Ang mga Mahiwagang Barya ng Espesyal na Tindera

An entry to the 2013 Lampara Books Children’s Short Story Writing Contest

Sabik na naghihintay ang mga magkakapitbahay sa pagbubukas ng bagong tindahan sa kanilang barangay. Malapit ito sa kanto kaya naman tanaw na tanaw ng lahat. Matingkad na kulay rosas ang pinturang nakapinta sa dingding nito. Halos isang dipa rin ang karatulang may nakasulat na “Aling Tita’s Sari-Sari Store” na nasa tuktok ng bubong nito. Wala talagang paraang hindi ito mapapansin ng mga nagdaraan.

Maagang nag-ayos ng kanyang mga paninda si Aling Tita kinabukasan. Mayroong matatamis na kendi at tsokolate na nakalagay sa mga garapong may iba’t ibang kulay. May mga masasarap na biskwit at tsitsirya na nakasabit sa bintana ng tindahan. May mga sabon, kape, asukal, toyo at suka. May bawang, sibuyas at luya na murang-mura ang halaga. Ano pa’t halos lahat ng pangangailangan ng mga taga-barangay ay mabibili sa bagong tindahan.

“Handa na ba kayo para sa pagbubukas natin mamaya?” tanong ni Aling Tita sa kanyang mga baryang panukli.
Tsing! Tsing! Tsing! Ang maingay namang kalansing ng mga ito.
Maayos na nakalagay ang mga nasabing barya sa mga munting kahon sa loob ng tindahan ni Aling Tita. Sama-sama ang mga sampung piso, ang mga limang piso, ang mga pipisuhin at ang mga bente singko.

“Wow!” manghang sabi ni Kikoy nang silipin niya ang bintana ng bagong bukas na tindahan. Totoo nga ang kwento sa kanya ng mga kalaro. Marami ngang mapagpipiliang kendi, tsokolate, tsitsirya at biskwit sa tindahan ni Aling Tita.
Bumili si Kikoy ng isang kending langka, isang kending ube at isang yema. Nagbayad siya ng limang piso at sinuklian siya ni Aling Tita ng dalawang bente singkong barya.
“Wala naman na itong mabibili sa tindahan ni Aling Tita,” sabi ni Kikoy saka initsa ang kanyang dalawang bente singko sa daan.
“Araykupo!” sigaw ng mga tansong barya na walang nagawa kundi ang magpagulung-gulong sa kalsada.

“Mukhang may bago tayong misyon,” sabi ni Aling Tita na sinusundan pala ng tingin ang ‘di pa nakalalayong si Kikoy.
Tsing? Tsing? Tsing? Ang kalansing naman ng kanyang mga baryang panukli na tila nagtatanong.
“May isang bata pala rito sa barangay na walang pagpapahalaga sa mga bente singkong barya. Kailangan nating ipamulat sa kanya ang inyong kahalagahan,” sagot ni Aling Tita.

Lingid sa kaalaman ng lahat, si Aling Tita ay isang espesyal na tindera dahil sa kanyang misyon. Ito ay ang ipaunawa sa mga bata ang kahalagahan ng salapi gaano man ito kaliit o kalaki. Maging ang kanyang tindahan ay espesyal din dahil ang mga baryang panukli rito ay kanyang nakakausap. At hindi ito nag-iisa. Maraming sangay ang tindahan ni Aling Tita sa buong bansa.

Napag-alaman ni Aling Tita mula sa kanilang mga kapitbahay na mabait namang bata si Kikoy. Magalang ito at palaging nakangiti. Mahilig din itong maglaro at kumain ng matatamis paris ng ibang mga bata. Kung may tanging maipipintas man kay Kikoy, ito ay ang pagwawalang-bahala nito sa mga bente singkong barya.
Madalas nitong sabihin na ang mga bente singko ay wala namang halaga, wala namang mabibili o ‘di kaya ay pampabigat lamang ng bulsa. Kaya naman palagi nitong itinatapon o ‘di kaya ay pinaglalaruan ang mga tansong baryang isinusukli sa kanya sa tindahan.

“Aling Tita, Aling Tita! Pasaway po talaga si Kikoy!” tila mga batang sumbong ng mga bente singko sa espesyal ng tindera.
“Bakit? Ano ba ang ginawa niya sa inyo?” tanong naman ni Aling Tita sa mga ito.
“Itinapon na naman po niya ako sa kalsada!” reklamo ng isa.
“Ako naman po ay ginawa niyang pamato sa piko!” sumbong ng pangalawa.
“Ikiniskis naman po niya ako nang ikiniskis sa pader hanggang sa halos mabura na ang mukha ko!” atungal ng pangatlo.
“Darating ang panahon na pahahalagahan niya rin kayo. Basta kahit anong mangyari ay huwag kayong aalis sa kanyang bulsa,” sabi ni Aling Tita sa mga nagrereklamong bente singkong barya.
Tsing! Tsing! Tsing! Ang maingay namang kalansing ng mga ito bilang pagsang-ayon.

Isang Sabado, nagpilit na sumama si Kikoy sa kanyang nanay sa palengke upang mamili. Kaarawan kasi ng tatay niya kinabukasan kaya naman magkakaroon ng isang masarap na salu-salo sa kanilang bahay. Bumili sila ng baboy at manok. Bumili rin sila ng pansit at gulay. Pagod na si Kikoy pero masigla pa rin siyang nakabuntot sa kanyang nanay.
Ang bilihan ng mga isda ang paboritong lugar ni Kikoy sa palengke. Aliw na aliw kasi siya sa mga lumalanguy-langoy na tilapyang iba’t iba ang laki. Tuwang-tuwa rin siya sa mga gumagapang na alimango, tumpuk-tumpok na hipon at matatabang bangus na nakalagay sa mga naglalakihang palanggana sa gilid ng daan.

Dahil sa labis na pagkalibang sa mga ipinagbibiling lamang-dagat sa palengke ay hindi namalayan ni Kikoy na napalayo na pala siya sa kanyang ina.
“Nanay?” tawag ni Kikoy sa ina na tila bulang nawala sa kapal ng mga mamimili ng isda. Mas inilakas pa ni Kikoy ang pagtawag sa ina ngunit tinalo ng ‘di magkamayaw na tawaran ng mga tindera’t mamimili ang kanyang munting boses.
Kabang-kaba na si Kikoy. Mangiyak-ngiyak niyang inikut-ikot ang palengke sa pag-asang makikita niya ang kanyang nanay ngunit wala.

Sa gitna ng takot ay naalala ni Kikoy ang laging bilin sa kanya ng kanyang ina. “Huwag kang mawawalan ng pag-asa sa oras ng kagipitan.” Tama! Hindi siya dapat panghinaan ng loob. Kailangan na niyang makauwi upang hindi na mag-alala pa ang kanyang nanay at tatay.
“Pero wala akong pamasahe,” problemadong sabi ni Kikoy.

Tsing! Tsing! Tsing! Ang maingay na kalansing ng mga bente singko na nasa bulsa ni Kikoy.
“Kailangan tayo ni Kikoy ngayon! Gumawa pa tayo ng ingay para mapansin niya tayo!” sabi ng isang tansong barya sa kanyang mga kasama. Tsing! Tsing! Tsing! Biglang nagliwanag ang mukha ni Kikoy nang makapa niya ang kanyang bulsa na puno pala ng mga bente singkong barya.
“Yehey! Sakto para sa pamasahe ko sa dyip!” masayang sabi ni Kikoy matapos niyang bilangin ang mga ito.

Agad na sumakay si Kikoy ng dyip upang umuwi.
“Bayad po,” sabi ni Kikoy saka iniabot sa drayber ang kanyang mga bente singko. “Mabuti na lang talaga,” sabi pa ni Kikoy sa sarili.
Malayo pa lang ay sinalubong na si Kikoy ng kanyang nag-aalalang nanay at tatay.
“Salamat sa Diyos at nakauwi ka nang ligtas!” sabi ng kanyang nanay.
“Pero papaano ka nakauwi, anak?” tanong naman ng kanyang tatay.
“Salamat na lang po sa mga bente singkong barya,” sagot ni Kikoy bago niyakap ang kanyang ama’t ina.

“Pabili nga po, Aling Tita,” nakangiting sabi ni Kikoy sa espesyal na tindera.
“Ano ang bibilhin mo, Kikoy?” magiliw namang tanong ni Aling Tita sa bata.
“Isang kending langka, isang kending ube at isang yema po,” sagot ni Kikoy saka iniabot dito ang kanyang limang piso. Sinuklian naman siya ni Aling Tita ng dalawang bente singko.
Hindi gaya ng dati, maingat na inilagay ni Kikoy ang mga tansong barya sa kanyang bulsa. Nakangiti namang pinagmasdan ni Aling Tita ang papalayong bata saka niya nilagyan ng tsek ang tapat ng pangalan nito sa kanyang mahiwagang listahan. #

Advertisements

1 Comment (+add yours?)

  1. Trackback: Isang Bukas na Liham sa mga Magnanakaw ng Akda | Tagalog Dito

Comment-comment din 'pag may time!

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

AHJUMMAMSHIES

Saving Lives through K-Dramas

Doctor Eamer

PAG-IBIG ATBP.

geek god review

Annoying reviews and commentaries about anything geeky. Name it and we'll annoy you.

NAY

Wanders. Thoughts. Experiences.

The Jologs Chronicle

Helping you in the journey called -- LIFE

Mausolea Cirri

In here, I shall free all my thoughts locked up inside me.

ItsDlynFandiño

Let me share my thoughts and have my own limelight in this thing called writing. *winks with unicorns and rainbows*

Writer wanna be

Whenever we’re writing we are entering a different world, a world in which we can be free to express everything we want to say, a world where we can be everything we want to be. We just need to tickle our imagination.

Leon's daughter

Fascination is viral, infect with caution

Mariah Miranda

Beyond words, my heart

ladyleemanila

a girl in fringe, pretty in red

The Peps

The story continues ...

Louie Jon A. Sánchez

Poet, Teacher, Television Scholar, Filipino

Spilling Ink

Express the feelings through words, turn imagination into real picture