ang excuse-me-letters at makakaltasan pa ang minimum na nga lang na sahod. Pagsweldo, automatic na may boundary sa nanay at tatay. Pwede rin namang bumili ng isa o dalawang jeans o kaya ay bagong shirts, bags, o shoes pang-office kada pay day kaso’y baka wala na akong ma-i-deposit sa small time lang naman na passbook ko. At kung bakit naman kasi naipanga-pangako ko pa sa nanay kong ako na ang sasagot sa Meralco bills buwan-buwan. Nakalululang mga responsibilidad. Parang gusto ko tuloy maiyak.
Madali nga pala talagang mangarap. Kung sa isip lang. Dati pa man ay kinuwenta-kwenta ko na kung ilang taon ba ang kakailanganin ko para maisakatuparan ang lahat ng aking mga mithiin. Ayon sa plano, sasapat na ang anim na taon. Samakatuwid, sa edad na beinte sais pa lang ako pwedeng magpa-easy-easy. Hindi na ‘kako masama. Ang nanay ko naman no’n ay sisenta y syente at ang tatay ko ay sisenta y nueve. ‘Yon ang medyo masama. Kaya sabi ko sa kanila, haba-habaan pa nila ang paghugot ng hininga para kanila pang maranasan ng matagal-tagal ang ipinapangako kong mas maginhawang buhay.
‘Yon ang dahilan kung bakit ako nagmamadali at kung bakit sa iisang direksyon lang ako nakatingin. Kaya humihingi ako ng dispensa sa lahat ng tinanggihan kong parties at overnights. May hinahabol kasi akong taning hindi para sa sarili ko kundi para sa dalawang pinakaimportanteng tao sa buhay ko. Ang nanay ko na sinisikatan at pinapanawan na ng araw sa harap ng makinang Juki at ang tatay kong alas sais pa lang ng umaga ay wala na sa bahay at kung umuwi naman ay alas syete na ng gabi. Overtime araw-araw.Walang holidays at lalong walang rest days. Dahil wala rin namang holidays at rest days ang mga alaga niyang baboy.
Ang plan A. Kung right after college ay makakakuha ako ng first job at mananatili roon for a year para magka-experience (na sa awa ng Diyos ay na-beat ko naman), sa edad na beinte uno ay trabaho na sa abroad ang pokus ko. ‘Yan ay kung lalakipan ako ng swerte para agad na makalipad. Kaya naman ngayon pa lang ay kinokontrata ko na ang mga pininsan kong OFWs na timbrehan ako ‘pagka may hiring sa mga bansang kinaroroonan nila. Hindi naman ako mapili. Uubra na sa akin ang magsimula sa Asya. Ang mahalaga, mas malaki sa karaniwan ang maipadadala ko sa ‘Pinas. Sapat na ‘kako ang dalawang balikan kung ang bawat isang kontrata ay aabot ng dalawang taon. Sa unang alis ay ang pagpapa-renovate ng bahay ang target ko. ‘Yon lang muna.Sa pangalawang balik ay sasakyan naman ang ipupundar ko nang mapalitan na ang luma naming owner na kapag hindi nagamit ng dalawa-tatlong araw ay pahirapan na ang pag-i-start. Tapos ay perang pangnegosyo. Pagkatapos no’n ay uuwi na ako at hindi na babalik bilang isang OFW kundi bilang isang turista na lamang siguro. Pagbalik ko sa bansa ay may kulang-kulang isang taon pa akong pwedeng gamitin para sa pagnenegosyo o ‘di kaya’y sa paghahanap muli ng pirmihang trabaho bago ang i-s-in-et kong deadline. At mula roon ay maluwag na.
Kung binasa mo ang kinonsepto kong plan A, aakalain mong plantsado na lahat. Parang napakadali. Angtotoo, noong una ay wala na akong balak pang gumawa ng plan B dahil itinalaga ko na ang sarili kong susundin ang orihinal na plano tulad ng nakasanayan. Pero nang harapin ko ang dalawang magkakasunod na job interviews para sa isang TV network dito sa bansa kinabukasan ng mismong araw ng graduation ko ay para akong ginising mula sa aking pangangarap nang dilat. Doo’y ipinaliwanag sa akin ang alok nilang sweldo at kung anu-ano at papaano ang sistema ng kaltasan. Hindi pala gano’n kadali. Akala ko ay natutunan ko nang yakapin ang realidad ng buhay mula nang tumuntong ako ng kolehiyo. Hindi pa rin pala. Masyado pa ring realistiko ang plan A ko. Napakahirap ng magiging proseso para ma-beat ko ang lahat ng i-s-in-et kong deadlines. Napakahirap PERO hindi naman imposible. ‘Yon nga lang dapat ay magsimula na ako ngayon pa lang sa pag-ko-conceptualize ngalternative plans. Mga hanggang plan J pa siguro.
Tulad mo, wala akong hinangad na hindi maganda para sa aking pamilya. Ang kabuuan ng pangarap ko ay ang katuparan ng kanilang mga pangarap.‘Yon para sa akin ang jackpot. At kung may tinatawag man akong “sariling pangarap” ay itinuturing ko na lang ‘yong bonus. Hindi ko ito pinanghihinayangang iisantabi muna dahil mayroon pa naman akong kung ilang dekada para tuparin ang mga ‘yon. Samantalang sila…
