Ang Mahiwagang Salamin

 

Art by Rico Rival of Liwayway magazine

Art by Rico Rival of Liwayway magazine

Maingay sa loob ng classroom. Nagkakagulo ang mga estudyante sapagkat late na ng halos 20 minutes ang kanilang professor para sa subject na Political Science. Sa isa sa apat na sulok ng classroom ay naroroon si Danica, nakayukyok lamang sa kanyang makapal na Biology book, tila abalang-abala sa pagbabasa at hindi alintana ang pagsasaya ng kanyang mga kamag-aral. Nasa ganito siyang ayos nang gambalain siya ng grupo ni Shiela, ang mga classmates niyang naturingan ngang mga magaganda ay saksakan naman ng dami ng insecurities sa katawan.

“Danica, pahiram nga ng libro mo sa Biology, magre-review kami ng mga friends ko!” saad ni Shiela sa mataas na tinig. Nakapamaywang pa at nakataas ang isang kilay na perpektong inilinya ng makeup.

“Pero Shiela, nagre-review din ako at kung hindi ako nagkakamali’y mayroon ka ring sariling Biology book,” sagot niya sa malumanay na tinig. Ayaw niyang makipagtalo kay Shiela at sa grupo nito ngayon, may long quiz sila sa Biology mamaya at nais niyang ituon ang buo niyang atensyon sa pagre-review.

“Akina sabi!” giit ni Shiela na pilit inaagaw ang Biology book mula kay Danica.

“Shiela, nagre-review din ako! ‘Wag mong agawin ang libro ko!” saad niya habang inaagaw sa kamay ni Shiela ang aklat.

Ngunit sadya yatang desidido si Shiela na i-bully si Danica ng araw na ‘yon.

“Teka, ano ito?” saad ni Shiela habang iwinawagayway ng kaliwa nitong kamay ang isang stationery paper na maingat na nakatiklop. “Love letter ba ‘to, panget?” tanong nito kay Danica sa nakalolokong tinig. Sa pagkakataong iyon ay naagaw na nito ang atensyon ng kanilang mga kaklase.

“Please, Shiela ibalik mo sa akin ‘yan…” nagmamakaawang pakiusap ni Danica kay Shiela. Mataimtim itong umusal ng isang panalangin na huwag sanang basahin ni Shiela ang laman ng stationery. Ngunit, hindi dininig ng langit ang kanyang hiling.

“Dearest classmates, hayaan ninyo akong hiramin ang inyong oras sandali,” ani Shiela na bahagya pang tumingin kay Danica na noo’y pigil-pigil ng dalawa niyang kaibigan na sina Candy at Barbara sa magkabilang braso. “Mahal kong Lance, sana malaman mo kung gaano kita kamahal. Sana mapansin mo rin ako balang-araw. Nagmamahal, Danica.” ani Shiela sa pinaarteng tinig, na sinundan pa ng matinis na halakhak.

“Ibalik mo sa akin ‘yan,” sigaw ni Danica nang makawala ito sa pagkakahawak ng dalawang kaibigan ni Shiela.

“Hayan! Hayan na ang kahibangan mo!” ganting sigaw nito na binuntutan uli ng isang matinis na halakhak. “Anong akala mo? Magugustuhan ka rin ni Lance? Ambisyosa ka rin ‘no? Ang pangit-pangit mo! Hindi gan’un katanga si Lance para magustuhan ka Danica, kaya ngayon pa lang tantanan mo na ang kakapantasya mo!” saad ni Shiela sa madiin na tinig habang dinuduro-duro si Danica na walang nagawa kundi ang mag-iiyak dahil sa sobrang pagkapahiya. Pagkaraan noo’y umalis na ang grupo ni Shiela na humahalakhak.

***

Gabi. Kasalukuyang nakaupo si Danica sa park at umiiyak. Sinalat niya ang kanyang mukha. Baku-bako ang kanyang balat, malalaki ang pares ng kanyang mga mata, sarat ang kanyang ilong at kakaiba ang laki ng kanyang mga labi. Kung minsan, tinatanong niya ang Lumikha kung bakit sa dinami-dami ng tao sa mundo ay siya pa ang nagkaganito. Inaamin niya, masama ang kanyang loob… sa lahat ng taong walang ginawa kundi ang pagkatuwaan siya at lait-laitin, na tila ba nasisiyahan pa sa tuwing nakikita siyang nasasaktan.

Totoo, matalino siya. Ito lang ang tanging katangiang maari niyang ipagmalaki. Naisip niya ang kanyang mama at namayapang papa, busug na busog siya sa mga ito ng pagmamahal. Laging itinatanim ng mga ito sa kanyang isipan na maganda siya sa kabila ng kanyang panlabas na kaanyuan. Ngunit, hindi pa rin niya maramdaman ang kakuntentuhan. Lagi na lamang niyang iniisip na wala na rin naman siyang magagawa. Dapat na lamang niyang tanggapin ang katotohanang ang mga pangit na gaya niya ay walang kalalagyan sa mapangmatang daigdig na ito.

Nasa ganito siyang pag-iisip nang may biglang nagsalita sa kanyang tabi.

“Ineng, may maitutulong ako sa problema mo,” anang isang matandang babae na gusgusin ang damit at tila ilang linggo nang ‘di naliligo.

“Teka, ano pong ginagawa ninyo dito? Paanong—”

“Paano akong napunta sa tabi mo?” pamamatlang ng matanda. “Masyado kasing malalim ang iniisip mo, hija…” anito na bahagya pang natawa. “Sandali, may ipapakita ako sa iyo,” sabi ito saka naghalungkat sa kanyang sakong dala-dalahan. “Heto, sa ‘yo na lang ‘to. Tiyak na makatutulong ito sa iyo,” anito kay Danica habang iniaabot ang isang pagkaganda-gandang salamin sa mukha na oblong ang hugis at kulay ginto.

“Eh, manang paano po kayong nagkaroon ng ganito kagandang salamin? Saka paano po ito makatutulong sa akin?” magkasunod na tanong ni Danica sa matanda.

“Wala na akong sapat na panahon upang sagutin ang mga tanong mo, hija. Basta, magtiwala ka sa akin. Pag-uwi mo sa inyong bahay ay saka mo malalaman kung paano iyan makatutulong sa iyo,” mahabang paliwanag ng matanda habang binubuhat ang kanyang mga sako. Akma na itong aalis ng muli itong humarap kay Danica at nagsalita. “At saka lagi mong pakakatandaan na ang tunay na kagandahan ay naririto,” saad ng matanda habang itinuturo ang sariling dibdib, bandang kaliwa, sa tapat ng kanyang puso.

Hindi man ganap na naunawaan ni Danica ang ibig sabihin ng matanda ay tumango na lamang siya at nagpasalamat dito saka excited na umuwi.

***

“Ginabi ka ‘ata Danica,” bati ni Gng. Villaceran sa anak. Pasado alas nwebe na kasi ng gabi at hindi siya sanay na ganitong oras umuuwi ang kanyang anak. “Kumain ka na ba?” tanong nito habang pinagmamasdan ang nagmamadaling kilos ni Danica na inilapag lamang ang bag at mga libro sa lamesita at dali-dali nang tumakbo sa kanyang kwarto.

“Yes, ‘Ma kumain na po ako. Sorry po at medyo na-late ako ng uwi. I love you ‘Ma,” ani Danica na humalik sa pisngi ng ina na hindi na nakuhang sumagot pa dahil nakapasok na ang kanyang anak sa kwarto nito.

“Hmmm, ano kaya ang maitutulong nito sa akin?” tanong ni Danica sa kanyang sarili. Kanina pa niya pinagmamasdan ang kulay gintong salamin na ibinigay sa kanya ng mahiwagang matanda. Medyo nawiwirduhan siya sa inakto nito kanina ngunit naengganyo rin siyang malaman kung ano ang maitutulong sa kanya ng magarang salamin.

“Pssst!”

Kinilabutan si Danica sapagkat siya lamang mag-isa ang nasa kwarto.

“Pssst!” Muling naulit ang pagbaswit ngunit, mas malakas na ito sa pagkakataong iyon. Doon na natakot si Danica kaya dali-dali siyang nagtalukbong ng kumot at nakiramdam.

“Lokah! Tumingin ka sa salamin. Nandito ako.” anang tinig.

Dahan-dahan siyang bumangon. Gumigiti ang pawis sa kanyang noo. Ilang ulit siyang napalunok upang basain ang kanyang nanunuyong lalamunan. “Sino ka?” tanong ni Danica habang nakatingin sa isang napakagandang babae na nasa loob ng kulay gintong salamin!

“Ang pangalan ko ay Crystal at ang pangalan mo ay Danica ‘di ba? Problemado ka kasi lagi kang binu-bully nila Shiela at hindi ka rin pinapansin ng crush mong si Lance, tama ba?” tuluy-tuloy na saad ng magandang babae sa salamin.

“O-oo, tamang lahat ang sinabi mo. Pero teka, paano mong nalaman ang mga ‘yun? Saka paano ka napunta d’yan?” nalilitong saad ni Danica sa kausap.

“Lokah ka talaga. Una sa lahat, my dear, noon ka pa namin sinusubaybayan ng matandang si Ursula kaya namin nalaman ang lahat ng himutok mo sa buhay. Pangalawa, ang matandang ‘yon ang nagkulong sa akin dito sa pesteng salamin na ‘to!” mahabang litanya ni Crystal.

“Naguguluhan pa rin ako Crystal. Pero, ano ‘yung sinasabi sa akin nu’ng matanda na makatutulong daw sa akin ‘tong salamin?” tanong ni Danica sa kausap habang hawak-hawak ang salamin.

“Ganito ‘yun. Ipikit mo ang iyong mga mata, tapos mag-concentrate ka… isipin mo kung ano ang gusto mong maging hitsura.” saad ni Crystal habang pinagmamasdan si Danica na kasalukuyang ginagawa ang mga idinikta niya. “Tama, ganyan nga… ngayon, dumilat ka at pagmasdan mo ang iyong sarili sa salamin sa iyong tokador.” dugtong pa ni Crystal.

Manghang-mangha si Danica sa kanyang nasilayan.

“Ako ba talaga ito, Crystal?” hindi makapaniwalang tanong ni Danica. “Ang ganda-ganda ko!” sabi pa nito. Ang kaharap niya ngayon sa salamin ng tokador ay isang napakagandang babae. Isang mukha na kaiinggitan ng lahat ng mga kababaihan at pagpapantasyahan ng lahat ng mga kalalakihan.

“Ikaw nga ‘yan, Danica. Ngunit, ang talab ng kapangyarihan ng salamin ay hanggang alas dose lang ng hating-gabi. Simula ngayon, maaari mo ng gawin ang lahat ng nais mo sa lahat ng mga taong nanakit sa iyo.” saad ni Crystal na kumikislap ang mga mata sa kagalakan.

“Oo.” sagot ni Danica na may naglalarong matamis na ngiti sa mga labi.

***

Kinabukasan, halos mapatanga ang lahat nang pumasok si Danica sa pintuan ng kanilang classroom. Kasabay niyang pumasok ang kanilang professor sa Social Science.

“Good morning, guys! Mukhang natulala kayo sa kasama ko, ah. Siya ang bago ninyong classmate, si Maricris Solomon. Isa siyang irregular student at obviously sa subject ko lang ninyo siya magiging classmate,” mahabang paliwanag ng kanilang professor.

Sa buong oras ng kanilang subject, tila walang boys ang nakinig sa discussion sapagkat lahat sila ay walang puknat na nakatitig kay “Maricris” na tila ini-enjoy naman nito. Ang bagay na ito ang labis na ikinangitngit ng grupo ni Shiela.

***

Sa canteen. Nag-uusap ang magkakaibigang sina Shiela, Candy at Barbara habang naglalakad papunta sa isang table upang kumain.

“Sino ba ang bruha na ‘yun? Nakakainis! Nakita ninyo ba ang reaksiyon ng mga classmates nating boys? Naku! At ini-enjoy pa ng bruhang Maricris na ’yun!” litanya ni Shiela na inis na inis kay Danica.

“Ay!” sabay-sabay na tili ng tatlo. Binangga kasi ni Danica si Shiela dahilan upang matapon ang orange juice sa puting blouse nito. Agad na nagmarka doon ang kulay orange na mantsa ng juice.

“Boba!” sigaw ni Shiela na gigil na gigil at akmang sasampalin sana si Danica ngunit agad naman itong nasalag ni Lance na noon ay kasama ng huli.

“Huwag na huwag mong sasaktan si Maricris!” saad ni Lance sa maigting na tinig.

Lihim na napatawa si Danica. Hulug na hulog na talaga sa kanya si Lance. Sa wakas! Hindi rin ito nakatanggi sa kanyang alindog.

“Titingnan mo kasi ang dinadaan mo! At pwede ba, kung may boba man dito Shiela, ikaw ‘yon at hindi ako!” matapang niyang saad na sadyang nilakasan ang tinig upang makahatak ng atensyon ng iba pang kumakain. Ang nais niya talaga ay ang ipahiya ang grupo ni Shiela kung kaya sadya niyang binangga ang tatlo.

“Lance, honey, tara na. Huwag nating patulan ang mga bobitang ‘yan!” pagtatapos ni Danica sa nang-uuyam na tinig at buong arteng iginiling ang balakang habang naglalakad papalayo.

***

Ala una ng madaling-araw sa bahay ng mga Villaceran. Hindi mapakali ang ina ni Danica, kanina pa kasi nito hinihintay ang anak. Nagtataka ito sapagkat noon lamang inabot ng ganoong oras ng gabi ang kanyang anak sa lansangan. Napaigtad siya ng may mag-door bell.

“Danica, anong oras na?! Bakit ngayon ka lang?” sita ni Gng. Villaceran sa anak na noo’y nagbalik na sa tunay nitong anyo.

“Pwede ba ‘Ma, tigilan ninyo ako! Pagod ako! Huwag ninyo akong misahan ngayon!” magaspang nitong sagot sa ina.

“Saan ka natutong sumagot ng ganyan Danica? Hindi ka namin pinalaking ganyan ng ama mo!” ani Gng. Villaceran sa nangingnig na tinig.

“Stop talking nonsense ‘Ma!” pabalewalang tugon ni Danica na tuluy-tuloy pumasok sa kanyang silid.

***

“Crystal! Crystal! Magpakita ka sa ‘kin!” sigaw ni Danica habang hinahalughog ang kanyang mga gamit. “Nasaan na ba ang pesteng salamin na ‘yon?!” iritadong saad nito.

“Ako ba ang hinahanap mo?” saad ni Crystal na may nakalolokong ngisi sa labi.

“Gawin mong panghabang buhay ang kagandahan ko! Hindi ko namalayan ang oras kanina. Iniwan ako ni Lance nang masaksihan niya ang pagbabagong-anyo ko kaninang alas dose. Gawin mo akong maganda habang buhay, Crystal!” histerikal na saad ni Danica na animo baliw na kinakausap ang gintong salamin.

“Sabi na nga ba at gaya rin kita. Magiging sakim ka oras na matikman mo ang kagandahan.” anito saka tumawa nang malakas. “Ngayon, Tandang Ursula naniniwala ka na ba sa akin? Panalo ako sa pustahan. Palayain mo na ako dito at ikulong mo na ang Danicang ‘yan sa salamin na ito!” malakas na saad ni Crystal sa matandang nakapasok sa kwarto nang hindi nila namamalayan.

Sa isang iglap ay nagkapalit ng pwesto ang dalawang babae. Nakalaya si Crystal mula sa salamin ngunit si Danica naman ang nakulong dito.

“Anong ibig sabihin nito? Pakawalan ninyo ako! Pakawalan ninyo ako!” pagmamakaawa ni Danica sa dalawa.

“Naging sakim ka, Danica. Napuno ng paghihiganti at pagmamalaki ang puso mo. Nakalimutan mo ang mga taong nagmamahal sa iyo ng tunay. Nagkamali ako ng pagkakakilala sa iyo. Ikinalulungkot ko ngunit mananatili ka sa loob ng gintong salamin at makalalabas lamang kung may isa pang babaeng gaya mo ang magiging sakim sa kagandahan.” ani Ursula sa mababang tinig.

“Ipinapangako ko, magpapakabait na ako, pakawalan mo lamang ako dito Ursula! Pakawalan mo ako!” pagsusumamo ni Danica na patuloy sa pag-iyak at pagmamakaawa.

“Hindi, Danica. Nakalimutan mong ang tunay na kagandahan ay wala sa panlabas na kaanyuan kundi naririto,” sagot ni Ursula habang itinuturo ang kaliwang bahagi ng dibdib, sa tapat ng puso.

Iyon lamang at isinilid na ni Ursula ang gintong salamin sa kanyang sako. Pagkaraa’y sabay silang lumakad ni Crystal sa direksyon ng pader at tumagos dito. #

Advertisements

16 Comments (+add yours?)

  1. kaze
    Sep 15, 2009 @ 14:42:29

    nice story ate irish….

    Like

    Reply

  2. remar
    Aug 24, 2013 @ 09:23:40

    nice!

    Like

    Reply

  3. Cha Cha Makhuletsz
    Dec 05, 2013 @ 14:06:33

    hmmmmm… dpat kung anu ang meron ka at kung ano ang mayroon sa paligid mo makuntento ka ………. 😀

    Like

    Reply

  4. jane
    Jul 14, 2014 @ 02:29:46

    .hmmm its realy nice nman…but is so sad cause she is not contented what she had./..

    Like

    Reply

  5. Trackback: Ang Reklamadorang Empleyada at ang Asul na Genie | Tagalog Dito
  6. penpowersong
    Feb 12, 2016 @ 02:37:17

    ang visuals, ikaw rin ba ang gumagawa?…komiks na komiks and dating!

    Like

    Reply

  7. Trackback: Isang Bukas na Liham sa mga Magnanakaw ng Akda | Tagalog Dito
  8. mhariz
    Mar 04, 2016 @ 11:50:47

    nice

    Liked by 1 person

    Reply

  9. john rey cruz
    Feb 10, 2017 @ 06:15:21

    pano po mag post dito? pede po bang parabula ang i-post ko?

    Liked by 1 person

    Reply

    • tagalogdito
      Mar 14, 2017 @ 03:10:27

      Hi John Rey! Maraming salamat sa intensyon mong magpasa ng iyong akda sa blog na ito. Lamang, wala pa akong plano sa ngayon na maglathala ng mga akda ng mambabasa sa pahinang ito. Ngunit hindi ko isinasara ang posibilidad na mangyari iyon sa hinaharap. Muli, maraming salamat! 🙂

      Like

      Reply

Comment-comment din 'pag may time!

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

AHJUMMAMSHIES

Saving Lives through K-Dramas

Doctor Eamer

PAG-IBIG ATBP.

geek god review

Annoying reviews and commentaries about everything geeky. Name it and we'll annoy you.

ktsmads

point of view.

The Jologs Chronicle

Helping you in the journey called -- LIFE

Mausolea Cirri

In here, I shall free all my thoughts locked up inside me.

ItsDlynFandiño

Let me share my thoughts and have my own limelight in this thing called writing. *winks with unicorns and rainbows*

Writer wanna be

Whenever we’re writing we are entering a different world, a world in which we can be free to express everything we want to say, a world where we can be everything we want to be. We just need to tickle our imagination.

Leon's daughter

Fascination is viral, infect with caution

Mariah Miranda

Beyond words, my heart

ladyleemanila

a girl in fringe, pretty in red

The Peps

The story continues ...

Louie Jon A. Sánchez

Poet, Teacher, Television Scholar, Filipino

Spilling Ink

Express the feelings through words, turn imagination into real picture