Best Frenemies Forevah (BFFs) Part I: Facebook Message

“Sige na naman Joax, pumayag ka na,” ungot ni Belle sa kaibigan.

“Eh, kasi naman Belle sa hinihiling mo sa akin na ‘yan, para mo na rin akong inutusang mag-suicide,” sagot ni Joaquin na nandidilat ang mga mata habang patuloy pa rin sa pag-ta-type ng article sa PC.

“Ang OA mo, ha!” inis na sabi ni Belle saka humalukipkip. “Ako naman ang magiging girlfriend mo kunwari. Alam mo namang magiging safe ka sa akin.”

“Kahit na pa rin, bakla! Hindi kaya ng sikmura ko!” si Joaquin.

“Grabe, Joax. ‘Di ko akalaing kaya mo na akong tiisin ngayon,” ani Belle saka suminghut-singhot at pinahiran ng panyo ang gilid ng mga mata.

“Belle naman, ‘wag mo akong daanin sa ganyang drama mo…”

“Akala mo ba nagdadarama lang ako?” ani Belle saka lalong inilakas ang pagnguyngoy. “Alam mo namang lahat ang mga pinagdaanan ko sa mga bruhang ‘yon nu’ng high school, ‘di ba? Gusto mo, apihin na naman nila ako ngayon?”

“Eh, ano naman kasi kung wala kang ipakikilalang dyowa sa dinner ninyo nina Megan at April?” tanong ni Joaquin kay Belle.

“Big deal ‘yun, Joax! Ano na lang iisipin nu’ng dalawang ‘yun sa akin, aber? Na walang nagkamali na pumatol sa akin after high school? Ayoko. Ayaw kong mapagtawanan nila ako!” ani Belle na nakalabi.

“Hay, naku Belinda. Ano bang akala mo, nasa high school pa rin kayo? Hindi naman na siguro gan’ung mag-isip ‘yung mga ‘yun ngayon. Twenty-four years old na kayo, my gosh!”

“Hindi mo alam ang kamalditahan at kaokrayan nu’ng dalawang ‘yon. Kaya naman Joax pumayag ka na, please?” ani Belle sa kaibigan saka dumukwang sa table nito, nangalumbaba at ipinikit-pikit ang mga mata.

“Ayaw ko pa rin.”

Biglang dumiretso ng tayo si Belle nang marinig ang pagtanggi ni Joaquin. “Sige, kung ayaw mo talaga akong tulungan, wala na akong magagawa.” Tumalikod na ito at nagsimulang lumakad palabas ng opisina ng kaibigan. “Hayaan mo na lang akong apihin at pagtawanan nu’ng dalawang bruha na ‘yon sa dinner namin. Ikaw na nga lang ang kaibigan ko na pwede kong lapitan… pero sige, naiintindihan ko kung ayaw mo talaga.” dagdag pa ni Belle pagkatapos ay huminto sa kalagitnaan ng silid at umatungal nang pagkalakas-lakas. “O kaya naman, hahanap na lang ako ng kung sino d’yan para magpanggap na boyfriend ko! Bahala na kung mag-take advantage s’ya sa akin!”

“Hep, hep Belinda!” Biglang lumingon si Belle sa kaibigan at patakbong bumalik sa harap ng table nito. “Payag ka na, Joax!?”

“Oo na!” inis na sagot ni Joaquin. Tumili si Belle saka niyakap ang kaibigan. “I love you talaga, Joax!”

***

“Girl, it’s been years! How’s life? April’s asking if you wanna dine out with us on Saturday? You know, kwentuhan. Just reply to this message to let us know kung sasama ka. Misyah! Mwaaa!” :*

Dalawang araw na buhat nang matanggap ni Belle ang Facebook message na iyon mula kay Megan na naka-cc rin kay April. ‘Di niya napigilan ang pagtaas ng kilay. Anong nakain ng mga bruhang ‘to at inaya akong lumabas? Kung tutuusin, pwede namang ‘wag na lang niyang pansinin ang imbitasyong iyon. Ngunit, dala na rin ng curiousity sa kung ano na ang itsura at narating ng dalawang dating kabarkada makalipas ang walong taon ay nag-reply siya ng, “Hey, Meg! Sige, sama ako. Gusto ko na ring makipag-chikahan sa inyo. Misyah, girls!” At nagpalitan na nga sila ng Facebook messages ni Megan para sa iba pang detalye ng kanilang dinner date.

Siya, si Megan at si April. Lagi silang magkakasama at numero uno sa palihim na pang-o-okray sa mga kaklase nila noong high school. Laman din sila ng school beauty pageants, quiz bees at writing competitions. Beauty with brains lang naman ang peg nilang tatlo noon kaya halos lahat ng classmates nila ay ilag sa kanila. At wala silang pakialam. Sabay-sabay pa nilang sasabihin habang nag-re-retouch sila sa CR ang paborito nilang linya na “Insecure!” with matching taas ng kilay. Walang mag-aakalang may inggitan at kumpetisyon din palang nagaganap sa pagitan nilang tatlo.

Aminado naman si Belle na si Megan ang pinakamaganda sa kanilang tatlo. Ito ang Ms. Intrams nila nu’ng 1st year high school sila, Bb. San Agustin High School no’ng 2nd year at naging Ms. JS Prom pa no’ng sila ay nasa 3rd year. Tanggap naman niya ‘yon. Ang hindi lang niya matanggap ay no’ng sagutin nito ang kanyang ultimate crush na si June Macapito na star player ng kanilang basketball team noon. Sa stage pa mismo pagkatapos ng kanilang flag ceremony isang Lunes bago matapos ang kanilang junior year. Ito ay sa kabila ng katotohanang inamin niya kay Megan na matagal na niyang crush si June.

Sobra niyang iniyakan ang kabiguan niyang ‘yon. Buong summer vacation siyang halos ‘di makakain at makatulog. Tinubuan tuloy siya ng maraming-maraming pimples at lumalim ang kanyang eyebags. Dahil doon ay ipinangako niya sa sariling tatapusin na niya ang high school pageant wins ni Megan. Sisiguraduhin niyang siya na ang magiging muse ng kanilang klase at tatanghaling Ms. JS Prom sa kanilang senior year. Iyon ay bilang ganti sa pang-aagaw nito sa kanya kay June.

Isang linggo bago ang pasukan, nabalitaan niyang nag-break na sina Megan at June. Lihim siyang nagdiwang nang mabalitaan ‘yon kay April. Pero siyempre, hindi niya iyon ipinahalata kay Megan at inalo pa rin niya ito.

Dumating ang pasukan. Nagtagumpay ang kanyang plano na siya ang ibotong muse ng kaniyang mga kaklase sa pamamagitan ng halos araw-araw niyang panlilibre sa mga ito tuwing recess. Siya rin ang itinanghal na Ms. JS Prom dahil sa kung anu-anong mga pagkaing dinadala niya sa faculty tuwing break.

Lalo pang nadagdagan ang lihim na inisan nila ni Megan nang siya ang maging valedictorian ng kanilang batch noong graduation. Salutatorian niya ito habang si April naman ay 3rd honorable mention. Batid niya, sa mga batang puso nila ni Megan ay nagsimula na nilang ituring na mahigpit na kakumpitensya ang isa’t isa.

Si April? Sa totoo lang, wala naman itong malaking atraso sa kanya. Liban lamang sa palagi itong kay Megan nakakampi. Lantaran man o palihim, alam niyang na kay Megan ang loyalty nito. At dahil doon, itinuring na rin niya itong “kalaban.”

Biyernes pa lang naman kinabukasan. Pagkatapos na pagkatapos ng kanyang trabaho ay sa paborito na niyang salon siya didiretso. Pagkatapos ay sa mall para naman bumili ng magandang dress at shoes na isusuot niya sa dinner niya with Megan and April. ‘Di siya dapat pakabog sa dalawang babaeng iyon. Kailangang magandang-maganda siya sa Sabado ng gabi dahil akalain mo, eight years pagkatapos ng high school ay noon lamang sila muling magkikita-kita.

At dahil talagang curious na curious na siya sa kung ano na ang pinagkakaabalahan ng dalawang babae ay nagsagawa siya ng konting “research” sa Facebook at Twitter accounts ng mga ito. Dahil doon ay nalaman niyang halos sabay nakapagtapos ng kolehiyo ang dalawa. Si Megan ay ng BS Tourism sa UST habang si April naman ay ng BS Pharmacy sa CEU Manila. Kasalukuyang front desk receptionist sa isang five-star hotel sa Makati si Megan. Si April naman ay sa isang kumpanya ng gamot nagtatrabaho. Hmmm… ‘di na masama. Hindi naman na siya mangungulelat kung ikukumpara ang trabaho niya ngayon sa dalawa. Aba, sa UP Diliman yata siya nagtapos ng kursong AB Mass Communication. Kasalukuyan siyang nagtatrabaho bilang senior news writer sa isang sikat na dyaryo sa bansa kung saan nga niya nakilala si Joax.

Nakaramdam siya ng pinaghalong tensyon at kaba para sa nalalapit nilang pagkikita-kita. Paghahandaan niya talaga itong mabuti para magkaalaman na kung sino nga ba sa kanilang tatlo ang tunay na nagwagi at kung sino ang nangulelat.

Advertisements

2 Comments (+add yours?)

  1. Ghie
    Oct 11, 2013 @ 07:44:16

    asan na po Part 2 nito Ate ize 🙂 hehe..

    Like

    Reply

Comment-comment din 'pag may time!

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

AHJUMMAMSHIES

Saving Lives through K-Dramas

Doctor Eamer

PAG-IBIG ATBP.

geek god review

Annoying reviews and commentaries about everything geeky. Name it and we'll annoy you.

ktsmads

point of view.

The Jologs Chronicle

Helping you in the journey called -- LIFE

Mausolea Cirri

In here, I shall free all my thoughts locked up inside me.

ItsDlynFandiño

Let me share my thoughts and have my own limelight in this thing called writing. *winks with unicorns and rainbows*

Writer wanna be

Whenever we’re writing we are entering a different world, a world in which we can be free to express everything we want to say, a world where we can be everything we want to be. We just need to tickle our imagination.

Leon's daughter

Fascination is viral, infect with caution

Mariah Miranda

Beyond words, my heart

ladyleemanila

a girl in fringe, pretty in red

The Peps

The story continues ...

Louie Jon A. Sánchez

Poet, Teacher, Television Scholar, Filipino

Spilling Ink

Express the feelings through words, turn imagination into real picture