Kalahating Taong Pasakit (Pt. II)

Kalahating Taong Pasakit

kuha ni Mark Marcos

Ang sabi nila, kapag daw iniyak mo nang iniyak ang lahat, mawawala ang anumang sakit na iyong nararamdaman. Mapapagod ka rin daw. Matatauhan. Pero bakit tila nailuha ko na ang lahat ng tubig sa katawan ko, masakit na masakit pa rin ang loob ko? Parang sariwang sugat pa rin na pinahiran ng alkohol?

May kulang anim na buwan na matapos ang biglaang pagbibitiw ni Raymund sa kumpanyang aking pinapasukan ngunit punum-puno pa rin ng napakaraming mga tanong ang isip ko. Bakit siya umalis nang walang paalam? Bakit bigla niya akong binitawan sa ere? Nagustuhan niya rin ba ako sa loob ng isang buwan ng pagiging malapit namin sa isa’t isa? Naiisip man lamang kaya niya ako ngayon?

Ang dami kong tanong pero wala kahit isang sagot. Minsan ay naiinis na rin ako sa aking sarili. Isip ako nang isip sa isang taong tila agad naman akong nakalimutan. Naging parte na nga ng maghapon ko ang maya’t mayang pagbisita sa aking Facebook account. Baka kasi maisipan na rin ni Raymund na sagutin ang kahit isa man lang sa mga private messages ko sa kanya. Ngunit, wala. Tumatalon din ang puso ko sa tuwing tutunog ang aking telepono. Baka si Raymund. At bigla ay babagsak ang mga balikat ko kapag ibang pangalan ang aking nabasa sa maliit na aparato.

“Camille, sasabay ka ba sa amin mag-lunch?” tanong sa akin ni Ronna isang Biyernes. Ngumiti ako sa kanya.

“Hindi na. Mamaya na lang ako, ‘di pa kasi ako gutom,” sagot ko. Tumango siya sa akin bago lumabas ng aming cubicle. Napabuntung-hininga ako.

Totoo namang hindi pa ako nagugutom kaya ayaw kong sumabay mananghalian kina Ronna at sa iba pa naming mga kaopisina. Pero ang mas totoo, iniiwasan ko lang talaga ang magawi sa cafeteria. Napakarami kasi naming masasayang alaala ni Raymund doon na tiyak na magpapalungkot lang sa akin. Natatakot din akong kapag nakita ko ang lugar na paborito naming upuan ni Raymund sa cafeteria ay mapatunayan ko sa aking sarili na totoong nangyari ang lahat. Na hindi iyon ilusyon o panaginip lamang.

Piping saksi ang cafeteria sa masasayang pananghaliang pinagsaluhan namin ni Raymund sa loob ng halos isang buwan. Kung paano niya ako alalayan bago umupo. Kung paano niya ako dulutan ng tubig. Kung paano niya hawiin ang buhok ko. Kung paano niya natatawang sabihin sa akin na may ketchup pa ako sa aking mga labi.

Ang dami niyang naikwento sa akin sa lugar na iyon. At tulad ng isang kapanunuod pa lamang na pelikula ay malinaw na malinaw pa rin ang lahat sa isip ko. Sabi niya, nakatapos daw siya ng kolehiyo sa tulong ng kanyang mga tiyahin. May maliit daw na tindahan ang kanyang nanay at tatay ngunit hindi sasapat ang kinikita niyon upang papag-aralin silang dalawang magkapatid. Nasa kolehiyo na rin daw ang bunso nila ngayon kaya naman naipangako niya sa kanyang mga magulang at mga tiyahin na tutulong siya sa pagpapaaral dito lalo pa nga at mayroon naman na siyang trabaho.

“Ang bait mo naman,” naalala kong biro ko sa kanya. Bahagya siyang natawa.

“Hindi naman. Natural lang naman na tumanaw tayo ng utang na loob sa pamilya natin, ‘di ba?” sabi niya.

“Sabagay,” sang-ayon ko. Namagitan sa amin ang ilang minuto ng katahimikan. Ngunit, iyong uri ng katahimikan na hindi nakaiilang. Kumportable naming hinintay kung sino sa aming dalawa ang muling magsasalita.

“Ikaw, may mga kapatid ka ba?” tanong niya sa akin. Ako naman ang nagkwento sa kanya. Ang sabi ko, solo lamang akong anak. Na nakapagtapos naman ako ng pag-aaral sa tulong ng isang educational plan. Tinanong niya ako kung hindi raw ba mahirap ang maging nag-iisang anak. Ngumiti ako bago sumagot. Ang sabi ko, minsan mahirap, minsan hindi. Ramdam na ramdam ko ang buong puso niyang pakikinig sa aking mga kwento. At sa unang pagkakataon, naramdaman ko ang kakaibang uri ng pagpapahalaga.

Sa kung ilang beses naming pag-uusap ni Raymund ay nadama ko na isa siyang mabuting anak. Iyon siguro ang isa sa mga dahilan kung bakit nahulog ako sa kanya. Kung pakaiisipin kasi ay hindi si Raymund ang tipo ng isang perpektong prinsipe. Hindi siya kagwapuhan, hindi rin naman katangkaran. Pero ipinagkibit-balikat ko lamang ang mga ito. Dahil ang sabi ko, hindi rin naman ako isang perpektong prinsesa at ang mahalaga naman ay ang perpekto sanang kwento ng pag-ibig na pwede naming mabuo.

Pakiramdam ko ay lumiit ang mundong ginagalawan ko sa kumpanya buhat nang umalis si Raymund. Ang dami ko kasing lugar na gustong iwasan bukod sa cafeteria. Ang isa pa ay ang coffee vendo na madalas naming bilhan ng kape sa hapon. Para kasing nakikita ko pa rin ang anino niya roon habang ibinibili ako ng kape. Ang maingat na pag-aabot niya sa akin ng tasa ng mainit na inumin. Ang pagyayaya niya pagkatapos sa paborito naming upuan sa labas ng opisina. Ang sabay naming pagtawa kapag napaso kaming pareho sa paghigop. Ang walang sawa naming kwentuhan habang nakatingin sa kulay lila at rosas na langit.

“Alam mo, ang gusto ko sa babae, ‘yung ‘di maarte, ‘yung masarap kausap, ‘yung masayang kasama,” bigla ay sabi niya sa akin habang hinihintay namin ang bahagyang paglamig ng aming kape. Ako ba ‘yon? Gusto ko sanang itanong sa kanya. Pero hindi ko nagawa dahil nalunod na ako sa kanyang titig. Umiwas ako ng tingin dahil ayaw paawat ng kabog ng dibdib ko.

“Ako, gusto ko ‘yung may sense kausap, ‘yung mararamdaman kong mahalaga ako sa kanya, ‘yung dahil sa kanya ay masasabik ako sa kinabukasan,” sabi ko naman kay Raymund. Parang ikaw. Gusto ko sanang idugtong ngunit naunahan ako ng hiya.

“Gusto mong magsine?” tanong niya sa akin. Lalo akong kinabahan. Tinanong ko rin ang aking sarili bago sumagot. Sine lang naman. Manunuod lang naman kami ng pelikula. Ginagawa naman talaga ‘yun ng magkaibigan, ‘di ba?

“Sige,” sa wakas ay sagot ko. Ngumiti naman siya sa akin. Hindi ko alam ng mga oras na iyon na iyon na pala ang huli naming pagkakape nang magkasama. Na hindi pala matutuloy ang panunuod namin ng pelikula.

May mga pagkakataong kahit ang musika ay nagtataksil sa akin. Akala ko, kapag nakinig ako ng mga kanta ay makalilimot ako. Hindi pala. Madalas nga ay mas naaalala ko pa siya. Binura ko sa playlist ko ang lahat ng mga kanta ng Rivermaya. ‘Yun kasi ang paborito niyang banda. Ngunit minsan, kapag sakay ako ng dyip ay bigla namang tutugtog ang mga kantang ipinadala niya sa akin ang lyrics sa Facebook chat. Gaya ng “Close to You” ni Sam Milby, “Smile” ni Barbie Almalbis o kaya ay “Umagang Kay Ganda” ni Bamboo. Parang gusto ko na lang tuloy pumara, tumakbo at magtago.

Madalas din ay natutukso akong ipadala sa kanya ‘yung lyrics ng “Hanggang Ngayon” ni Kyla. Lalo na ‘yung parte na “‘Di makapaniwala sa ginawa mong paglisan… O, kaybilis namang nawala ka sa akin…” Kung alam niya lang kung gaano katinding pagpipigil ang ginagawa ko huwag lang siyang tawagan, i-text o i-chat para tanungin kung kumusta na ba siya, naaalala pa ba niya ako o kung laro lang ba sa kanya ang lahat. Sana pala ay sinabi na lang niya sa akin nang harapan na ayaw na niya bago siya umalis para naman alam ko kung saan ako lulugar ngayon.

Sa tuwing babasahin ko nga ang palitan namin ng Facebook chat messages noon ay hindi ko pa rin maintindihan kung ano ang naging mali kaya naging ganito ang katapusan namin. Hindi ko rin alam kung dapat ko ba itong tawaging katapusan dahil hanggang ngayon ay marami pa ring mga katanungang hindi nasasagot. Gaya ng bakit tila kaybilis niyang nakalimot? Samantalang dati, bago kami matulog at mag-log out sa Facebook, ay ‘di niya nakalilimutang magpasalamat. Ang paliwanag niya, mahalaga raw sa kanya na pinaglalaanan ko siya ng oras dahil para ko na rin daw ibinigay sa kanya ang ilang bahagi ng buhay ko na ‘di ko na kailanman mababawi.

Inuulit ko, wala akong nadaramang pagsisisi o paninisi. Kasi nga ay tunay naman akong naging masaya sa loob ng halos isang buwan na kwento ng pag-ibig namin ni Raymund. Ewan ko lang kung ganoon din siya. Ang totoo ay nanghihinayang ako sa kung ano pa sana ang maaari naming marating. Kung papaano ko kaya siya sasagutin kapag nanligaw na siya sa akin. Kung saan-saang lugar kaya ang maaari naming pasyalan. Kung anu-anong mga pelikula kaya ang pwede naming panuoring magkasama. Kung papaano ko kaya siya sosorpresahin tuwing birthday niya o sa unang taon naming dalawa, sa ikalawa, sa ikatlo, sa ikaapat…

Kinuha ang aking cellphone. Wala sa sariling pinindot ko ang Facebook app doon. Pinuntahan ko ang thread ng chat messages naming dalawa ni Raymund. Ang balak ko lang ay basahing muli nang walang sawa ang palitan namin ng mga mensahe. Ngunit, bigla ang pagkabog ng aking puso nang mabasa kong active siya limampung minuto pa lamang ang nakalilipas. Dali-dali kong pinindot ang “view profile.” At doon ay nabasa ko ang pinakahuling status niya na “I’ll surely miss my family. See you again after two years. Wait for me, Dubai.” Nanginig ang mga daliri ko. Mangingibang bansa na pala siya. Kaya pala biglaan siyang nag-resign sa trabaho. Kaya pala.

Nag-uunahan sa pagragasa ang aking emosyon. Nahilam ako ng luhang saganang bumabalong sa aking mga mata. Muling nanariwa ang sakit sa aking dibdib na sa loob ng kulang anim na buwan ay pinilit kong maghilom. Huminga ako nang malalim bago tumipa ng mensahe para kay Raymund.

“Pasensya na pero kailangan ko talaga itong gawin. Para sa ikatatahimik ko. Sana ay maging tapat ka sa akin. Ano ba sa’yo ‘yung halos isang buwan nating pagiging malapit sa isa’t isa? Bakit hindi ka man lang nag-abalang magpaalam? Hindi mo man lang ba ako naiisip?”

Bigla akong natigilan. Kaya kong makabuo ng isang nobela kung itatanong ko kay Raymund ang lahat ng gumugulo sa aking isip. Pero… Tama na, Camille. Ako na rin ang nakiusap sa aking sarili. Magtira ka man lang ng konting bait para sa’yo. Kung tutuusin, wala ka ng dapat pang itanong sa kanya. Dahil malinaw namang tapos na kay Raymund ang lahat. Matagal na. Ikaw na lang ang nakakulong sa kahapon.

Labis ang hagulgol ko. Hindi ko alam kung gaano ako katagal na ganoon. Namalayan ko na lang na nagugutom na pala ako. Kumuha ako ng pagkain sa ref at habang ngumunguya ay muli kong tiningnan ang Facebook profile ni Raymund. Matagal. Pagkatapos ay walang pagdadalawang-isip kong pinindot ang “unfriend.” Ang sabi, “Are you sure you want to remove Raymund Macaraeg as your friend?” Kinumpirma ko ito. Isinunuod ko namang burahin ang thread ng Facebook chat messages namin. Pati na ang mga luma naming text messages na nasa inbox ng cellphone ko.

Uminom muna ako ng tubig bago itipa ang Facebook status na “Palalayain na kita para makalaya na rin ako.” #

Advertisements

4 Comments (+add yours?)

  1. Erwin Mariano
    Jan 26, 2016 @ 12:13:23

    Ang husay ng pagkakagawa.
    Parang kaibigan ko lang si Camille.

    Liked by 1 person

    Reply

  2. Ma. Marites Cepe. (@itescepe)
    Mar 17, 2017 @ 02:48:02

    may part 3 pa ba? hihi

    Like

    Reply

Comment-comment din 'pag may time!

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

AHJUMMAMSHIES

Saving Lives through K-Dramas

Doctor Eamer

PAG-IBIG ATBP.

geek god review

Annoying reviews and commentaries about anything geeky. Name it and we'll annoy you.

NAY

Wanders. Thoughts. Experiences.

The Jologs Chronicle

Helping you in the journey called -- LIFE

Mausolea Cirri

In here, I shall free all my thoughts locked up inside me.

ItsDlynFandiño

Let me share my thoughts and have my own limelight in this thing called writing. *winks with unicorns and rainbows*

Writer wanna be

Whenever we’re writing we are entering a different world, a world in which we can be free to express everything we want to say, a world where we can be everything we want to be. We just need to tickle our imagination.

Leon's daughter

Fascination is viral, infect with caution

Mariah Miranda

Beyond words, my heart

ladyleemanila

a girl in fringe, pretty in red

The Peps

The story continues ...

Louie Jon A. Sánchez

Poet, Teacher, Television Scholar, Filipino

Spilling Ink

Express the feelings through words, turn imagination into real picture