Ika-limampu’t Isang Alay

Art by Rico Rival of Liwayway magazine

Art by Rico Rival of Liwayway magazine

Pawisan si Danilo. Biling-baligtad siya sa kama, umuungol at hinahabol ang kanyang paghinga. Sa kanyang panaginip ay may isang malamyos na tinig ang paulit-ulit na tumatawag sa kanyang pangalan.

“Danilo… Danilo… mahal ko, nasasabik na akong makita kang muli,” anang tinig ng isang napakagandang babae na nakatayo sa kanyang harapan. Hindi niya maipaliwanag kung bakit may pakiramdam siya na para bang matagal na silang magkakilala.

Hindi makatugon si Danilo sa babaeng kaharap, tila ba nahihipnotismo siyang nakatitig lamang dito at buong paghangang pinagsasawa ang kanyang mga mata sa perpektong anyo ng mahiwagang babae.

“Maghihintay ako sa iyo, mahal ko… maghihintay ako,” pagpapatuloy ng babae habang dahan-dahan itong nawawala na animo usok. Humabol naman si Danilo rito ngunit may kung anong malakas na pwersa ang humila sa kanya papabulusok sa malalim na kadiliman.

***

Napabalikwas ng bangon si Danilo mula sa kama. Ang una niyang sinipat ay ang orasan na nakapatong sa side table sa tabi ng kanyang higaan. Alas-otso na ng umaga at kung may balak siyang pumasok sa trabaho’y pihadong nagmamadali na siya ngayon ‘pagkat late na siya. Ngunit hindi lamang isang simpleng araw ang araw na ‘yon, mag-pa-file siya ng vacation leave kahit na isang linggo lang sa opisina at noon di’y tutulak siya patungong Ilokos. Hindi mawala sa kanyang isipan ang naging panaginip niya kagabi. Umaalingawngaw pa rin hanggang ngayon sa kanyang pandinig ang mga katagang binitawan ng babae, “Maghihintay ako sa iyo, mahal ko…” Buo na ang kanyang pasya, pupuntahan niya ang mahiwagang babae sa probinsya.

***

“Pareng Dan, bakit biglaan naman ‘ata ang pagbabakasyon mo? Saka wala ka namang kamag-anak sa Ilokos, ‘di ba? Ano bang gagawin mo r’on?” sunud-sunod ang tanong ni Randy sa kaibigan. Pareho silang namamasukan bilang accounting clerks sa isang kompanya ng gamot. Magkaibigan na sila nito buhat pa noong sila ay nasa kolehiyo pa lang at sabay sila nitong natanggap sa kasalukuyang trabaho. Mga binatilyo pa lamang sila ni Danilo ay batid na ni Randy na malikot ito sa babae, sa madaling salita, chickboy. Papalit-palit at kabi-kabila ang girlfriends nito na madalas magsabunutan kapag nagkabukuhan na.

“Wala naman pare, parang gusto ko lang mag-relax sandali. Ang tindi ng pressure dito sa opisina, eh,” sagot naman dito ni Danilo.

“Baka naman chikababes lang ang dahilan kaya ka nagkukumarat na pumunta sa Ilokos?” buska ni Randy kay Danilo na gumanti lamang ng ngiti. “Ikaw talaga, pare. Ano ang sasabihin ko kina Chona at Girlie kapag nagtanong sila kung nasaan ka?” tanong ni Randy. Sina Chona at Girlie ay mga girlfriends ni Danilo. Si Chona ay isang kolehiyala na sadyang liberated at game sa lahat ng bagay, habang si Girlie naman ay isang anak-mayaman na spoiled brat at pinagtitiyagaan lamang pakisamahan ni Danilo dahil sa pera.

“Parang isang linggo lang naman akong mawawala, pare. Pero kung tatawag man ang kahit isa r’on sa dalawang ‘yon, sabihin mong ipinadala ako ng kompanya sa isang seminar sa Ilokos.” nagtatawang saad ni Danilo kay Randy na noon nama’y napapailing. “Sige na, pare ko, mauuna na ako at ako’y may date pa. Ikukwento kong lahat sa’yo pagbalik ko dito sa Manila. Iba talaga ‘pag gwapings pare… pinagkakaguluhan!” patuloy pa ni Danilo, na sadyang nagyayabang sa kaibigan.

“Siya sige, pero pare paalala lang, ha? Mag-iingat ka sa karma, masama raw kung gumanti ang mga babae,” seryosong wika ni Randy sa kaibigan.

Nagkibit-balikat lamang si Danilo.

***

Habang nasa byahe sakay ng kanyang secondhand na kotse ay hindi maiwasan ni Danilo ang hindi mapangiti. Hindi mapalis sa kanyang alaala ang imahe ng napakagandang babae sa kanyang panaginip. Ang totoo’y hindi niya malaman kung bakit sa Ilokos siya itinutulak ng kanyang mga paa, may kung anong tinig lamang ang bumubulong sa kanya na ang estrangherong babae ay sa Ilokos nga nakatira.

Sa kanyang panaginip ay tila ba napakatagal na nilang magkakilala. Malabatubalani ang kagandahang taglay nito na kahuhumalingang tiyak ng mga lalaking gaya niya. Makurba ang makinis at maputi nitong katawan, ang mga mata nito’y tila ba kinapapalooban ng napakaraming sikreto, napakapula ng kanyang mga labi at ang buhok nito’y alun-alon at tila ba kakulay ng gabi sa itim at kinang. Sa isiping iyon ay lalo siyang nasabik. Hindi siya papayag na hindi maangkin ang mahiwagang babae. Nasa ganitong pag-iisip siya ng mag-ring ang kanyang cellphone. Si Chona ang nasa kabilang linya.

“Hello, Dan sweety? Why don’t you make paalam man lang sa akin na may seminar ka pala somewhere in Ilocos? I’m kinda tampo na with you, ha?” maarteng saad ng babae na nasa kabilang linya. Ibig matawa ni Danilo.

“Babe, madalian kasi, eh kaya naman hindi ako agad nakatawag sa ’yo para magpaalam. Tatawag na sana ako kaso naunahan mo lang ako. Sorry na babe, ‘wag ka nang magtampo,” malambing na saad ni Danilo sa nobya. Ang layunin lamang niya ay ang huwag itong maghinala na may kalokohan siyang gagawin sa Ilokos.

“Okay, sweety, ‘di na ako magtatampo just make sure na pagdating mo here in Manila sa apartment ko ikaw mag-i-stay for a while, ha?” sagot pa ng babae.

“Sure, babe. C’mon, ibaba ko na ‘tong CP. I’m driving kasi. I love you, babe.” pagtatapos ni Danilo sa usapan ngunit hindi pa man niya naibababa ang aparato sa dashboard ng kotse ay nag-ring na ulit ito. Sa pagkakataong ‘yon ay si Girlie naman ang tumatawag. Napaismid na lamang si Danilo bago sagutin ang telepono at nagtahi ng kung anu-anong palusot.

***

“Tatang, saan po ba rito ang bahay ni Susana?” tanong ni Danilo sa isang matanda na kasalukuyang nananabako. Nang marinig nito ang binanggit niyang pangalan ay napaantanda ito at pinanlakihan ng mga mata.

“Susmaryosep, Amang! Huwag mo ng ituloy kung ano man ang ‘yong binabalak! Mapanganib si Susana, hindi siya pangkaraniwang babae!” tuluy-tuloy na bulalas ng matanda na noo’y napatayo na sa tindi ng emosyon. Nagtaka siya sa ikinilos ng matanda maging sa kanyang sarili. Hindi niya mabatid kung bakit tila nagkaroon ng sariling isip ang kanyang mga labi upang bigkasin ang pangalang “Susana” gayong hindi naman niya kilala ang pakay na babae.

“Po?” ani Danilo.

“Mapanganib siya, Amang! Umuwi ka na lamang at huwag na huwag ka nang babalik pa sa lugar na ito!” patuloy na babala ng matanda kay Danilo, ngunit sa bandang huli ay nanaig pa rin ang kagustuhan ng binata. May malakas na pwersang humahatak sa kanya upang tunguhin ang bahay ng babae. Habang tinatanaw ang papalayong sasakyan ni Danilo patungo sa itinurong direksyon ay napailing ang matanda.

“May bago na namang biktima si Susana. Kaawa-awang nilalang!”

***

“Susana?” tanong ni Danilo sa napakagandang babae na kasalukuyang naliligo sa batalan. Napakaganda nga pala nito lalo na sa malapitan. Humahakab sa katawan nito ang manipis nitong blusa at saya sapagkat basa na ito ng tubig ngunit tila balewala lamang ito sa babae.

“Danilo, mahal ko!” sagot ni Susana sa lalaki. Agad itong yumakap at inakay ang bagong dating papasok sa loob ng kabahayan. Tila naman wala sa sariling sunud-sunuran lamang dito si Danilo. Labis na itong nabighani sa kagandahan ni Susana. “Mabuti at nakarating ka! Maghintay ka lamang dito at ikukuha kita ng maiinom.” pagpapatuloy ng babae. Pagkatalikod nito’y may naglarong mapanganib na ngisi sa mga labi ng Susana.

Pagbalik ng babae ay may bitbit na itong puswelo ng mainit na tsaa na hindi mawarian ang kulay. Kakaiba rin ang masangsang nitong amoy.

“Halika, mahal ko, inumin mo muna ang tsaang ito,” anyaya ni Susana sa binata. Tila balewala lamang itong ininom ni Danilo. Nang walang anu-ano’y bigla itong nagsisigaw at nagwala. Halos lumuwa ang mga mata nito sa tindi ng sakit na nadarama sapagkat tila may mga kamay na pumipiga sa kanyang puso. Naglabasan ang lahat ng ugat nito sa katawan, umagos ang dugo mula sa mga mata, ilong at bibig ng lalaki, pagkaraa’y nangisay, bumula ang bibig at nawalan ng buhay.

“Iyan ang nababagay sa mga gaya mong mapaglaro sa aming mga babae,” saad ni Susana na noo’y humahalakhak. “Mamayang gabi ay may iaalay na naman ako sa aking kamahalan.”

***

Kinagabihan habang umuusal ng hindi mawawaang orasyon si Susana ay biglang lumitaw mula sa kadiliman ang isang matandang babaing nakasuot ng itim at may mahahabang mga kuko at buhok. Nanlilisik din ang mga mapupulang mata nito.

“Susana, siya ba ang ika-limampu’t isa mong alay?” tanong ng matanda habang nakatitig sa bangkay ni Danilo na nakamulagat pa rin ang mga mata.

“Opo, kamahalan, malapit na po akong makaisang daang alay. Gaya ng napag-usapan natin ay bubuhayin mong muli ang aking ina na nagpakamatay dahil iniwan ng aking ama at muli mong ibabalik sa akin ang aking asawa na iniwan ako’t sumama sa ibang babae,” mahabang tugon ni Susana sa matanda.

“Oo, Susana. Marunong akong tumupad sa kasunduan, hindi mo na kailangang ulit-ulitin sa akin ang mga kapalit ng ipinagbili mong kaluluwa,” tugon ng matanda na noo’y binabalutan ng usok ang katawan ni Danilo. “Hanggang sa muli, Susana. Ihanda mo na ang iyong ika-limampu’t dalawang alay,” anang babae bago maglaho kasama ang bangkay ni Danilo.

***

“Lagpas na ng dalawang araw ang bakasyon ni Danilo, ah. Bakit kaya hindi pa pumapasok ang isang ‘yon?” tanong sa sarili ni Randy bago mapakibit-balikat. “Malamang, nag-enjoy ng husto sa chikababe niya sa Ilokos. Aba’y pati cellphone ay hindi sinasagot! Ang kaibigan ko talagang ‘yon, oo!” dagdag pa ng nagtatawang si Randy bago muling hinarap ang trabaho sa computer.

***

Mula sa malayo ay minamasdan ni Susana si Greg habang akbay-akbay nito ang kasintahan sa parke. Nababasa ng babae ang pilyong isipan ng binata. May kakatagpuin pa itong isa pang nobya kinagabihan. Ngumisi si Susana, nakaaamoy ng tagumpay.

“Nakita ko na ang aking ika-limampu’t dalawang alay,” humahalakhak na saad ng babae habang naglalahong parang usok. #

Advertisements

2 Comments (+add yours?)

  1. Trackback: Ang Reklamadorang Empleyada at ang Asul na Genie | Tagalog Dito
  2. Trackback: Isang Bukas na Liham sa mga Magnanakaw ng Akda | Tagalog Dito

Comment-comment din 'pag may time!

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

AHJUMMAMSHIES

Saving Lives through K-Dramas

Doctor Eamer

PAG-IBIG ATBP.

geek god review

Annoying reviews and commentaries about anything geeky. Name it and we'll annoy you.

NAY

Wanders. Thoughts. Experiences.

The Jologs Chronicle

Helping you in the journey called -- LIFE

Mausolea Cirri

In here, I shall free all my thoughts locked up inside me.

ItsDlynFandiño

Let me share my thoughts and have my own limelight in this thing called writing. *winks with unicorns and rainbows*

Writer wanna be

Whenever we’re writing we are entering a different world, a world in which we can be free to express everything we want to say, a world where we can be everything we want to be. We just need to tickle our imagination.

Leon's daughter

Fascination is viral, infect with caution

Mariah Miranda

Beyond words, my heart

ladyleemanila

a girl in fringe, pretty in red

The Peps

The story continues ...

Louie Jon A. Sánchez

Poet, Teacher, Television Scholar, Filipino

Spilling Ink

Express the feelings through words, turn imagination into real picture