[Writers Write] Kalipunan ng Maiikling Kwento at Sanaysay Vol. 2

bitternessHalos malunod ka na sa mga papuring naririnig mo mula sa mga dati mong kaklase noong high school. Kesyo wala raw halos nagbago sa ‘yo, ang puti-puti mo na, ang seksi-seksi pa at pang-Creamsilk commercial ang iyong buhok.

Nangingiti ka habang ninanamnam ang mga papuring iyon. Totoo man o hindi ang mga ito ay wala kang pakialam. Isang buwan mula nang malaman mo ang tungkol sa homecoming ninyong magkakaklase ay talagang pinaghandaan mo na ito. Gusto mong maging magandang-maganda ka. Gusto mo rin namang muling makasama ang mga dati mong kaklase dahil kahit papaano’y nasasabik ka sa kanila. Pero may isang tao ka talagang gustung-gustong makita. Isang taong hinding-hindi mo makalilimutan. Isang taong nagmarka nang sobrang lalim sa iyong puso.

Sampung taon na ang nakalipas mula noong madamdaming araw ng inyong pagtatapos. Iginala mo ang iyong mga mata. Ang daming nagbago. Wala na ang mga dati ay pawisin at patpating batang kilala mo. Karamihan ay mga guro na, inhinyero, may mga namamasukan sa opisina at ang iba ay nagsimula ng maliliit na negosyo. Mayroon din namang nagsipag-asawa nang maaga at ngayon ay may mga anak na.

Masaya kang nakikipagkwentuhan sa iba pang naroon nang mapatingin ka sa pintuan ng bulwagang pinagdarausan ng pagtitipon. Nandito na siya. Ang taong kaninang-kanina mo pa hinihintay. Mas tumangkad siya ngayon ngunit walang nabago sa maamo niyang mukha. Parang kahapon lang mula nang huli mong pinagmasdan ang kanyang mga mata, ilong at labi. Nandoon pa rin ang nunal niya sa kaliwang kilay. At sa wakas ay ngumiti siya. Biglang lumakas ang kabog ng iyong dibdib at natakot kang baka masira ang tatag na kaytagal mong inipon.

“Long time no see,” bati nito sa ‘yo at sa iba pa ninyong mga kaklase.

Awtimatikong sumilay ang ngiti sa labi mo na ilang ulit mong sinanay sa harap ng salamin. Pigil na pigil mo ang panginginig nito. Hindi maaaring mahalata ninuman na kinakabahan ka. Kailangan mong ipakitang ayos ka na at hindi na apektado ng kanyang presensya.

“Kumusta? Lalo kang gumanda,” baling nito sa ‘yo.

“Salamat. Heto, okay naman. Masaya,” ang sagot mo sa masiglang tinig.

Tumangu-tango ito samantalang binati mo naman ang iyong sarili sapagkat maayos mong nasabi ang iyong linya. Pang-best actress kumbaga.

Naupo ito sa lamesang kinauupuan mo at masayang nakipagkwentuhan. Palihim mo naman itong pinagmamasdan. Malikot pa rin ang kamay nito kapag nagsasalita at malutong pa rin itong tatawa. Accountant na pala ito ngayon sa isang multinational company. Napagtapos na rin nito ang dalawang nakababatang kapatid.

“Sa susunod, sa kasal ko naman ang reunion,” ang sabi nito. Nagniningning ang mga mata.

Biglang nanigas ang leeg mo. Wala ka ring maapuhap na salita habang ‘di naman magkamayaw ang mga kaklase ninyo sa pagbati at panunukso. Gusto raw sanang sumama ng nobya nito ngayon ngunit naudlot dahil sa trabaho. Matagal na raw talaga nilang balak magpakasal at alam na rin ito ng kanilang mga magulang. Imbitado raw kaming lahat.

Kasal? Ikakasal na pala siya. Habang ikaw ay namumuhay pa rin sa kahapon. Tandang-tanda mo pa rin ang sakit ng unang pagkabigo ng bata mong puso. Araw-araw ay binabalikan mo ang mga masasayang alaala ng tatlong taon ninyong relasyon.

“Tatlong taon din ‘yon pero bakit tila nakalimutan mo na?” gusto mo sanang itanong sa kanya ngunit pinigil mo ang iyong sarili.

Hindi ka iiyak. Hinding-hindi ka iiyak. Dahil bakit ka naman iiyak? Ano ba ang karapatan mong umiyak? Hindi mo naman iniisip na babalikan ka niya, ‘di ba? Natural lang din naman na makahanap na siya ng babaeng iibigin sa haba ng panahon mula nang matapos ang lahat sa inyo. Mahirap lang talagang tanggapin na nakalimot na ang lahat at ikaw na lang pala ang naiwan sa nakalipas. #

REPOSTED AS “HOMECOMING”

***

moonlight

Madalas kong itanong noong bata pa ako, “Sinusundan po ba tayo ng buwan? Bakit parang hinahabol niya tayo? Bakit parang lagi siyang nakasilip sa atin? Bakit parang lagi siyang nakabantay?”

Parang naririnig ko pa ang mga pagtawa mo sa mga biro ko. Kahit nga ang mga ngiti natin, naririnig ko. Nananahan sa tenga ko ang mga kwento mo. Paulit-ulit kong naririnig, parang sirang plaka. Kung paano kang napagod sa trabaho. Kung paanong matiyaga mong hinintay ang pagsapit ng alas kwatro ng madaling-araw para magkita tayo. Sa paborito nating lugar. Doon sa payapa. Doon sa silong ng liwanag ng buwan.

Parang naririnig ko pa rin ang mga OPM mong kanta na pinatutugtog mo sa ‘yong telepono tapos sasabayan nating dalawa. Naririnig ko ang banayad mong paghigop ng kape at ang pagbulong mo ng, “Mainit.” Kahit nga ang tahimik nating palitan ng mga sulyap kapag naubusan na tayo ng mga kwento, naririnig ko.

Ngunit, bakit kaya hindi ko narinig ang pagtatapos ng lahat at ang paglisan mo?

Ngayon, sa tuwing titingnan ko ang buwan, hindi ko mapigilan ang muling magtanong. “Sinusundan ba niya talaga tayo? Bakit parang lagi siyang humahabol? Bakit parang lagi siyang nakasilip sa atin? Bakit parang lagi siyang nakabantay?” #

REPOSTED AS “SINUSUNDAN BA TAYO NG BUWAN?”

***

dream

Buti hindi pa kinakagat ng mga langgam ang labi ko. Sobrang tamis kasi ng ngiting kanina pa nakapaskil dito. Ayaw maalis. Parang itinahi.

Itinatanong mo kung bakit? Ganito kasi. Ngumiti siya sa akin kanina. Oo, talaga nga! Hindi rin ako makapaniwala. Ako ba talaga? Tumingin pa ako sa paligid dahil baka hindi naman ako. Pero wala namang ibang tao. Kaya malamang ay ako nga ang nginingitian niya.

Lumakad siya palapit sa akin. At nang tawagin niya ang pangalan ko ay doon ko lamang nakumpirma na ako nga ang nginingitian niya. Anong gagawin ko? Anong gagawin ko? Maayos kaya ang buhok ko? Sana pala ay nagpulbos ako kanina. Sana nagpahid ako ng lipstick. Sana dinagdagan ko ang wisik ng pabango. Sana… sana… sana.

Naku, malapit na siya sa harap ng elevator na kinatatayuan ko! Kalma, kalma, kalma. Gumanti ako ng ngiti sa kanya. Tinanong niya ako kung pauwi na raw ba ako. Sabi ko, oo. Sabay na raw kami sa pagbaba. Sabi ko, sige. Totoo ba ito? Sana naman ay hindi panaginip lang. Bumukas ang elevator. Walang lulan. Kaming dalawa lang. Naku naman, parang eksena sa pelikula.

Pinauna niya akong sumakay. Medyo tahimik. Matitipid lang ang nginitian namin sa isa’t isa. Pasulyap-sulyap lang. Hanggang sa tinanong niya ako. Kung anu-ano lang. Hanggang sa tinanong ko rin siya. Kung anu-ano lang din. Hanggang sa tila magic na bigla na lang ang mga tipid naming nginitian at sulyapan ay nauwi sa biruan at tawanan.

Tumunog ang elevator hudyat na kailangan na naming bumaba. Ang bilis naman. Sana pala ay nasa ika-labinlimang palapag ng gusaling iyon ang opisina namin. O kaya, sana ay nasira ang elevator at nakulong kami doon ng mga ilang oras. Alam ko, alam ko. Kahit ako ay natawa rin sa aking ideya.

Sabi niya, una na raw siya. Sabi ko, sige. Sabi pa niya, ingat daw ako. Sabi ko naman, siya rin. Ngumiti ulit siya sa akin at muntik na akong himatayin. Totoo nga ba ito? Para kasi talaga akong nananaginip.

Nangangawit na ang labi ko. Pero ayaw pa ring paawat ng napakalawak kong ngiti. Kahit trapik, kahit mainit at kahit ang asim ng katabi ko sa dyip, ayos lang. Basta ang saya-saya ko. Daig ko pa ang nakalutang sa ulap.

Sana hindi ito ang huli. Kahit na matulog na lang ako buong maghapon, ayos lang. Basta ba madudugtungan ang tila panaginip na tagpong iyon. Sana maulit pa ulit iyon ng maraming-maraming beses. Hanggang sa maniwala na rin akong hindi iyon isang panaginip lang. #

REPOSTED AS “ELEVATOR”

Advertisements

Comment-comment din 'pag may time!

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

AHJUMMAMSHIES

Saving Lives through K-Dramas

Doctor Eamer

PAG-IBIG ATBP.

geek god review

Annoying reviews and commentaries about everything geeky. Name it and we'll annoy you.

ktsmads

point of view.

The Jologs Chronicle

Helping you in the journey called -- LIFE

Mausolea Cirri

In here, I shall free all my thoughts locked up inside me.

ItsDlynFandiño

Let me share my thoughts and have my own limelight in this thing called writing. *winks with unicorns and rainbows*

Writer wanna be

Whenever we’re writing we are entering a different world, a world in which we can be free to express everything we want to say, a world where we can be everything we want to be. We just need to tickle our imagination.

Leon's daughter

Fascination is viral, infect with caution

Mariah Miranda

Beyond words, my heart

ladyleemanila

a girl in fringe, pretty in red

The Peps

The story continues ...

Louie Jon A. Sánchez

Poet, Teacher, Television Scholar, Filipino

Spilling Ink

Express the feelings through words, turn imagination into real picture