[Writers Write] Kalipunan ng Maiikling Kwento Vol. 1

lonelinessAng lakas ng ugong ng aircon pero mainam na rin iyon kaysa naman mabingi ka sa katahimikan. Nakababaliw na ang matinding pagkainip na iyong nararamdaman. Wala man lang kasing TV o ‘di kaya ay radyo sa silid ng ospital na ‘yon. Lowbat pa ang iyong cellphone at bagaman at dala mo ang iyong charger ay ipinagbabawal naman ang pagsasaksak sa kuryente ng kahit anong gadget. Napakahusay.

OA na kung OA pero kundi dahil sa ugong ng aircon na ‘yon ay bumigay na marahil ang iyong katinuan. Kundi man ay iisipin mong may ‘di ka pangkaraniwang kakayahan dahil sa halos marinig mo na ang tik-tak ng relos na nakasabit sa dingding, ang pagpatak ng iyong swero o kahit ang sarili mong paghinga.

Iginala mo ang iyong mata sa kabuuan ng munting silid. Putim-puti. Mula kisame hanggang sa dingding hanggang sa sahig. Habang tumatagal ang pagtitig mo sa maputlang pader ay tila lumilinaw naman ang imahe ng mga nang-aasar na bibig. Tinatawanan ka. Pero batid mong hindi ka pa nababaliw. Kinumpirma sa iyo ng doktor na ang sakit mo ay malayo sa bituka higit lalo na sa utak.

Ang humahalong amoy ng alkohol sa hangin ay isa pang parusa sapagkat ipinapaalala nito ang masasakit na duro ng mga heringgilya sa iyong balat. Ahhh, hindi talaga para sa iyo ang amoy ng mga ospital. Pilit na lumilitaw ang ‘di kaaya-ayang imahe ng mga dumudugong sugat, naghihingalong mga pasyente o ‘di kaya ay mga patay na katawan sa iyong isip. Heh. Sinaway mo ang utak mo sa pag-iisip ng anu-ano dahil malamang ay talagang mabaliw ka na kahit na matino kang ipinasok sa ospital na ‘yon.

Umingit ang pintuan at dahan-dahan itong bumukas. Nurse na naman kaya? O doktor? Sumungaw ang tatlong mga ‘di pamilyar na tao. Ay, dalaw.

“Sa kanya na naman?” mahinang sabi mo saka palihim na sumimangot. Madalas na tila may reunion sa silid dahil sa pagdating ng mga bisita ng isa pang pasyenteng kasama mo.

Nagtalukbong ka ng kumot at nakiramdam. Umaasa kang ang susunod na magbubukas ng pinto ay dalaw mo naman. #

REPOSTED AS “DALAW”

***

murder

Pulang-pula ang paligid at nakabibingi ang katahimikan. Ibang-iba mula sa ingay at kaguluhan kanina.

Sobrang bilis ng mga pangyayari. Bigla na lang niya akong dinampot mula sa lamesa. Napakahigpit ng hawak niya sa akin. At sa nanginginig niyang kamay ay ubod lakas niya akong iniunday sa nakatalikod niyang asawa.

Ang init. Damang-dama ko ang dugong sumambulat mula sa nasugatang likod ng biktima. Dahan-dahan itong napaluhod hanggang sa tuluyan nang mapahiga sa sahig. Nakamulagat ang mga mata nito at nakaawang ang mga labi. Bakas na bakas sa mukha nito ang pagkabigla.

“Hindi mo na ako masasaktan… hinding-hindi mo na ako masasaktan…”

Mariing nakapikit ang kanyang mga mata at nawala na ang panginginig ng kanyang mga palad. Nilapitan niya ang kanyang naghihingalong asawa.

“Tulungan mo ako… ayoko pang mamatay…”

Ngunit tila bingi siya sa pakiusap nito. Itinaas niya ako sa ere at muling itinarak sa katawan ng kanyang kabiyak. Sa dibdib… sa leeg… sa tiyan. Paulit-ulit hanggang sa ang sahig ay matigmak na ng kulay pulang likido. Hanggang maging siya ay halos maligo na rin sa dugo.

Paigsi nang paigsi ang mga paghinga ng biktima. Pahina nang pahina… pawala nang pawala.

Sumilay ang ngiti sa labi ng babae. Mahigpit pa rin niya akong hawak habang ang isa pa niyang kamay ay hinahaplus-haplos naman ang maputlang mukha ng kanyang kabiyak. Napansin ko ang pamumuo ng luha sa kanyang mga mata.

“Mahal, magsisimula tayong muli. Nabigo man tayo rito, sisiguraduhin kong magiging maayos tayong muli roon sa kabilang ibayo…”

Nagulat ako ng muli niya akong itaas sa ere. At sa isang iglap lang ay muli niya akong itinarak. Akala ko ay sa katawang muli ng kanyang asawa ngunit… ngunit hindi. Sa pagkakataong ito ay ibinaon naman niya ako sa sarili niyang dibdib, sa tapat ng kanyang puso. Nagawa pa niya akong hugutin bago siya tuluyang bumagsak at mawalan ng buhay sa ibabaw ng bangkay ng kanyang asawa.

Natapos na.

Naririnig ko mula sa labas ang huni ng sirena ng mga pulis. May papalapit na mga nagmamadaling yabag. May mga pumapalahaw ng iyak. Sunud-sunod ang pagklik ng kamera. Nangangalap na ng mga ebidensya ang mga otoridad ngunit bukod sa akin, sino pa bang maaaring makapagbigay linaw sa malagim na pangyayaring ito? #

REPOSTED AS “ANG TANGING SAKSI”

***

first time

Dug-dug-dug-dug-dug-dug-dug-dug-dug-dug-dug-dug.

Parang tinatambol ang puso ko. Ewan kung dahil ba sa first time kong humarap sa isang job interview o dahil dito sa morenong tsinitong lalaki na katabi ko. ‘Di naman kagwapuhan pero hanep sa lakas ng dating. Aplikante ring gaya ko. Okay na sana kaso mukhang ‘di marunong ngumiti. Ahhh, baka naman kinakabahan din.

Kung alam ko lang na may makakasabay akong ganito kagwapo ‘di sana’y naghanda ako nang husto. Teka, naghanda? Muntik na akong matawa. Hindi pa ba paghahandang matatawag itong gayak ko? Naka-three-piece corporate suit lang naman ako. Naka-heels. May hawak na folder kung saan nakaipit ang aking resume at iba pang mga papeles. Pinalantsa ko pa ang buhok ko. Sablay nga lang sa makeup dahil naghulas na. Ang init ba naman sa bus na sinakyan ko paluwas ng Maynila.

Pasimple kong sinulyapan ang morenong tsinitong lalaki na katabi ko. Naka-jeans at polo shirt lamang ito. Nakasapatos at may hawak ding folder. Nakakahiya talaga. Bihis na bihis ako samantalang itong mga katabi ko…

Hmmm, ano kayang pangalan niya? Saan kaya siya nag-aral? Ilan taon na kaya siya? Ano kayang apply niya rito? At ang pinakamahalagang tanong sa lahat… may girlfriend na kaya siya? Talaga naman, girlfriend na niya agad ang pinoproblema ko eh, ni hindi nga niya ako tinitingnan. Naiinitan siguro siya sa suot ko.

“Miss… Hoy, miss,” sabi ng morenong tsinitong lalaki na kanina ko pa pala tinititigan.

“Ha? Ako?” gulat ko pang tanong sa kanya.

Tumango ito. “Kanina ka pa tinatawag. Ikaw na susunod na i-interview-hin.”

“Ay, oo. Oo nga. Thank you,” patalikod na talaga ako nang bigla akong humarap ulit sa kanya. “Ay, ano… Ahm, ano ngang name mo?” diretsong tanong ko sa kanya.

Napangiti siya na nauwi sa bahagyang pagtawa. “Niko,” sabi niya sabay lahad ng kamay. “Ikaw?”

“Lucille,” sagot ko saka inabot ang kamay niya. “Sige, ha.”

“Sige, good luck.”

“Thanks. Good luck din mamaya.”

Tumango siya, ngumiti sa akin.

“Sana makapasa ako sa interview!” sabi ko sa aking sarili. “At sana, siya rin…”

Tatlong taon na pala ang nakalilipas. Nakapasa ako sa job interview na iyon. Nakapasa rin siya. At magka-department pa kami! Kinuha niya ang cellphone number ko. Regular na kaming magka-text at magkausap sa telepono simula noon. Nakakakilig. Masarap sa pakiramdam. Hanggang sa dumalaw na siya sa bahay at nagpakilala sa mga magulang ko. Paminsan-minsan lang noong umpisa hanggang sa dumalas na nang dumalas.

Ano na kami ngayon?

Dug-dug-dug-dug-dug-dug-dug-dug-dug-dug-dug-dug.

Kinakabahan na naman ako. Lagi na lang tuwing titingnan ko siya. Lagi na lang tuwing titingnan niya rin ako. Para bang noong una ko siyang nakita. Para bang gustung-gusto ko pa rin siyang kilalanin kahit kilalang-kilala ko na siya ngayon. Ang dami-dami ko pa ring gustong matuklasan sa kanya kahit na halos kabisado ko na ang lahat ng mga paborito, ayaw, talento at takot niya.

“Miss… Hoy, miss, nakatitig ka na naman po sa akin,” biro niya.

“Ay, hindi kaya,” pagtanggi ko naman sa pang-aalaska niya sa akin.

Tumawa siya at tatalikod na talaga para bumalik sa kanyang office table nang bigla siyang humarap ulit sa akin.

“Ano ngang name mo?”

“Baliw ka talaga. Lucille!” sagot ko dito para lang matapos na ang kanyang pang-iinis.

“Ahhh, Lucille… Love you!” bulong niya sabay takbo.

Napangiti ako saka bumulong sa hangin.

“Love you, too, Niko…” #

REPOSTED AS “JOB INTERVIEW”

***

stranger

Makailang ulit kong ikinurap-kurap ang aking mga mata. Tila nahihipnotismo kong tinititigan ang mukha ng isang babaeng nasa aking harapan.

“Ang ganda-ganda naman ng babaeng ‘to,” bulong ko sa aking sarili.

Tunay talaga siyang maganda. Makatawag-pansin. Papasang artista. Bilugan ang kanyang mukha. Makinis. Sa tulong na rin siguro ng ipinahid niyang foundation. Kakulay ng rosas ang kanyang mga pisngi. Terno sa kanyang labi na pinintahan ng matingkad na pulang lipstick. Perpektong nakalinya ang itim niyang kilay at lalong lumutang ang kulay tsokolate niyang mga mata dahil sa kanyang pinalantik na mga pilik. Unat ang kanyang hanggang balikat na buhok. Makintab tulad ng langit na puno ng mga bituin sa gabi. Napansin ko rin ang malalaking perlas na hikaw na nakadapo sa magkabila niyang tainga. Kaparis ng perlas na nakalambitin naman sa kanyang leeg.

“Artista nga kaya siya? Ay, baka naman beauty queen,” bulong ko ulit sa aking sarili.

Hindi talaga mapuknat ang aking mga mata sa katititig sa mukha ng pagkaganda-gandang babae sa aking harapan. Nakahihiya na nga dahil nakatitig na rin siya sa akin. Napansin sigurong kanina pa ako tingin nang tingin sa kanya.

“Hoy Ana, Nandyan ka lang pala! Kanina ka pa tinatawag— hala Ana, pinakialaman mo na naman ang makeup ni Mama!” gulat na sabi ni Ate sa akin.

“Pati mga alahas niya pinakialaman mo rin! Naku, lagot ka. Isusumbong kita!” sabi pa ni Ate.

“Sobra ka ha, sinubukan ko lang naman. Bagay ba?” tanong ko kay Ate.

“Hindi.”

“Tse!”

Muli kong tiningnan ang aking mukha sa salamin ng tokador sa kwarto nina Mama’t Papa. Muntik ko na talagang ‘di makilala ang aking sarili dahil sa makapal na makeup. #

REPOSTED AS “KOLORETE”

***

happiness

Nakangiti kong pinagmamasdan ang magana niyang pagkain. Paborito niya kasi ang adobong sitaw na inihain ko para sa aming pananghalian. Inani ko iyon mula sa munti naming gulayan sa aming likod-bahay. Nag-aagaw ang alat, tamis at asim. Medyo maanghang. Tuyung-tuyo ang sabaw. Malutong pa ang gulay. Batid kong masarap kahit walang ibang sahog kundi dinikdik na tsitsaron.

Maligaya na kami sa ganito. Nakatira kami sa pawid. Katre ang aming higaan. Kumakain naman ng tatlong beses isang araw. Iyon nga lang, madalas na adobong sitaw lang ang ulam. Ngunit ‘di bale…

“Ikaw naman ang pinakamasarap na magluto ng adobong sitaw sa sitiong ito,” madalas ding puri ng aking kabiyak sa akin.

Maghapon siyang nagtatrabaho sa bukid habang ako naman ay naiiwan lamang sa aming kubo. Salamat na lang sa aking taniman ng gulay at hindi naman ako naiinip kahit wala pang batang mapaglilibangan sa bahay.

Pinagmasdan kong muli ang lalaking pinakasalan ko apat na taon na ang nakalilipas. Pawisan ang mukha, sunog sa araw ang balat at batak ang katawan. Simpleng buhay lamang ang kaya niyang ialay sa akin ngunit wala akong nadaramang pagsisisi. Maligaya ako. Kuntento. Payapa ang pag-iisip.

Sunud-sunod ang ginawa niyang pagsubo at napapapikit pa habang nilalasap ang simpleng pagkain.

“Dahan-dahan,” nakangiting sabi ko habang dinudulutan siya ng malamig na tubig.

“Bakit ayaw mo pa akong saluhan?” baling niya sa akin.

Bahagya akong natigilan. Sinilip ko ang aking kaliwang hintuturo na kanina ko pa itinatago sa ilalim ng aming kawayang hapag. Medyo nangingitim na ang dugong naiwan sa labi ng sugat nito. Nakuha ko habang naghihiwa ng sibuyas para sa pagluluto. Medyo mahapdi ngunit ‘di pa rin kayang pantayan ang ligayang dulot ng pagsisilbi ko sa lalaking nasa aking harapan.

Inabot ng aking kanang kamay ang bandehado ng kanin at ulam. Nakangiti kong sinimulan ang pagkain habang ang kaliwa kong kamay ay nasa ilalim pa rin ng hapag na kawayan. #

REPOSTED AS “ADOBO”

Advertisements

Comment-comment din 'pag may time!

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

AHJUMMAMSHIES

Saving Lives through K-Dramas

Doctor Eamer

PAG-IBIG ATBP.

geek god review

Annoying reviews and commentaries about everything geeky. Name it and we'll annoy you.

ktsmads

point of view.

The Jologs Chronicle

Helping you in the journey called -- LIFE

Mausolea Cirri

In here, I shall free all my thoughts locked up inside me.

ItsDlynFandiño

Let me share my thoughts and have my own limelight in this thing called writing. *winks with unicorns and rainbows*

Writer wanna be

Whenever we’re writing we are entering a different world, a world in which we can be free to express everything we want to say, a world where we can be everything we want to be. We just need to tickle our imagination.

Leon's daughter

Fascination is viral, infect with caution

Mariah Miranda

Beyond words, my heart

ladyleemanila

a girl in fringe, pretty in red

The Peps

The story continues ...

Louie Jon A. Sánchez

Poet, Teacher, Television Scholar, Filipino

Spilling Ink

Express the feelings through words, turn imagination into real picture