Papa’s Girl

Papa's Girl

photo grabbed from thoughtcatalog.com

“Ikinalulungkot ko ang nangyari sa Papa mo, Ana,” ani Tiya Rowena sa akin. Tinabihan niya ako sa bangko sa harap ng kabaong ni Papa. Marami na ang tao sa aming bakuran at nagkakaingay na rin ang mga kapitbahay naming nagsasakla. Pangatlong gabi na kasi ng burol.

“Maraming salamat po, Tiya,” ang tugon ko naman dito. Pagkaraan ay hinawakan nito ang kamay ko at pinisil. “Nasaan nga pala si Lourdes?” tanong nito.

“Nasa kwarto pa rin po niya. Hindi ko pa rin po siya makausap buhat nang mamatay ang Papa,” sagot ko.

“Labis na dinaramdam ng kapatid mong iyon ang pagkamatay ni Sixto,” ani Tiya Rowena. “At paniguradong sobrang nakabibigla para sa kanya ang nangyari sapagkat siya ang unang nakakita sa Papa mo sa kalunus-lunos nitong kamatayan.”

Ngumiti lamang ako nang tipid. Naramdaman ko ang panunubig na muli ng aking mga mata kasabay ang malayang pagdaloy ng mga nakalipas na pangyayari sa aking isipan.

***

Nagpakamatay si Papa sa edad na kwarenta’y kwatro. Nagbaril siya sa kanyang sarili. Natagpuan na lamang siya ni Lourdes isang umaga na naliligo sa sarili nitong dugo at wala ng buhay. Agad akong sumugod pauwi ng Marinduque mula Maynila nang matanggap ko ang tawag ni Lourdes.

Lunes noon. Nagmamadali na akong pumasok para sa aking morning shift sa isang ospital sa Maynila bilang nurse nang mag-ring ang aking telepono. Si Lourdes.

“O, Des, napatawag ka?”

“A-ate…” Nahimigan ko agad ng kaba, takot at tensiyon ang nanginginig na boses ni Lourdes. Agad na rin akong sinakmal ng kaba. “Anong problema, Des?” medyo malakas ang boses na tanong ko sa aking kapatid sa kabilang linya.

“Ang P-papa, Ate… nag-nagpakamatay!” sagot ni Lourdes saka humagulgol ng iyak. Mahabang patlang ang lumipas bago may nakapagsalitang muli sa aming dalawa. Hawak ko nang mahigpit ang aking dibdib na para bang pinipigilan ko ang aking puso na makalabas dahil sa lakas ng kabog nito.

“Nandito na ang mga p-pulis, Ate,” si Lourdes sa nanginginig pa rin nitong tinig.

“Hintayin mo ako, Des. Uuwi ako diyan,” sagot ko. Kalmado ang aking boses. Hindi ako makaiyak. Ang tanging gusto ko lamang ng mga oras na iyon ay liparin ang distansya sa pagitan ng Maynila at Marinduque.

***

Naratnan ko na maayos na si Papa. Pangalawang araw ng burol nang dumating ako sa aming bahay sa probinsya. Ang mga tiyahin ko ang nag-ayos ng mga bagay-bagay para sa burol sapagkat lagi na ay tulala si Lourdes. At sa tulong ng salaysay ni Tiya Rowena ay nalaman ko kung ano ang nangyari.

“Nitong mga nakaraang araw ay napansin ko na palaging tahimik ang Papa mo. Para bang palagi nang malalim ang iniisip,” kwento ni Tiya Rowena.

Hindi ako sumagot. Nakatitig lamang ako sa payapang mukha ni Papa sa loob ng kanyang kabaong. Kahit paanong pilit ko na iproseso ang mga sinabi ni Tiya ay hindi talaga ito matanggap ng aking sistema. Napakahirap paniwalaang kinitil ni Papa ang sarili nitong buhay. Napakalayo ng pagkakakilala ko sa aking ama ang miserableng paraan ng kanyang kamatayan.

Mahirap tanggapin ang nangyari lalo pa at namatay ang aking ama na wala ako sa kanyang tabi. Idagdag pa na kamamatay rin lamang ni Mama wala pang dalawang taon ang nakalilipas. Kumplikasyon naman ng kanyang asthma.

Sa isang iglap ay ulila na kaming lubos ni Lourdes. Nakaramdam ako ng habag para sa aking kapatid. Disinwebe lamang ito ngunit wala ng mga magulang. Ipinasya kong tunguhin ito sa kwarto. Dapat siguro kaming mag-usap na dalawa upang siguraduhin ditong hindi ko siya pababayaan kahit na wala na pareho sina Mama at Papa.

Narating ko ang pintuan ng kaniyang silid. Ipinasya kong hindi na kumatok at dahan-dahan kong pinihit ang seradura. Medyo malamlam ang liwanag na hatid ng lampshade ngunit sapat na iyon upang maaninag ko si Lourdes.

Mahimbing siyang natutulog dala na rin marahil ng pagod at puyat.  Tatalikod na sana ako upang hindi ko na siya maabala pa nang may mahagip ang aking mga mata. Lumapit ako sa gilid ng kama. At doon ay nakita ko ang isang litrato ni Papa na nakaipit sa ilalim ng unan habang yakap naman ni Lourdes ang isa sa mga paboritong polo ng aming ama. Bahagyang kumunot ang aking noo bago ako nagkibit-balikat at nagpasyang lumabas na ng kwarto.

***

Si Lourdes ay kapatid ko sa papel.

Maagang bumuo ng pamilya sina Mama at Papa. Disisyete lamang si Mama noon nang ipagbuntis niya ako. Habang si Papa naman ay disinwebe. Hindi kaagad sila nakapagsama dahil labis na ikinagalit ni Lolo ang maagang pag-aasawa ng kanilang kaisa-isang anak na babae. Kaya naman magtatatlong taon na raw ako nang makita ako ni Papa.

Sa matandang bahay na kami tumira buhat nang mamatay ang aking Lolo at Lola. Payapa ang buhay namin. Sapat naman ang kinikita ni Papa bilang prinsipal sa isang high school sa aming bayan. Habang si Mama naman ay pirmi lamang sa bahay. Disisais ako nang maoperahan si Mama sa matris dahil sa bukol na tumubo roon. Nang sumunod na taon, inampon nila si Lourdes.

Dose anyos na ito noon. Ayon sa DSWD, paulit-ulit daw itong pinagsamantalahan ng kanyang ama’t kapatid na lalaki na parehong hindi na mapaghanap. Maaga namang pumanaw ang imbalido nitong ina.

Wala namang problema sa akin kung nag-ampon sina Mama at Papa. Natuwa pa nga ako sapagkat noon ko pa gustong magkaroon ng kapatid. Okay naman si Lourdes. Masyado nga lamang tahimik at hindi palangiti.

Palihasa ay nasabik na muling magkaroon ng bata sa bahay ay medyo na-spoil kina Mama at Papa si Lourdes. Bili nito, bili noon. Pasyal dito, pasyal doon. Konting ungot, bigay agad. Ngunit kapansin-pansin na kay Papa mas naging malapit ang loob ng aking kapatid. Konting galos, Papa. Konting problema, Papa. Konting masakit, Papa. Bagay na hindi ko naman, o kahit ni Mama, binigyan ng ibang kahulugan.

***

Araw ng libing. Maraming tao. Karamihan ay mga guro at estudyante mula sa high school na pinaglilingkuran ni Papa. Abala ako sa pag-aasikaso sa mga nakikidalamhati. Si Lourdes naman ay tahimik na nakaupo lamang sa harap ng kabaong ng aming ama.

Hindi mapatid ang mga mensahe ng pakikiramay na natatanggap ko mula sa mga taong naging bahagi ng maikli ngunit makabuluhang buhay ni Papa. Maraming nagsasabing mabait daw si Papa, tapat sa tungkulin, patas at maunawain. Tumataba ang puso ko at kahit papaano’y nababawasan ang kirot na aking nararamdaman.

Tahimik kong iniluha ang hapdi ng pagpanaw ni Papa. Umusal din ako ng panalangin para sa kanyang kapayapaan sa kabilang buhay. Habang si Lourdes naman ay tulala pa ring nakatitig sa ibinababang puting kabaong ni Papa. Madiing nakatikom ang kanyang mga labi habang mahigpit na nakakuyom ang kanyang mga palad. Kung ano ang kanyang iniisip ay siya lamang ang nakaaalam.

***

Inspector Pagkanlungan?” sagot ko sa pulis na may hawak sa kaso ni Papa na nasa kabilang linya. “Ako nga po ito… opo.” Patlang. “Ano po ang ibig ninyong sabihin?” Patlang. “Po!?”

Agad kong ibinaba ang telepono at patakbong tinungo ang kwarto ni Lourdes upang ibalita rito ang updates na itinawag ng pulis. Sa pagmamadali ay hindi ko na nagawa pang kumatok kaya naman labis akong nabigla sa nabungaran kong tagpo sa loob ng silid. Tila may ipu-ipong dumaan dito dahil sa gulo ng mga kagamitan. May mga basag na salamin at nagkalat ang dugo sa sahig na galing sa sugatang palad ni Lourdes. Nakalugmok siya sa gilid ng kanyang kama habang hawak ang may bahid na ring dugo na mga larawan ni Papa.

“Papa… sabi ko naman sa ‘yo ‘wag ka nang malungkot,” ani Lourdes sa mga litrato habang sige ang pagdaloy ng kanyang mga luha. “Sabi ko naman sa ‘yo, ako na lang si Mama… pero, ayaw mo! Ayaw mo! Ayaw mo!” histerikal na saad ni Lourdes habang pinupunit ang mga duguang larawan ni Papa.

Napatda ako sa aking narinig. Parang bombang sumabog sa akin ang mga tinuran ni Lourdes. Saka biglang umalingawngaw sa tenga ko ang sinabi ni Insp. Pagkanlungan, “Hindi nagpakamatay ang Papa mo. Base sa medico legal, imposibleng maabot ng mga braso niya ang anggulo ng baril na pinagmulan ng balang tumagos sa kanyang ulo. May ibang taong gumawa nito sa kanya habang siya ay natutulog. Isang taong may malaking galit o sama ng loob sa biktima.”

Hindi ko naman sinasadya, Papa. Mahal na mahal kita… ‘di ba, ‘Pa? Mahal na mahal na mahal kita. Mahal kita sabi pero… ayaw mo… ayaw mo!” patuloy ni Lourdes habang sinasaktan ang kanyang sarili. Tila hindi na nito alintana ang aking presensiya sa kwarto. Sa aking isip naman ay tila kidlat na nagbabalik ang mga piling tagpo noong mga bata pa kami ni Lourdes. “Mahal kita, ‘Pa.” “I love you, Papa.” “Mahal mo ba ako, Papa?”

Awang ang mga labing dahan-dahan kong nilisan ang kwarto ni Lourdes. Hinang-hina ang aking pakiramdam kaya naman nanggabay ako sa pader habang tinutungo ang sala. Kailangan ko ng lakas sapagkat batid kong ano mang oras ay pagtataksilan ako ng aking mga tuhod. Kinakapos ako ng hininga at kasalukuyang nabibingi sa lakas ng tibok ng aking puso. Inabot ko ang telepono at pinindot ng nanginginig kong daliri ang numero ng pulis. Sa kwarto ni Lourdes ay naririnig ko pa ang palahaw niya ng pinaghalu-halong panaghoy, galit at takot.

“Patawarin mo ako, Papa!” #

Advertisements

2 Comments (+add yours?)

  1. twylalalala
    Jun 26, 2013 @ 22:05:04

    The orphan ang peg? Asteeeeg haha

    Like

    Reply

Comment-comment din 'pag may time!

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

AHJUMMAMSHIES

Saving Lives through K-Dramas

Doctor Eamer

PAG-IBIG ATBP.

geek god review

Annoying reviews and commentaries about everything geeky. Name it and we'll annoy you.

ktsmads

point of view.

The Jologs Chronicle

Helping you in the journey called -- LIFE

Mausolea Cirri

In here, I shall free all my thoughts locked up inside me.

ItsDlynFandiño

Let me share my thoughts and have my own limelight in this thing called writing. *winks with unicorns and rainbows*

Writer wanna be

Whenever we’re writing we are entering a different world, a world in which we can be free to express everything we want to say, a world where we can be everything we want to be. We just need to tickle our imagination.

Leon's daughter

Fascination is viral, infect with caution

Mariah Miranda

Beyond words, my heart

ladyleemanila

a girl in fringe, pretty in red

The Peps

The story continues ...

Louie Jon A. Sánchez

Poet, Teacher, Television Scholar, Filipino

Spilling Ink

Express the feelings through words, turn imagination into real picture