Second Chance para kay Kim

“Tricia, akin na sabi si Chelsy!” pasigaw na saad ni Kim sa kanyang bunsong kapatid habang pilit na hinihila ang isang kamay ng manyika mula dito. Ang Chelsy na tinitukoy ni Kim ay ang Barbie doll na regalo ng kanilang Daddy Arnold kay Tricia noong nakaraan nitong birthday.

“Ayoko, Ate! Kita mo nang pinapatulog ko na si Chelsy, eh! Ayaw na niyang maglaro!” ganting sigaw ni Tricia sa kapatid.

“Akin na sabi!” patuloy ni Kim na hila-hila pa rin ang isang kamay ni Chelsy nang bigla itong maputol at pabagsak siyang napaupo sa kama.

“Aray! Kita mo na? Ayaw mo kasi siyang ibigay sa akin, eh! Ang damot mo!” gigil na wika ni Kim kay Tricia bago ito kinurot nang pino sa kaliwang braso.

“Aray, Ate! Isusumbong kita kay Mommy, akala mo! Bad ka!” atungal naman ni Tricia habang hinihimas-himas ang namumulang braso.

Akmang kukuruting muli ni Kim ang kapatid nang pumasok sa kanilang silid ang kanilang Mommy Elisa bitbit ang isang tray na may lamang dalawang basong gatas.

“‘Wag ninyong sabihin na nag-aaway na naman kayong dalawa? Hindi na kayo nagkasundo,” saad ni Mommy Elisa sa dalawang bata habang inilalapag ang tray sa side table ng kama.

“Siya po kasi, eh!” sabay na sigaw ng magkapatid habang itinuturo ang isa’t isa.

“Hindi ba pareho naman kayong may Barbie dolls?” tanong ni Mommy Elisa sa dalawa habang inaabutan ang mga ito ng gatas. “Bakit kailangan mo pang hiramin ‘yung sa kapatid mo, Kim?” baling nito sa panganay.

“Kasi Mommy, gusto ko lang may makalaro si Jessy,” sagot naman ni Kim sa ina na ang tinutukoy ay ang sarili niyang manyika.

“Hindi mo naman kailangan pang saktan ang kapatid mo, hindi ba?” muling tanong ni Mommy Elisa sa bata.

“Siya po kasi, eh!” katwiran pa rin ni Kim na nagsisimula nang humikbi.

“Hala, ubusin na ninyo ‘yang mga gatas ninyo at magsitulog na kayo. Ayaw ko nang mauulit ito ha, Kim? Maliwanag ba ‘yon?” tanong ni Mommy Elisa habang papalit-palit ng tingin sa dalawa.

***

“Palagi na lang si Tricia ang kinakampihan nina Mommy at Daddy, siguro Jessy hindi na nila ako mahal,” umiiyak na saad ni Kim habang hawak-hawak ang manyika paharap sa kanya. Kasalukuyan siyang nakahiga sa pang-itaas na kama ng kanilang double deck ng kapatid.

“Laging siya ang tama, laging siya ang matalino, ang mabait at masunurin at ako naman lagi ang kontrabida!” yamot pang dagdag ng bata.

“Sana isama na ako nina Lolo at Lola sa langit, Jessy. Mabait din naman ako, ‘di ba? Kaya tiyak na sa heaven ako mapupunta,” patuloy pa niya na tila ba tao ang Barbie doll na nakakaunawa.

Nasa ganito siyang pag-iisip nang tuluyan na siyang hilahin ng antok at nakatulog.

***

“Yaya, sige na bibili lang ako ng ice cream. Payagan mo na ako!” pilit pa ni Kim sa kanyang Yaya Lucing minsang namasyal sila sa paligid ng subdivision. Gusto sana niyang bumili ng dirty ice cream na itinitinda sa may kabilang kalsada ngunit ayaw siyang payagan ng kanyang yaya. Mahigpit kasi ang bilin ng kanyang Mommy dito na huwag siyang pakakainin ng sorbetes. Kasalukuyan kasing namamaga ang kanyang tonsils.

“Naku, Kim mapapagalitan ako ni Ma’am Elisa n’yan, eh. Maga pa ang tonsils mo, ‘di ba?” tanggi ni Yaya Lucing sa bata. Nang sa malingat siya at malibang sa pakikipagkwentuhan sa kapwa yaya ay nakabitaw sa kanyang pagkakahawak ang alaga at mabilis na nakatakbo patawid ng kalsada.

“Kim! Naku kang bata ka! Bumalik ka rito! Baka kung mapa’no ka n’yan!” tarantang sigaw ni Yaya Lucing na hindi malaman kung paano ito hahabulin. Nang sa pagtawid ni Kim ay hindi nito napansin ang mabilis na pagdating ng isang pulang kotse. Nangibabaw sa paligid ang langitngit ng preno at hiyawan ng mga tao at bago pa man nakaiwas ang bata ay nahagip na ito ng rumaragasang sasakyan.

***

Nang magmulat ng mata si Kim ay puro puti ang kanyang nakita. Nakahiga siya sa isang kama na animo ay isang malaking piraso ng bulak. Nang luminga siya sa paligid ay nakita niya ang kagaya ng kamang hinihigan niya na bawat isa’y may nakahiga ring mga bata at matatanda. Tahimik na tahimik ang paligid. Sa kanyang muling pagpihit paharap ay may nakita siyang isang lalaki na may maamong mukha. Nakangiti ito sa kanya at nagsimulang lumapit. Kakaiba ang ayos nito, may kung anong bilog na nagliliwanag sa kanyang ulo, nakaputi rin itong bestida kahit na ito’y lalaki, walang itong sapin sa paa at mayroon itong pakpak na puti gaya ng sa isang ibon.

“Anghel ka ba?” tanong ni Kim sa lalaki na sumagot lamang ng isang mayuming ngiti. “Anong pangalan mo? Nas’an ba ako?” pagpapatuloy pa ng bata.

“Ako si Miguel at nandito ka sa lugar kung saan dinadala ang mga taong nasa bingit ng kamatayan,” diretsong sagot ng lalaki.

“Malapit na po akong mamatay?” gulat na tanong ni Kim.

“Kung nanaisin mo,” tugon ng lalaki. “Halika, sumunod ka sa’kin. Mayroon akong ipapakita sa’yo para maalala mo ang lahat,” yaya nito kay Kim bago inilahad ang kanyang palad.

Sabay na lumakad ang dalawa sa mahiwagang lugar. Napansin ni Kim na ang nilalakaran nila ay tila nababalutan ng puting usok. Ang bawat kamang parang bulak na kinahihigaan ng mga matatanda’t bata ay may nakabantay na ang gayak ay katulad ng sa lalaking nagpakilalang si Miguel. Pumasok sila sa isang malaking silid na marami ring mga taong nakaputi. Nakahilera ang mga upuang para ring bulak na ang bawat isa ay may nakaharap na parang isang malaking flat screen TV. Inaya siyang maupo ni Miguel sa isang bakanteng upuan.

“Ang ganda naman dito, Kuya Miguel! Bakit ang daming mga tao?” tanong ni Kim.

“Gaya mo rin sila. Nagpapasya rin sila kung babalik pa ba sila sa mundo o didiretso na sa langit. Halika tingnan mo ito,” saad ni Miguel bago ituro ang screen sa kanilang harapan na biglang bumukas. Nag-play doon ang pagkakabangga sa kanya ng isang rumaragasang kotseng pula dahil nagpilit siyang bumitaw sa pagkakahawak sa kanya ng kanyang Yaya Lucing. Ipinakita rin doon ang mabilis na pagsugod sa kanya sa ospital ng kanyang Mommy at Daddy. Biglang nagdilim ang screen at nang muli itong magliwanag ay ipinakita naman ang umiiyak niyang Mommy habang kausap ang duktor. Naroon na rin sa ospital si Tricia na umiiyak habang bitbit sina Jessy at Chelsy.

“Natatandaan ko na, Kuya Miguel. Pero, hindi naman ako mahal nina Mommy at Daddy, kaya hindi sila masyadong malulungkot kung mawawala man ako,” malungkot na pahayag ni Kim sa lalaki habang umiiyak.

“Huwag mong sabihin ‘yan Kim. Walang magulang ang hindi nagmahal sa kanilang mga anak. Natitiyak ko na mahal na mahal ka nila,” alo ni Miguel sa bata.

“Pero bakit palagi na lang nilang ipinagtatanggol si Tricia? Ako na lang palagi ang may kasalanan ‘pag nag-aaway kami,” dagdag pang sumbong ng bata kay Miguel.

“Pinapagalitan ng mga magulang ang kanilang mga anak dahil mahal nila ang mga ito. Gusto lang marahil ng Mommy at Daddy mo na maging mapagbigay ka kay Tricia dahil ikaw ang panganay,” paliwanag naman ni Miguel kay Kim. Nang hindi ito sumagot ay nagpatuloy ito, “Iiwanan kita sandali, ha? Pag-isipan mo itong mabuti, Kim.”

Nang mawala na sa kanyang paningin si Miguel ay tumingin siya sa kanyang paligid. Nakita niya ang bawat palabas sa iba’t ibang screen. May mga kagaya niyang nasagasaan, mayroon namang sinaksak, nalason, nahulog sa building at mga may sakit. Nang tumingin siya sa kaniyang kaliwa ay nakita niya ang isang batang lalaki na malamang ay kaedad niya. Wala rin itong kasama. Lumapit siya dito at pinanood ang buhay nito sa screen na nasa kanilang harapan. Nakita niya ang isang payat na bata na iniiyakan ng isa ring payat na matandang babae. Sa kaniyang tingin ay malubha ang sakit ng bata dahil maraming mga aparato ang nakakabit sa katawan nito.

“Ako nga pala si Kim. Nasagasaan ako kaya ako nandito. Ikaw, anong pangalan mo? Bakit ka nandito?” tanong ni Kim sa batang lalaki sa kanyang tabi.

“Ako si Pablo, mayroon akong leukemia kaya ako napunta dito. Sabi sa akin ni Kuya Gabriel ay babalikan niya ako dito para dalhin na sa langit,” sagot naman ng batang lalaki na ang tinutukoy na Gabriel ay isa ring tagapagbantay na paris ni Miguel.

“Bakit ka dadalhin sa langit? Pinili mo na bang mamatay?” takang tanong ni Kim kay Pablo.

“Oo, pinili ko na ang mamatay. Alam kong masasaktan si Nanay sa aking pasya dahil mahal niya ako pero ayoko rin namang mahirapan pa siya kapag pinili kong magbalik sa mundo,” sagot ni Pablo kay Kim habang nakatingin dito ng diretso.

“Bakit?”

“Mahirap lang kami, walang ipampapagamot sa akin si Nanay. Dati, kung saan-saan siya umuutang para maibili lang ako ng gamot. Inilapit niya ako sa napakaraming foundations pero dahil sa napakarami rin ang maysakit ay hindi ako nabigyan ng pansin. Ayoko nang danasin pa ulit iyon ni Nanay,” malungkot na saad ni Pablo. “Ikaw? Kailan ka babalik sa mundo?” si Pablo naman ang nagtanong.

“Hindi ko pa alam eh, para ngang gusto ko nang pumunta sa langit dahil feeling ko hindi ako mahal ng Mommy at Daddy ko,” malungkot ding sagot ni Kim.

“Alam mo, ang swerte mo. Lahat ng kailangan mo ay maluwag mong nakukuha. Kumpleto pa ang pamilya mo at masaya tapos ngayon sasabihin mo sa akin na gusto mo ng pumunta sa langit? Makasarili ka,” inis na saad ni Pablo kay Kim.

Nabigla si Kim sa kanyang narinig ngunit hindi naman niya makuhang magalit dito.

“Alam mo, maraming mga nandito ang nais pang mabuhay pero wala na nga lang silang pagkakataon. Ikaw, nasa iyong lahat ang oras para muling makapiling ang Mommy at Daddy mo. Huwag mo itong sayangin,” pangungumbinsi pa ni Pablo sa kausap.

Nasa ganito silang tagpo nang dumating si Gabriel, ngumiti ito sa kanila at inilahad kay Pablo ang isang palad.

“Aalis na ako Kim, pag-isipan mo ang sinabi ko,” huling mensahe ni Pablo dito bago nito inabot ang palad ni Gabriel.

Malayo na ang dalawa nang makabuo ng desisyon si Kim. Bago buksan ni Gabriel ang malaking pintuan ay tinawag niya si Pablo.

“Pablo! Babalik na ako! Salamat, ha! Promise, magiging mabait at mapagbigay na ako!” sigaw dito ni Kim habang kumakaway. Gumanti ng ngiti si Pablo dito at kasabay ng pagbukas ng malaking pintuan ay kumalat ang liwanag na siyang nagpapikit kay Kim bago siya nahulog sa malalim na kadiliman.

***

“Hintayin na lang natin Misis ang paggising niya. Kapag nagising na siya ay masasabi kong stable na ang lagay ng anak ninyo,” paliwanag ng duktor sa mag-asawa habang pinagmamasdan ang natutulog na si Kim. Mayroon itong malaking benda sa ulo at sinusuportahan ng aparato ang paghinga.

Biglang nagliwanag ang mukha ng mag-asawa nang dahan-dahang gumalaw ang mga daliri ng anak kasunod ang pagmumulat nito ng mga mata.

“Anak!” sabay na saad nina Elisa at Arnold saka tumakbong papalapit sa kamang kinahihigaan ni Kim.

“Anak ko, nagbalik ka! Salamat sa Diyos!” lumuluhang wika ng kanyang Mommy Elisa bago nito hinawakan at hinalikan ang kanyang kamay. Pagkaraa’y lumapit ang kanyang Daddy Arnold at si Tricia bitbit pa rin sina Chelsy at Jessy saka yumakap kay Elisa.

“Mahal tayo ng Diyos, iniligtas niya si Kim,” saad naman ng kanyang ama na mangiyak-ngiyak bago tumingala at umusal ng taos-pusong pasasalamat. #

Advertisements

1 Comment (+add yours?)

  1. Trackback: Ang Reklamadorang Empleyada at ang Asul na Genie | Tagalog Dito

Comment-comment din 'pag may time!

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

AHJUMMAMSHIES

Saving Lives through K-Dramas

Doctor Eamer

PAG-IBIG ATBP.

geek god review

Annoying reviews and commentaries about anything geeky. Name it and we'll annoy you.

NAY

Wanders. Thoughts. Experiences.

The Jologs Chronicle

Helping you in the journey called -- LIFE

Mausolea Cirri

In here, I shall free all my thoughts locked up inside me.

ItsDlynFandiño

Let me share my thoughts and have my own limelight in this thing called writing. *winks with unicorns and rainbows*

Writer wanna be

Whenever we’re writing we are entering a different world, a world in which we can be free to express everything we want to say, a world where we can be everything we want to be. We just need to tickle our imagination.

Leon's daughter

Fascination is viral, infect with caution

Mariah Miranda

Beyond words, my heart

ladyleemanila

a girl in fringe, pretty in red

The Peps

The story continues ...

Louie Jon A. Sánchez

Poet, Teacher, Television Scholar, Filipino

Spilling Ink

Express the feelings through words, turn imagination into real picture