Isang Buwang Pag-ibig (Pt. I)

Isang Buwang Pag-ibig

kuha ni Mark Marcos

Sa loob ng halos isang buwan ay napakagandang langit tuwing dapit-hapon ang natanaw ko. Wala itong katulad. Kabigha-bighani ang kulay–lila na sinasalitan ng rosas. Napakaromantikong pagmasdan dahil tila ba kulay ito ng isang papausbong pa lamang na pag-ibig.

Mahigit tatlong buwan na buhat nang makilala ko si Raymund. Bagong empleyado siya noon sa kumpanyang halos dalawang taon ko nang pinapasukan. Bagong graduate ng Information Technology. Naalala ko pa kung gaano kalawak ang ngiti ko noong ipakilala siya ng aming boss sa amin. Paano naman kasi ay kapansin-pansin ang hawi ng kanyang buhok. Parang si Daniel Padilla.

Matapos ang isang linggo ay nasorpresa ako nang makasalubong ko si Raymund habang papunta sa cafeteria. Aba, mas maaliwalas na ang mukha niya dahil bagong gupit. Ngumiti siya sa akin nang makalapit kami sa isa’t isa. At ewan, biglang kumabog ang dibdib ko. Biglang nag-slow motion ang mga hakbang namin. Bigla ay parang kaming dalawa na lang ang tao sa hallway na iyon.

“Ano nga ang apelyido ni Raymund?” patay-malisya kong tanong kay Ronna na siyang kasama ko sa cubicle sa opisina.

“Bakit?” balik-tanong nito sa akin. Pangiti-ngiti siya. Alam kong nanunukso. Natawa ako.

“Ikaw talaga. Kung anu-ano agad ang iniisip mo,” sabi ko. “Kailangan ko lang para sa payroll.”

“Sabi mo, eh. Ang alam ko, Macaraeg.”

Raymund Macaraeg pala ang kanyang buong pangalan. Kinuha ko ang aking cellphone at pinindot ang Facebook app. Itinipa ko sa search box ang “Raymund Macaraeg.” Hindi naman ako nahirapang hanapin ang kanyang Facebook account dahil ‘yung buhok na parang kay Daniel Padilla pa rin ang kanyang display photo. Nag-isip ako. Add as friend ko kaya? Nag-isip pa ako nang mas mabuti. Wala naman sigurong masama.

Kinabukasan, lakad-takbo ang ginawa ko dahil ilang minuto na lamang ay late na ako. Maagap kong naiharang ang braso ko sa pinto ng elevator bago pa man din ito sumara. Napatigil ako sa paghakbang sa loob nang makilala ko ang nag-iisang laman nito. Si Raymund.

“Sorry,” sabi ko.

“Ayos lang,” sagot nito. “Malapit na tayong ma-late pero mukhang aabot pa naman,” dagdag nito habang sinisipat ang kanyang relong pambisig.

“Oo nga, eh. Sobra kasi ang trapik.”

“Sinabi mo pa.”

Tumunog ang elevator sa ikalimang palapag. Lumabas kami pareho.

“O, hindi tayo late,” nakangiting biro niya sa akin. Ngumiti rin ako. “Sige ha, una na ako,” paalam pa niya bago tuluyang tumalikod. Tumango naman ako. Hindi ko alam pero sabi sa akin ni Ronna, pakanta-kanta pa raw ako nang simulan ko ang santambak kong trabaho para sa araw na iyon.

Malapit na ang pananghalian nang maisipan kong bisitahin ang aking Facebook account sa aking cellphone. Bigla ang pagbilis ng tibok ng aking puso nang mabasa ko ang “You and Raymund Macaraeg are now friends.” Ngayon, malaya ko nang nababasa ang kanyang Facebook wall. Nagtapos pala siya sa University of the East. Dalawampu’t isang taong gulang na. Mahilig sa OPM base sa sunud-sunod niyang posts ng mga tagalog na kanta ng iba’t ibang banda. Mukhang ‘di mahilig sa basketball dahil wala akong nabasang posts tungkol sa NBA o PBA. Nalilibang na ako sa pagbabasa nang may magpadala ng isang private message. Si Raymund.

“Lunch?” ang basa ko sa Facebook chat message niya sa akin. Natutop ko ang aking bibig at pigil na pigil na kinilig. Mabuti na lang at wala na si Ronna sa aming cubicle kundi ay tiyak na pinutakti na ako nito sa katatanong at katutukso. Kinalma ko ang aking sarili. Malalim muna akong nag-isip bago tumipa ng sagot sa aking cellphone. Ayos lang naman siguro. Lunch lang naman.

“Sige,” sagot ko sa Facebook chat message ni Raymund.

“Kita na lang tayo sa elevator,” reply naman niya sa akin. Muli akong kinilig at bago ako lumabas ng aming cubicle ay hinagod ko muna ang hanggang balikat kong buhok, nagpahid ng lipstick at nagwisik ng pabango.

Naglalakad na kami papunta sa cafeteria nang makasalubong namin sina Ronna at ang iba pa naming mga kaopisina na nauna nang mananghalian. Palihim akong kinindatan ni Ronna. Tipid naman akong ngumiti dito. Wala talaga akong kawala sa babaeng ito, napakalakas ng pakiramdam.

Kakaunti na lamang ang tao nang marating namin ang cafeteria. Umorder na kami at naupo sa isang bakanteng mesa. Tahimik lamang kami pareho. Para bang nagkakahiyaan pa.

“Matagal ka na ba dito?” sa wakas ay nagtanong siya sa akin.

“Hindi pa naman, magdadalawang taon pa lang,” sagot ko.

“Matagal na rin ‘yon. Sabagay, mukha namang mababait ang mga tao rito,” sabi naman niya sabay tingin sa akin. Natawa ako.

“Hindi rin,” biro ko sa kanya. Siya naman ang natawa. Ganoon lang at tila bulang naglaho ang manipis na pader sa aming pagitan. Masaya na kaming nag-usap at nagbiruan. Ang dami namin napag-usapan. Mula sa lahat ng aming mga paborito, mga ayaw, hanggang sa mga opinyon namin sa lagay ng trapik sa Pilipinas, patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at kung nagparetoke nga ba talaga si Kim Chiu. Ang sarap niyang kausap. Ang sarap-sarap din niyang tumawa.

Regular na ang pagsasabay namin sa pananghalian mula noon. Regular ko na ring lihim na inaabangan ang pagsapit ng tanghali. Naging mas ganado ako sa pagpasok sa opisina. Parang nakatahi na sa mga labi ko ang matatamis na ngiti. Panay mga himig ng pag-ibig din ang pinakikinggan ko. Ewan. Basta, ang saya-saya sa pakiramdam.

“Anong meron, Camille?” tanong sa akin ni Ronna sa gitna ng mahina kong pagkanta. “Ibinigay na ba ng China ang Kalayaan Islands sa Pilipinas?”

“Bakit?” kunot-noo ko ring tanong kay Ronna.

“Ang saya-saya mo kasi. Nakatatakot na,” biro nito sa akin.

“Ikaw talaga. Palagi naman akong masaya,” sagot ko. “Ekstra lang ngayon,” biro ko rin dito.

“Iyan ang sinasabi ko. Pag-ibig ang tawag dyan, Camille!” tumatawang sabi sa akin ni Ronna.

Pag-ibig na nga ba ito? Napatanong din ako sa aking sarili. Para kasing sanay na sanay na ako sa kanyang presensiya. Hinahanap-hanap ko siya kapag wala siya sa paligid. Labis akong nag-aalala na naiinis kapag hindi siya agad na nakasasagot sa mga text at chat messages ko. Kapag nakarinig ako ng isang masayang kanta, siya ang una kong naiisip. Kabisado ko na rin ang lahat ng mga napag-usapan namin dahil paulit-ulit kong binabalikan ang mga ito. Kapag naririnig ko ang mga tawa niya, may kung anong mainit na pakiramdam ang humahaplos sa puso ko. Ganito ba ang pag-ibig? Kung ganito nga, walang duda, mahal ko na si Raymund. Ang tanong na lang ay kung ganoon din ba siya sa akin.

“Masaya ka ba?” tanong ni Raymund sa akin isang dapit-hapon. Magkatabi kaming nagkakape sa paborito naming upuan sa labas ng opisina. Tanaw na tanaw mula roon ang kulay lila at rosas na langit. Tiningnan ko siya habang humihigop ng kape.

“Oo,” walang gatol kong sagot kay Raymund kahit na hindi malinaw sa akin kung ang tanong ba niya ay tungkol sa aming dalawa.

“Ikaw ba, masaya?”

Siya naman ang tumingin sa akin. Para akong hinigop ng kanyang mga mata. Parang ang dami nitong gustong ipahiwatig sa akin.

“Oo,” sagot niya. Iyon lang. Iyon lang ang hinihintay ko. Sapat na iyon para hindi na ako magtanong pa ng kahit na ano.

Lumipas ang sumunod na dalawang linggo na ubod ng saya. Wala na akong mahihiling. Alaala niya ang gumigising sa akin tuwing umaga. Mga biruan namin sa pananghalian ang nagpapaligaya sa akin tuwing tanghali. Mas lalong tumitingkad ang kulay lila at rosas na langit sa dapit-hapon tuwing magkatabi kaming nagkakape. Wala ring sawa ang palitan namin ng Facebook chat messages tuwing gabi hanggang sa makatulugan na namin ang isa’t isa.

Akala ko, palagi na kaming ganoon. Pero totoo nga palang ang lahat ay humahantong sa katapusan. Kahit ang kung anumang meron kami ni Raymund, hindi nakaligtas. Nabalitaan ko isang Lunes ng umaga ang biglaan niyang pagbibitiw sa trabaho. Kinabahan ako. Labis na nalungkot. Paano na kaming dalawa?

Nag-iwan ako ng private message sa kanyang Facebook account. Nag-text din ako sa kanya. Pero lumipas ang kung ilang oras ay hindi siya sumagot. Nag-alala ako, medyo nainis. Ngunit, agad ko ring sinaway ang aking sarili. Baka naman marami lang ginagawa. Lumipas ang ilan pang mga araw, ang mga linggo hanggang ang dalawang buwan, wala pa rin akong narinig mula sa kanya. Mukha namang ayos ang lagay niya base sa madalang niyang mga Facebook posts. Hindi man siya magpaliwanag sa akin ay nakuha ko naman ang gusto niyang ipahiwatig. Tapos na kami. Kung gaano kabilis umusbong ang akala ko ay magandang pagtitinginan sa pagitan naming dalawa ay ganoon din ito kabilis naglaho.

Dinama ko ang nagpapapansing kirot sa aking dibdib. Ganoon lang siguro talaga. Wala rin naman akong makapang pagsisisi o paninisi. Una sa lahat ay wala naman kaming relasyon. Pangalawa ay tunay naman akong naging masaya sa loob ng halos isang buwan. Ang hiling ko lang, sana ay tunay rin siyang naging masaya.

Tiningala ko ang langit isang dapit-hapong nagkakape ako. Wala roon ang mga kulay na lila at rosas. Natabunan ito ng namumuong dilim. Parang uulan. Nilingon ko ang aking tabi. Blangko. Alam ko, mananatili pa rin ang kirot sa puso ko sa mga susunod na araw. Ganoon talaga. Pagkatapos ng dapit-hapon ay sasapit ang gabi. Didilim at tatahimik ang paligid. Ngunit, ‘di ba, pagkatapos naman ng gabi ay umaga? #

Advertisements

6 Comments (+add yours?)

  1. aysabaw
    Feb 12, 2016 @ 09:59:33

    dinaig yung isang linggong pagibig? he he

    Like

    Reply

  2. Jalyn Ogas
    Mar 14, 2017 @ 07:19:25

    Nasaan po ang part 2? 🙂

    Like

    Reply

Comment-comment din 'pag may time!

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

AHJUMMAMSHIES

Saving Lives through K-Dramas

Doctor Eamer

PAG-IBIG ATBP.

geek god review

Annoying reviews and commentaries about everything geeky. Name it and we'll annoy you.

ktsmads

point of view.

The Jologs Chronicle

Helping you in the journey called -- LIFE

Mausolea Cirri

In here, I shall free all my thoughts locked up inside me.

ItsDlynFandiño

Let me share my thoughts and have my own limelight in this thing called writing. *winks with unicorns and rainbows*

Writer wanna be

Whenever we’re writing we are entering a different world, a world in which we can be free to express everything we want to say, a world where we can be everything we want to be. We just need to tickle our imagination.

Leon's daughter

Fascination is viral, infect with caution

Mariah Miranda

Beyond words, my heart

ladyleemanila

a girl in fringe, pretty in red

The Peps

The story continues ...

Louie Jon A. Sánchez

Poet, Teacher, Television Scholar, Filipino

Spilling Ink

Express the feelings through words, turn imagination into real picture