[Tampok] Mga Puno Ni Elias

Mga Puno Ni Elias

obrang likha ni Romeo Forbes

“Pareho kami ng tatay mo, may nunal sa talampakan!” ‘Yun ang laging sinasabi sa akin ni Nanay noong bata pa ako. Marka raw ‘yun ng isang taong hindi makapirmi sa iisang lugar. Marahil, ang mga nunal na iyon ang nag-udyok sa kanilang lisanin ang bayan ng Tierra Verde sa Pilipinas noong 1920 upang makipagsapalaran sa mga plantasyon ng tubo dito sa Hawaii.

Dito na ako isinilang at nagkamulat. Ganunpaman, ipinaghele ako ng matatamis na kuwento nina Nanay at Tatay tungkol sa nilisan nilang bayan. Sa aking murang isipan, nabuhay at nagkahugis ang mapa ng Tierra Verde – ang luntiang kabundukan, mayabong na gubat, sariwang bukal, matatayog ng puno, at malakristal na ilog. Ano kayang halina ang taglay ng nunal sa talampakan na nagtulak sa mga magulang kong lisanin ang ganoong kagandang bayan?

Naging sundalo ako sa pantalan ng Pearl Harbor. Nakapaglakbay ako sa malalayong lupain at napadpad sa kung saan-saang lugar na walang pangalan. Nagalugad ko ang mga bayang ni sa hinagap ay di ko inakalang aking mararating. Gayun pa man, pabalik-balik lagi ang mithiing makapaglakbay sa Pilipinas, upang tuklasin ang maalamat na bayang lunan ng mga pangarap noon nina Nanay at Tatay at kilalanin nang lubusan ang aking pinagmulan.

Makalipas ang halos dalawampung taon mula nang lisanin ng aking mga magulang ang Tierra Verde, ako naman ang tumanggap ng hamon. Ako naman ang tumahak kung saang lupalop man ako nais dalhin ng sariling nunal sa talampakan.

Hindi ko inakalang nasa pinakaliblib na sulok sa katimugang Pilipinas ang bayang hinahanap ko. Binagtas ko ang mga kabundukang tila hindi pa nararating ng mga turista.

Nagulat ako sa aking dinatnan.

Tuyo, walang kulay at salat sa kahit anong buhay ang Tierra Verde. Natuyo na rin ang bukal, pati ang ilog, mabuhangin at paliku-likong landas na lang ang naiwan. Kalbo na ang mga bundok at tanging ligaw na damo ang tumutubo sa lupa.

Anong nangyari sa mistikal na bayang pinangarap ko mula pagkabata?

Sa di kalayuan, nasulyapan ko ang isang maitim na pigura na tila isang puno. Agad ko itong nilapitan. Isa pala itong matandang pastol at ang alaga niyang aso. Napaliligiran siya ng tatlumpung kambing na nakahilata sa damuhan.

Pinainom ako ng pastol ng tubig mula sa kanyang sisidlan na yari sa kawayan. Inigib daw niya ang tubig na iyon mula sa isang malalim na balon malapit sa kanyang tirahan. Dumidilim na, kaya siguro inimbita na rin niya akong maghapunan.

Bihirang magsalita ang matanda. Wala itong imik at ni hindi lumingon habang bumuntot ako sa kanya pauwi. Ganoon marahil ang mga taong namumuhay nang mag-isa.

Nakatira ang matanda sa isang aksesoryang halatang pinagsikapan niyang itayo mula sa guho ng isang bahay na bato. Masinop ang lahat ng gamit sa loob ng bahay. Malinis ang mga pinggan at nakasabit sa dingding ang mga kawali at kaserola. Naamoy kong may kumukulong lugaw sa kalan. Naghain siya ng lugaw at kumain kami nang halos hindi nag-uusap.

Pagkakain, inalok niya ako na magpalipas ng gabi. Agad ko itong tinanggap. Aniya, isa’t kalahating araw pa ng paglalakad bago raw makarating sa susunod na bayan. Tinanong ko siya tungkol sa Tierra Verde. Mailap ang matandang pastol ngunit di nagtagal, napilitan na rin siyang isalaysay ang madilim na kuwento ng pagkasira ng bayang ito.

“Nagkaroon noon ng mahabang tagtuyot sa Tierra Verde. Walang tumubong kahit anong pananim. Napilitan ang mga taong putulin ang mga puno at sunugin ang mga gubat upang magkaroon ng mas maraming lupang pagtatamnan. Ibinenta ng iba ang mga natumbang puno bilang troso habang ang iba’y namulot ng mga nasunog na kahoy at ipinagbili bilang uling sa kabilang bayan. Paglipas ng panahon, ang nasunog na lupa’y natuyo at hindi na maaaring tamnan. Nagpatuloy namang dumanas ng taggutom at matinding kahirapan ang mga taumbayan.”

“Ang pinakatahimik at kimi ay agad nagagalit at handang makipag-away dahil lang sa pinakamaliliit na bagay. Lumaganap ang iba’t ibang bisyo, tsismisan at inggitan na parang nakahahawang sakit. Kataka-takang nagkaroon din ng epidemya ng pagkabaliw at pagpapatiwakal. At sa lahat ng ito, walang humpay ang pag-alulong ng hangin sa buong bayan. Nakapangingilabot, animo may ibinabadyang masamang pangitain.

Isang gabi, habang nahihimbing ang lahat, dumating ang isang malakas na bagyo. Dahil kalbo na ang kabundukan, mabilis na umagos ang rumaragasang baha, kasamang dumausdos ang ilang trosong nakatiwangwang. Nasalanta ang buong bayan ng Tierra Verde at halos walang nakaligtas.”

Magtatanong pa sana ako ngunit biglang tumayo ang matanda. May kinuha siyang isang maliit na supot at ibinuhos ang laman nito sa mesa. “Mga buto ng narra,” sabi niya. Maingat niyang sinipat ang bawat buto. Itinabi niya ang mabubuting uri mula sa maliliit at may biyak na. Nang makapili siya ng isandaang buto, tumayo na siya upang matulog.

Kinaumagahan, nagising akong wala na sa bahay ang matandang pastol. Kaya’t dali-dali akong lumabas upang hanapin siya. Nasa isang lambak pala ang kanyang pastulan. Nang matanaw niya ako, iniwan niya ang mga kambing sa pangangalaga ng kanyang aso, at umakyat patungo sa aking kinatatayuan. Sinenyasan niya akong sumunod sa kanya sa gilid ng kabundukan.

Nagsimula siyang maghukay ng maliliit na butas sa lupa gamit ang kanyang tungkod. Tapos, isa-isa niyang hinulog dito ang mga buto at tinabunan muli ang butas. Nagtatanim pala siya ng puno ng narra!

Nalaman kong Elias Dakila ang kanyang pangalan at singkuwenta anyos na siya. Naninirahan siyang mag-isa sa kabundukan, kapiling ang kanyang aso at mga kambing. Naisipan ni Elias na magtanim ng puno dahil aniya’y nangangailangan ng tulong at kalinga ang kabundukan. Sa nakalipas na tatlong taon, nakapagtanim na siya ng isandaang libong buto ng narra. Libu-libo na rito ang namatay, sinira ng daga o hindi nakaligtas sa bugso ng kalikasan. Sabi ko, sa loob ng tatlumpung taon, kahit sampung libong puno lang ang mabuhay, ito’y magiging kagila-gilas na tanawin sa Tierra Verde.

Kinabukasan, naghiwalay kami ng landas at nagbalik na ako sa Hawaii.

Noong 1941, pumutok ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Binomba ng mga Hapon ang istasyon namin sa Pearl Harbor. Doon ko unang nasaksihan ang lagim at pinsalang dulot ng giyera. At sa sumunod na limang taon, tanging ang giyera ang nakapuno sa aking isipan. Halos walang panahon na sumagi sa aking alaala si Elias at ang kanyang mga puno.

Nang matapos ang giyera, tila lahat ay nagkaroon ng matinding pagnanasang magpanibago at muling magpalakas ng sarili. Ganoon daw talaga ang giyera – malakas makaubos ng lakas, makapagod ng isip at makalaspag ng kaluluwa. Pakiramdam ko, kailangan kong lumanghap muli ng sariwang hangin. Kaya’t naisip kong bumalik sa Tierra Verde.

Walang masyadong pagbabago ang pasikut-sikot na daan patungo sa Tierra Verde. Ngunit sa di kalayuan, nagulat ako nang may natanaw akong manipis na ulap na nakaputong sa itaas ng kabundukan. Lalo akong nasabik na makitang muli si Elias at ang kanyang mga puno ng narra.

Dinatnan ko siyang nakatalukbong ng itim na telang may manipis na kulambo, at may ilang bubuyog na umaaligid sa kanya. Nag-iba na pala siya ng hanapbuhay. Apat na lang ngayon ang kambing niya at mayroon siyang isandaang bahay-pukyutan.

“Binenta ko na ang mga kambing at sinisira ng mga ito ang mga puno,” sabi niya. Nagkuwento ako sa kanya ng mga karanasan ko noong giyera. Ngunit nang tanungin ko siya, wala siyang maibahagi sa akin. Hindi raw siya nagambala ng giyera. Nagpatuloy lang siya sa kanyang gawain – ang pagtatanim ng puno.

Dinala niya ako sa kanyang gubat at namangha ako sa aking nakita. Mas matataas na sa aming dalawa ang libu-libong puno ng narra. Mahigit labing-isang kilometro ang haba at tatlong kilometro na ang lapad ng gubat. Ipinakita rin niya sa akin ang mga puno ng kamagong, acacia, molave, almaciga at iba pa na abot-balikat namin ang taas. Ito raw ang mga punong itinanim niya noong panahon ng giyera.

Tila naumid ako sa kahanga-hangang tanawin. Kung iisipin na ang lahat ng ito’y nagmula sa kamay, tiyaga at dedikasyon ng isang taong wala namang pormal na kasanayan, mauunawaan mo na tulad ng Diyos, may angking kakayahan ang tao sa paglikha, at hindi lamang sa pagpuksa.

Nang maglakad kami pabalik sa kanyang bahay, narinig ko ang laguklok ng tubig mula sa kung saan. Dumadaloy na uli ang natuyong bukal, at pati ang ilog ay muling nagkabuhay! Napansin ko rin na ikinalat ng hangin ang mga buto kung kaya’t sumibol din ang mga hardin, parang, palumpong, at mga bulaklak sa paligid. May mga ibon na ring dumadapo sa mga puno.

Hindi man sinasadya, malaki ang nagging epekto ng mga puno ni Elias sa unti-unting pagbabagong-anyo ng paligid, na tila walang nakapansin. Mula noon, halos taon-taon akong nagbalik sa Tierra Verde upang kamustahin si Elias at ang kanyang kagila-gilalas na gubat.

Labinglimang taon pa ang lumipas at ganap na ang tubo ng mga puno ni Elias. Setenta anyos na siya at hindi na niya kayang maglakad nang pabalik-balik mula sa kanyang bahay. Kaya’t naisipan niyang magtayo ng bahay na bato sa gitna ng gubat.

Isang araw, ilang matataas na opisyal ng kawanihan ng kagubatan ang dumating upang suriin ang gubat. Nilagyan nila ito ng karatula na nagsasabing: “UNDER GOVERNMENT PROTECTION” na ang ibig sabihin, ipinagbabawal dito ang pagkakaingin, paguuling, at maging ang komersyal na pagtotroso. Pagkatapos noon, nagkuhanan ng litrato ang mga opisyal, namalikmata sa likas na kagandahan ng gubat.

Minsan, isinama ko ang kaibigan kong tagapag-alaga ng kagubatan na kabilang sa delegasyong bumisita. May baon kaming kanin, inihaw na bangus, itlog na pula, at kamatis at pinagsaluhan namin ito sa ilalim ng matatayog na puno.

Pagkakain, nagpaalam sa amin si Elias at ipinagpatuloy ang pagtatanim. Naglakad-lakad kami ng kaibigan ko sa gubat. Nagtaka ako kung bakit hindi niya sinabi ang mga mungkahi niya tungkol sa uri ng puno na mas angkop sa lupang nandoon. “Mas kilala niya ang gubat,” ayon sa kaibigan ko. “Kabisado na niya ang bawat hanay na parang taimtim na dasal.”

Nang ideklara ang Batas Militar sa Pilipinas, napuno ng takot at pangamba ang buong bansa, lalo na sa kanayunan. Kinailangan ko nang bumalik sa Hawaii. ‘Yun na ang huling pagkikita namin ni Elias sa loob ng mahabang panahon.

Wala na akong balita tungkol sa kanya. Minsan, may nabasa ako tungkol sa isang komunidad na napaghinalaang kalaban ng pamahalaan. Sinunog ng militar ang buong bayan at ang mga tao’y pinagpapatay. Nanalangin na lang ako na lagi sanang ligtas ang aking kaibigan at ang kanyang kagubatan.

Makaraan ang halos labinglimang taon,naganap ang isang mapayapang People Power Revolution noong 1986. Nagdiwang ang mga tao sa tila muling pagsilang ng bayan. Naisip kong panahon na rin upang bisitahing muli ang aking kaibigan.

Lulan sa tren na dumadaan na ngayon sa bayan, hindi ko na nakilala ang mga lugar na aking nakita. Hitik sa mga puno ang tabing-daan, at kung hindi ko pa nakita ang karatulang nag-aanunsiyo na iyon na ang Tierra Verde, iisipin kong naligaw na yata ako.

Ibang-iba na nga ang paligid. Ang dating mabalasik na hangin na sumalubong sa akin ay napalitan ng banayad at mabangong simoy. Nagsulputan din ang mga bagong bahay na may maririkit na harding hitik sa mga bulaklak at iba’t ibang uri ng gulay. Sari-saring huni ng ibon ang maririnig,kasaliw ng lagaslas ng tubig mula sa bukal at ilog.

Sa di kalayuan, pumutok na ang mga bunga ng puno ng kapok, at tinatangay ito ng hangin. Napangiti ako dahil mistulang umuulan ng bulak sa paligid at panay ang hagikgikan ng mga bata habang hinahabol at sinasalo ang mga bulak.

Matanda na ako ngunit pilit kong inakyat ang daan tungo sa bahay ni Elias. Mukhang natuwa siya nang makita ako dahil noon ko lang kasi siya nakitang ngumiti. Nobenta’y sais anyos na si Elias.

Mula sa gilid ng bundok, tinanaw namin ang komunidad sa ibaba, ang masagana, masaya, at luntiang paligid na bunga ng ilang taon niyang pagtatanim ng mga puno. “Wala ang lahat ng ito kundi dahil sa iyo,” ang sabi ko sa kanya.

Utang ng mahigit sampung libong tao kay Elias ang kanilang kaligayahan. Naisip ko, utang ko rin kay Elias ang muling pagsilang ng Tierra Verde, ang bayang akin na ring pinagmulan.

Tuwing magmumuni ako kung paanong ang isang lupaing pinabayaan ay nagawang bumangon at sumibol muli dahil sa tiyaga, dedikasyon, at kabutihang-loob ng isang tao lamang, nabubuhayan ako ng loob at nag-uumapaw ang paghanga at paggalang ko kay Elias Dakila, ang ordinaryong pastol na nagpakasakit lumikha ng isang obrang ikalulugod ng Diyos.

Namatay nang payapa sa kanyang pagtulog si Elias Dakila noong 1988 sa gulang na siyamnapu’t walong taon. #

Adaptasyon ni Augie Rivera
Inspirasyon mula sa akda ni Jean Giono na “The Man Who Planted Trees”

Advertisements

Comment-comment din 'pag may time!

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

AHJUMMAMSHIES

Saving Lives through K-Dramas

Doctor Eamer

PAG-IBIG ATBP.

geek god review

Annoying reviews and commentaries about anything geeky. Name it and we'll annoy you.

NAY

Wanders. Thoughts. Experiences.

The Jologs Chronicle

Helping you in the journey called -- LIFE

Mausolea Cirri

In here, I shall free all my thoughts locked up inside me.

ItsDlynFandiño

Let me share my thoughts and have my own limelight in this thing called writing. *winks with unicorns and rainbows*

Writer wanna be

Whenever we’re writing we are entering a different world, a world in which we can be free to express everything we want to say, a world where we can be everything we want to be. We just need to tickle our imagination.

Leon's daughter

Fascination is viral, infect with caution

Mariah Miranda

Beyond words, my heart

ladyleemanila

a girl in fringe, pretty in red

The Peps

The story continues ...

Louie Jon A. Sánchez

Poet, Teacher, Television Scholar, Filipino

Spilling Ink

Express the feelings through words, turn imagination into real picture