Ang Reklamadorang Empleyada at ang Asul na Genie

May isang contractual na empleyada na ang pangalan ay Aurora. Maganda at seksi sana kundi lang saksakan ng reklamadora.

“Late na naman ako!” ani Aurora isang Lunes. “Bwisit kasing bus, hinintuan ang lahat ng kanto!” patuloy niya. Saglit lang nabagabag ang kanyang mga kaopisina dahil sanay na ang mga ito sa pagbubunganga niya tuwing umaga. “Buti pa ang boss ko, pwedeng pumasok sa opisina anumang oras niya gustuhin,” nagnag pa ni Aurora sabay pagpapaikot ng mga mata bago tunguhin ang kanyang cubicle.

Binuksan niya ang kanyang computer at kasabay nang pagliliwanag ng kanyang PC monitor ay ang pagbulaga sa kanya ng isang kulay asul na nilalang. May mahaba itong balbas at nakapang-Aladdin na costume.

Kinusut-kusot niya ang kanyang mga mata. Pagkaraa’y pilit na inalala kung pinalitan ba niya ang kanyang desktop background noong Biyernes. Sigurado niyang hindi.

“Sino ka?” malakas lang sa bulong na tanong ni Aurora sa asul na nilalang. Ayaw niyang marinig siya ng mga kaopisina dahil malamang ay isipin ng mga itong nabaliw na siya sa sobrang inis kaya kinakausap na niya ang kanyang PC monitor.

“Ako si Gino at ako ay isang genie,” anang kausap.

“Gino the genie? Genie in the computer?” nalilitong tanong ni Aurora.

“Oo. Sabihin na nating ganoon nga,” ani Gino. “Alam mo, sa dalawang taon mo sa opisinang ito ay walang umaga na hindi nakulili ang tenga ko sa matinis mong boses. Aba, naireklamo mo na yatang lahat ng bus lines sa Maynila, ah!”

Hindi makasagot si Aurora. Sandali siyang napipi ng pinaghalong pagkamangha at pagkabigla.

“At dahil ayaw ko nang mamrublema sa ‘yo araw-araw ay bibigyan kita ng dalawang pagkakataon para humiling,” patuloy ng asul na genie.

“Dalawa lang? Ang alam ko, tatlo ang wishes na ipinagkakaloob ng mga genie!” maagap na sabi ni Aurora na biglang nabawi ang dila nang marinig ang alok ni Gino.

“Ang akala ko’y napipi ka nang talaga,” si Gino. “Sige, payag na akong tatlo. Pero, may mga kundisyon.”

“Anu-ano?”

“Bawal humiling ng salapi, love life, kagandahang pisikal o kaya ay ibalik sa pagkabuhay ang isang patay.”

“Bakit?”

“Basta,” sagot ni Gino kay Aurora. “Ano ang iyong una?”

Hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Aurora, agad niyang sinambit ang una niyang kahilingan sa asul na genie. “Ayaw ko nang ma-late sa opisina!”

“Masusunod!” ani Gino na sa isang iglap lang ay naglaho na mula sa loob ng PC monitor.

Kinagabihan, wala pang alas nwebe ay inaantok na si Aurora na nakapagtataka sapagkat ang karaniwan niyang tulog ay ala una ng madaling-araw kahit pa sabihing may pasok siya sa trabaho kinabukasan. Hindi kasi niya pinalalampas ang mga paborito niyang teleserye sa gabi. Kung minsan nama’y nalilibang siya sa paggamit ng internet kaya ‘di niya namamalayan ang paglipas ng oras. Lagi tuloy siyang huli na kung gumising na nagiging dahilan nga ng madalas niyang pagpasok ng late sa opisina.

Ngunit iba ang gabing iyon. Parang inaanyayahan siya ng kanyang kama na matulog na kahit pa kauumpisa pa lamang ng kanyang paboritong drama. Inilapat niya ang kanyang likod, pagkaraa’y pumikit at wala pang limang minuto’y hinila na siya ng pagkakahimbing.

Kinabukasan, maagang dumating si Aurora sa opisina. Magaang ang kanyang pakiramdam sapagkat wala siyang inaalalang oras. Wala pa ring masyadong trapik dahil kakaunti pa lang ang mga sasakyan sa daan.

“Ang aga mo, ah!” bati ng isa ring empleyada na umuokupa ng cubicle sa kanyang tabi. Ngumiti si Aurora at ninamnam ang pagbati. Ang sarap pala sa pakiramdam kung palagi siyang darating sa opisina sa tamang oras.

Tila ba naging ugali na ni Aurora ang matulog bago ang alas nwebe ng gabi. Tuwing Biyernes at weekends na lamang siya nagbababad sa TV at internet. Dahil doo’y naging kapansin-pansin ang palagian niyang pagpasok sa tamang oras at ang pagganda ng kanyang kutis. Palagi na rin siyang napapasama sa mga kinikilalang huwarang empleyado tuwing may pagtitipon sa kumpanya. Madalas ay nakatatanggap siya ng payong, ballpen, wallet, key chain at jacket.

Ngunit dahil likas na reklamadora, si Aurora ay hindi agad na nakuntento sa mga pagbabagong naihatid sa kanya ng natupad na kahilingan mula kay Gino. Isang Martes, habang tamad na tamad siyang ginagawa ang kanyang trabaho ay may bigla siyang naisip na hilingin sa asul na genie.

“Gino!” malakas lang sa bulong na tawag ni Aurora sa genie na agad namang lumitaw sa kanyang PC monitor.

“May naisip ka ng pangalawang hiling?” ang tanong ni Gino sa reklamadorang empleyada.

“Oo. Gusto kong lagi akong mabilis na maka-quota sa trabaho!” ang sabi ni Aurora sa genie habang magkasalikop ang mga palad.

“Masusunod!” ani Gino na sa isang iglap lang ay naglaho na mula sa loob ng PC monitor.

Kinabukasan, pagkadating na pagkadating ni Aurora sa kanyang cubicle ay ganado niyang binuksan ang kanyang computer. Binuksan niya ang kanyang files at tuluy-tuloy na nagtrabaho na nakapagtataka sapagkat karaniwan na ay bubuksan muna niya ang kanyang Facebook at Tumblr accounts, at manunuod ng sinusubaybayan niyang Korean drama bago magsimula ng trabaho. Lagi tuloy siyang nagmamadaling maka-quota bago ang uwian.

Ngunit iba ang araw na iyon. Tila ba may panghalina ang kanyang computer na magsimula agad siya ng trabaho. Binuksan niya ang lahat ng files na kailangan niyang tapusin, huminga ng malalim at wala pang alas singko ng hapon ay nakatapos na siya ng mga dapat niyang gawin.

“Tapos ka na? Buti ka pa!” ang tanong ng empleyadang umuokupa ng cubicle sa kanyang tabi. Tumango si Aurora saka ngumiti at ninamnam ang pagbati. Ang sarap pala sa pakiramdam kung palagi siyang makatatapos ng trabaho sa oras.

Tila ba naging ugali na ni Aurora ang unahin ang trabaho kaysa sa kung ano pa mang mga bagay pagdating sa opisina. Kung may ekstrang oras na lamang siya nagbubukas ng kanyang Facebook at Tumblr accounts, at nanunuod ng kanyang sinusubaybayang Korean drama. Dahil doo’y napansin at natuwa sa kanya ang kanyang boss. Nadagdagan din ang kanyang mga natatanggap na pagkilala tuwing may pagtitipon sa kumpanya. Madalas ay may pabuya siyang bag, ID lace, pouch, T-shirt at notebook.

Hindi na late kung pumasok si Aurora sa opisina. Lagi na rin siyang nakaka-quota sa trabaho sa tamang oras. Ngunit dahil sa likas na reklamadora, hindi pa rin nakuntento ang pasaway na empleyada sa mga pagbabagong naidulot sa kanya ng mga natupad na hiling mula kay Gino.

Isang Miyerkules na maaga siyang nakatapos ng trabaho, naisip na rin ni Aurora ang kanyang final and ultimate wish kay Gino.

“Gino!” malakas lang sa bulong na tawag niya sa asul na genie na agad namang sumulpot sa kaniyang PC monitor.

“Naisip mo na ba ang pinakahuli mong kahilingan?” ang tanong ni Gino.

“Oo.”

“Ano?”

“Gawin mo akong regular sa trabaho,” ani Aurora sa genie.

“Masusunod!” iyon lamang at tila bulang nawala si Gino sa kanyang PC monitor.

Kinabukasan, isang magandang balita ang natanggap ni Aurora. Napasama siya sa anim na contractual employees na naiangat sa pagiging regular. Sa sobrang saya ni Aurora ay inilibre niya ang mga kaopisina ng pizza.

“Buti ka pa Aurora regular na,” anang empleyadang umuokopa ng cubicle sa kanyang tabi habang nginunguya ang kinagat na slice ng pizza.

Napangiti si Aurora at ninamnam ang papuri. Lalo siyang naging inspirado upang pagbutihan pa ang pagtatrabaho. Nasa ganito siyang pag-iisip nang maalala niya si Gino. Dapat niyang pasalamatan ang asul na genie para sa lahat ng mga naitulong nito sa kanya. Agad siyang nagpaalam sa kanyang mga kaopisina upang magpunta sa kanyang cubicle.

“Gino!” malakas lang sa bulong na tawag ni Aurora sa genie na agad namang lumitaw sa kanyang PC monitor.

“May kailangan ka pa, Aurora?”

“Gusto ko lang magpasalamat sa ‘yo para sa lahat ng ito,” anang dati ay reklamadorang empleyada.

“Palagay ko’y ito na ang tamang panahon para malaman mo ang totoo.”

“Anong ibig mong sabihin, Gino?”

“Wala naman na talaga akong powers dahil ako’y isa nang retired na genie. Required kaming i-surrender ang aming kapangyarihan sa aming kaharian pagsapit ng aming retirement.”

“Ha? Ngunit, paanong natupad ang lahat ng mga naging kahilingan ko sa iyo?” maang na tanong ni Aurora sa kausap.

“Simple lang. Ito ay dahil na rin sa iyong pagpupursige,” sagot ni Gino. “Hindi ka na na-le-late dahil maaga ka nang natutulog. Hindi ka na nahihirapang maka-quota sa trabaho dahil mayroon ka ng focus. At na-regular ka sa iyong trabaho dahil naging pursigido at disiplinado ka na.”

Matagal bago nakasagot si Aurora.

“Pero bakit ka pa nagpakita sa akin kung wala ka naman na palang powers?”

“Requirement din ‘yon ng aming kaharian sa bawat retiradong genie. Kinakailangan naming makatulong sa isang taga lupa kahit na wala na kaming powers,” ani Gino.

“Bakit?”

“Para makuha ang aming ultimate retirement benefit na kalayaan,” paliwanag ng asul na genie. “May genie na nakakulong sa bote, mayroong sa takure, mayroong sa PC monitor, tokador, toilet bowl, painting, picture frame, at iba pa. Mahirap kaya ‘yon. Kaya naman pangarap ng lahat ng genie na makalaya. At iyon ay sa pamamagitan nga ng pagtupad sa requirement na ‘yon.”

“Ang akala ko, makalalaya na ang isang genie kapag natupad na niya ang mga kahilingan ng taong nakatuklas sa kanya,” ani Aurora.

“Chismis lang ‘yon. May kanya-kanyang panahon ang bawat genie sa pagreretiro. Depende ‘yon sa aming hari,” sagot ni Gino kay Aurora. “O, paano? Sibat na ako, ha? Sabik na akong matanggap ang kalayaan ko, eh.”

“Siya, sige. Salamat ulit ha, Gino.” ani Aurora sa genie na itinuring na rin niyang kaibigan.

“Walang anuman. Maraming salamat din sa ‘yo, Aurora. Sana huwag ka ng bumalik sa pagiging reklamadora,” ang huling mensahe ni Gino sa empleyada.

“Pangako,” saad ni Aurora na itinaas pa ang kanang kamay. Iyon lamang at naglaho na sa PC monitor ang asul na genie at ‘di na nagpakita pa kahit kailan.

Iba pang maiikling kwentong maaari mong mabasa sa blog na ito:

Advertisements

3 Comments (+add yours?)

  1. potsquared
    May 22, 2013 @ 07:15:50

    ang galing! akala ko magiging love story at magkakatuluyan si gino at si aurora.. ehehehe.. nice story!!

    Like

    Reply

  2. Trackback: Isang Bukas na Liham sa mga Magnanakaw ng Akda | Tagalog Dito

Comment-comment din 'pag may time!

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

AHJUMMAMSHIES

Saving Lives through K-Dramas

Doctor Eamer

PAG-IBIG ATBP.

geek god review

Annoying reviews and commentaries about anything geeky. Name it and we'll annoy you.

NAY

Wanders. Thoughts. Experiences.

The Jologs Chronicle

Helping you in the journey called -- LIFE

Mausolea Cirri

In here, I shall free all my thoughts locked up inside me.

ItsDlynFandiño

Let me share my thoughts and have my own limelight in this thing called writing. *winks with unicorns and rainbows*

Writer wanna be

Whenever we’re writing we are entering a different world, a world in which we can be free to express everything we want to say, a world where we can be everything we want to be. We just need to tickle our imagination.

Leon's daughter

Fascination is viral, infect with caution

Mariah Miranda

Beyond words, my heart

ladyleemanila

a girl in fringe, pretty in red

The Peps

The story continues ...

Louie Jon A. Sánchez

Poet, Teacher, Television Scholar, Filipino

Spilling Ink

Express the feelings through words, turn imagination into real picture