Si Sikyo, ang Makasariling Aso

Art by Kitz Tumanda and Wilson Fernandez of Liwayway magazine

Art by Kitz Tumanda and Wilson Fernandez of Liwayway magazine

“Maglalayas na ako, Pareng Popo,” matapang na saad ni Sikyo, isang malaking-malaking asong itim. Bitbit niya sa kanyang balikat ang kanyang maliit na balutan na naglalaman ng ilang pirasong buto. “Tutal naman ay hindi na ako mahal ni Ate Dedang,” dagdag pa niya. Ang Dedang na kanyang binanggit ay ang batang babaeng kanyang amo, sampung taong gulang at sadyang mahiligin sa hayop.

Ngiyaww! Aba, Pareng Sikyo! Alam mo ba ang pinagsasasabi mo? Napakahirap ng buhay ngayon, baka akala mo. Kung maglalayas ka, sinong magpapakain sa iyo ng libre, sige nga? Ngiyaww!” sagot-tanong naman ni Popo, isang malaking pusa na may tatlong kulay – itim, puti at kahel. Alaga naman ito ng kapitbahay nina Dedang na si Boyong.

Aw! Aw! Bahala na, pare ko. Ang mahalaga sa ngayon ay ang makaalis ako rito! Hindi na nila ako mahal!” tuluyan nang napaiyak si Sikyo. Ilang ulit itong umungol at ipinuypoy ang buntot, pagkaraan ay suminga.

“Teka nga, pare, naguguluhan ako. Bakit ka ba maglalayas? Ang swerte-swerte mo nga, eh mahal na mahal ka ni Dedang, ngiyaww!” si Popo ulit.

“Dati ‘yon, pare, hindi na ngayon! Kaninang umaga kasi nag-uwi ng tuta sina Ate Dedang at Nanay Sima pagkagaling nila sa simbahan. Kulay puti siya at maganda,” sumbong ni Sikyo sa kaibigan.

Ngiyaww! Saan daw galing?” tanong ni Popo habang pinapaliguan ang sarili sa pamamagitan ng pagdila sa kanyang balahibo.

“Napulot daw ni Ate Dedang sa may luwasan! Aw! Aw!” simangot ni Sikyo. “Ayaw ko sa kanya! Siya na lang palagi ang kalaro ni Ate Dedang, siya palagi ang inaasikaso. Nakalimutan na nila ako!” patuloy pa rin sa pagpalahaw si Sikyo. Kakawag-kawag pa rin ang mataba nitong buntot.

Ngiyaww! Hay naku, pareng Sikyo, payong kaibigan lang ha? Kung ako sa ’yo, uuwi na ako sa amin kasi baka hinahanap na ako ni Dedang. Tingnan mo ang araw, oh! Matindi na ang sikat, tiyak na malapit na ang tanghalian,” panghihikayat ni Popo kay Sikyo. “Saka kanina ko pa naririnig ang tiyan mo, eh iyak na rin nang iyak,” biro pa ni Popo pagkaraan ay tumawa.

“Ah, basta! Maglalayas ako! Pero tama ka, uuwi muna ako sa amin, masarap ang ulam ngayon, eh. Nakita kong nagluluto ng nilagang baboy si Nanay Sima kanina. Pareng Popo, magkita na lang tayo mamaya bago ako umalis, aw! Aw!” paalam ni Sikyo sa kaibigan bago tumakbong papauwi.

***

Aw! Aw! Aw! Umalis ka dito, ‘wag mo akong agawan sa pagkain ko!” taboy ni Sikyo kay Kaloy, ang bago nilang ampon na tuta. Kasalukuyang kumakain si Sikyo ng pananghalian nang lumapit si Kaloy sa kanya upang makahingi ng konting pagkain.

“Sige na kuya Sikyo, konti lang naman, eh. Para kasing iba ‘yang kinakain mo sa kinain ko kanina,” pagsusumamo ni Kaloy kay Sikyo.

“P’wede ba? Huwag mo nga akong tawaging kuya!” singhal pa rin ni Sikyo. Napalayo tuloy dito si Kaloy dahil sa takot. “Akin lang ‘to! Saka hindi pa ito p’wede sa ’yo! Lugaw pa lang ang kaya mong kainin!” dagdag ni Sikyo.

“Sige na po, konti lang,” pilit pa rin ni Kaloy rito na bahagya pang lumapit para muling silipin ang pagkain ni Sikyo na kanin na sinabawan ng nilagang baboy at hinaluan ng gulay.

Aw! Aw! Makulit ka pala, eh! Sabi ng ayoko, umalis ka rito! Tsupi! Ggggggrrrrr!” bulyaw ni Sikyo kay Kaloy na binuntutan pa ng malalakas na kahol. Napatakbo tuloy si Kaloy sabay iyak.

“Oh, Sikyo bakit mo inaaway si Kaloy?” saway ni Dedang sa dalawa. “Dapat nga ay ikaw pa ang magparaya dahil mas matanda ka sa kanya,” sabi pa ni Dedang kay Sikyo habang hinihimas-himas ito sa balahibo na para bang tao talaga ang kausap. “Kuuuuuu Kaloy, halika na. Huwag mo nang gambalain pa ang kuya Sikyo mo sa pagkain,” sabi ni Dedang kay Kaloy bago ito kinarga. Naiwan tuloy si Sikyo na nawalan na ng gana at nagngingitngit.

***

Ngiyaww! Oh, pare! Maglalayas ka pa rin ba?” tanong ni Popo sa kanyang kumpareng si Sikyo habang ito ay nagpapahinga sa ilalim ng punong mangga. Hapon na kasi noon at katatapos lamang nitong kainin ang nahuli nitong malaking daga.

“Oo, pare! ‘Di ba ang sabi ko sa ’yo ay maglalayas talaga ako? Aw! Aw!” sagot ni Sikyo sabay salampak sa tabi ni Popo.

“Galit ka pa rin ba sa bago ninyong tuta? Ano nga ba ang pangalan niya? Ngiyaww!” si Popo ulit.

“Oo, galit talaga ako sa kanya! Kaloy ang pangalan niya, ‘yon ang itinawag sa kanya ni Ate Dedang kanina, eh,” sagot naman ni Sikyo rito habang nagkukulkol ng lupa bago higaan.

Ngiyaww! Bakit ka ba nagagalit sa kanya? ‘Di ba, dapat nga ay matuwa ka pa dahil dalawa na kayong magpapasaya kay Ate Dedang?” muling tanong ni Popo sa kaibigan habang pinagmamasdan ito.

Aw! Aw! Kaya ko namang pasayahin si Ate Dedang kahit ako lang mag-isa, ah? Nagkaroon pa tuloy ako ng kahati ngayon. Kanina, napagalitan ako ni Ate Dedang dahil sa kanya!” maktol ni Sikyo.

“Bakit? Ngiyaww!

“Paano’y inaagawan ako ng pagkain ng Kaloy na iyon! Tinahulan ko siya, pero sa halip na siya ang pagsabihan ni Ate Dedang ay ako pa ang napagalitan! Naku!” nanggigigil pa ring saad ni Sikyo habang nagkakamot ng tainga.

“Dapat kasi pare pinagbigyan mo na siya. Tutal naman ay mas matanda ka sa kanya,” payo ni Popo rito bago napailing.

“Ah, basta! Ang alam ko, mula nang dumating siya sa bahay namin ay nahati na ang atensiyon sa amin ni Ate Dedang. Dahil d’on ay maglalayas ako! Aw! Aw!” saad ni Sikyo bago tumayo at magpagpag ng kanyang balahibo.

Ngiyaww! Alam mo, payong kaibigan lang ha? Kung ako sa’yo ay uuwi na ako kasi baka hinahanap na ako ni Dedang. Tingnan mo ang langit, oh! Madilim na, tiyak na oras na ng hapunan,” hikayat pa ni Popo sa kumpare.

‘‘Aw! Aw! Tama ka, pare! Uuwi muna ako. Masarap na naman ang ulam eh. Nagluto si Nanay Sima ng adobong manok. Paano, kita na lang tayo bukas bago ako umalis, kaibigan!” paalam ni Sikyo sa kaibigan bago kumaripas ng takbo papauwi.

***

Ang mga inspirasyon ko para sa akdang ito: si Sikyo (itaas) na sobrang bait salungat sa deskripsyon ko sa kanya sa istoryang ito; grown-up version ni Patongtong (ibaba; kilala dating Kaloy) na siya namang makulit at pasaway!

Ang mga inspirasyon ko para sa akdang ito: si Sikyo (itaas) na sobrang bait salungat sa deskripsyon ko sa kanya sa istoryang ito; grown-up version ni Patongtong (ibaba; kilala dating Kaloy) na siya namang makulit at pasaway!

Pagkauwi ni Sikyo sa kanilang bahay ay nagulat siya nang makitang umiiyak si Dedang. Mugtung-mugto na ang mga mata nito habang sumisinghut-singhot. Nakita niya rin si Kuya Andrei, ang kinakapatid ni Dedang na isang beterinaryo, na hawak-hawak si Kaloy habang pinipindut-pindot ang tiyan nito.

“Dedang, kaya malaki ang tiyan ng tuta mo ay dahil mayroon itong UTI o Urinary Tract Infection. Ibig sabihin nito, nahihirapan siyang umihi dahil may nakabarang nana o ‘di kaya’y dugo sa kanyang ari,” paliwanag ni Kuya Andrei habang hinahaplos ang ulo ni Kaloy.

“Kuya, ano po ba ang dapat nating gawin para gumaling na si Kaloy?” saad ni Dedang na umiiyak pa rin. Kinuha nito si Kaloy mula sa kanyang Kuya Andrei at niyakap iyon.

“Bibigyan ko siya ng antibiotics. Ipainom mo ito sa kanya sa loob ng lima hanggang pitong araw, twice a day,” sabi ni Kuya Andrei habang iniaabot kay Nanay Sima ang isang maliit na botelya ng gamot.

Palipat-lipat ng tingin si Sikyo kay Dedang, Kaloy at Kuya Andrei. Nakadama siya ng matinding habag sa batang amo. Malamang ay kanina pa ito umiiyak kaya mapulang-mapula na ang mga mata nito pati na ang ilong. Naaawa rin siya kay Kaloy dahil bakas na bakas dito ang katamlayan pero humahanga rin siya rito sapagkat kahit minsan ay hindi niya ito narinig na umiyak man lang. Marahil ay ayaw nitong maragdagan pa ang pag-alala ni Dedang.

“Pagkatapos po ba ng pitong araw ay gagaling na siya, Kuya?” muling tanong ni Dedang na noo’y iniuuguy-ugoy si Kaloy na tulad ng isang sanggol.

“Hindi ko pa masasabi Dedang, kailangan pa natin siyang obserbahan. Masyadong pa kasing maliit ang tuta mo kaya medyo malaki ang posibilidad na mamatay siya,” ang sagot ni Kuya Andrei na lalong nagpalakas sa iyak ni Dedang.

Awang-awang pinagmasdan ni Sikyo si Dedang. Lumapit siya saka ikiniskis ang kanyang ulo sa binti nito at ipinuypoy ang kanyang buntot. Ngumiti sa kanya si Dedang.

“Tulungan mo akong alagaan si Kaloy ha, Sikyo? Huwag mo na ulit siyang aawayin,” sabi ni Dedang kay Sikyo. Tumahol naman si Sikyo na para bang nais ipabatid kay Dedang na sumasang-ayon ito sa sinabi ng amo.

***

Ngiyaww! Pareng Sikyo, hindi ka na ba maglalayas?” tanong ni Popo sa kaibigan kinabukasan. Pumasyal kasi siya sa bahay nila Dedang at naabutan niyang nagbabantay si Sikyo kay Kaloy. “Siya ba si Kaloy, pare?” dagdag tanong pa ni Popo. Tumango si Sikyo.

“Pareng Popo, hindi na ako maglalayas. Napag-isip ko kasi kagabi na naging makasarili lang pala ako. Tama ka, dapat pa nga akong matuwa kasi dalawa na kaming magpapasaya kay Ate Dedang, aw!” sagot ni Sikyo sa kaibigan.

“Ano naman ang nagpabago sa isipan mo, kaibigan?” tanong muli ni Popo habang pinagmamasdan si Kaloy na mahimbing na natutulog.

“Nakita ko kasing umiiyak si Ate Dedang kagabi kasi natuklasan ng beterinaryo na may impeksyon sa ihi si Kaloy. Naawa ako sa kanya, kaibigan. Saka ko naisip na dapat ko siyang tulungan sa pag-aalaga kay Kaloy kasi kapag gumaling na siya, magiging masaya na ulit si Ate Dedang,” mahabang sagot ni Sikyo sa kaibigang pusa.

“Oh, ‘Nay nandito po pala ‘yung pusa sa kabila. Nakakatuwa silang pagmasdan, binabantayan nila si Kaloy,” nakangiting wika ni Dedang sa ina na noon ay naghahanda ng pagkain para sa almusalan.

“Tamang-tama anak, dito na natin pakainin ‘yang pusa ni Boyong,” saad ni Aling Sima. “Miiings, Popo! Kuuuuu, Kaloy, Sikyo!” tawag pa nito sa kanila. Nag-uunahan silang tatlo na lumabas papuntang kusina. Nang magkatinginan sina Sikyo at Popo ay nagkindatan sila at nagngitian.

Naiwan naman si Dedang sa labas na naiiling at natatawa habang nakahalukipkip at pinagmamasdan ang tatlong hayop. Alam niya, gagaling si Kaloy at ang dalawa niyang alagang aso ay tiyak na magkakasundo. #

Advertisements

7 Comments (+add yours?)

  1. p b
    Apr 02, 2009 @ 11:03:25

    hi girl..visit ko dri
    ahahahaha xd…
    tc gbu..

    Like

    Reply

  2. kaze
    Sep 15, 2009 @ 14:33:41

    ang cute naman po ng story!!!

    Like

    Reply

  3. justinfernandez
    Feb 23, 2010 @ 08:18:28

    hello 🙂 maaari bang mag-iwan ng komento?

    maganda ang kwento.

    halu-halong emosyon ang bumalot sa’king pagkatao. hindi ko alam kung matatawa ako o ano. Paano ba naman, dito lang ako nakakita ng aso’t pusa na mag-kumpare. biro lang 🙂

    pero.. ang totoo niyan, binigyang-pansin ko ang pamagat ng iyong kwento. “ang makasariling aso”… may bahid ng ethics. kaya ganoon e walang morality ang mga hayop, puro instincts lang ang kanyang nakakaya. at meron pang personality theory iyan huh?

    galing!

    Like

    Reply

    • tagalogdito
      Mar 07, 2010 @ 00:25:57

      hi 🙂 syempre, pwede.

      salamat po ng marami. sa susunod po ay mas magiging maingat ako sa mga maliliit na detalye para hindi man maging makatotohanan ang kwento ay maging kapani-paniwala naman. 🙂 salamat!

      Like

      Reply

  4. Trackback: Ang Reklamadorang Empleyada at ang Asul na Genie | Tagalog Dito

Comment-comment din 'pag may time!

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

AHJUMMAMSHIES

Saving Lives through K-Dramas

Doctor Eamer

PAG-IBIG ATBP.

geek god review

Annoying reviews and commentaries about anything geeky. Name it and we'll annoy you.

NAY

Wanders. Thoughts. Experiences.

The Jologs Chronicle

Helping you in the journey called -- LIFE

Mausolea Cirri

In here, I shall free all my thoughts locked up inside me.

ItsDlynFandiño

Let me share my thoughts and have my own limelight in this thing called writing. *winks with unicorns and rainbows*

Writer wanna be

Whenever we’re writing we are entering a different world, a world in which we can be free to express everything we want to say, a world where we can be everything we want to be. We just need to tickle our imagination.

Leon's daughter

Fascination is viral, infect with caution

Mariah Miranda

Beyond words, my heart

ladyleemanila

a girl in fringe, pretty in red

The Peps

The story continues ...

Louie Jon A. Sánchez

Poet, Teacher, Television Scholar, Filipino

Spilling Ink

Express the feelings through words, turn imagination into real picture