Bahay Matanda

Bahay Matanda

kuha ni Mark Marcos

Sikat ang bahay namin sa Sta. Ines. Pinakamalaki kasi ito sa hilera ng mga kabahayang malapit sa sentro ng aming bayan. Bahay Matanda kung tawagin ito ng mga lokal sapagkat makaluma ang istilo nito. Minana pa kasi ito ni Papa mula sa aking yumaong lolo at lola. Gawa sa bato ang ibaba habang kahoy naman ang ikalawang palapag. Kapis ang mga bintana at napipintahan ng barnis ang tablang dingding, puting pintura naman ang sa sementong pader. Malawak din at natatamnan ng iba’t ibang mga puno ang bakurang kinatitirikan nito.

Kilala rin ang aming pamilya sa aming munting bayan. Kung ilarawan nga kami ng mga lokal dito ay “mga mabubuting tao.” Si Papa, kilala ng lahat bilang si “Ninong.” Galante kasi. Madalas tuloy mag-anak sa mga kasalan. S’yempre pa ay sagot na nito ang litson. Marami rin siyang paaral na mga kabataan sa Sta. Ines. Regular na nasa Bahay Matanda ang mga “iskolar” ni Papa tuwing Linggo para kumuha ng kanilang mga baon at iba pang pinansyal na pangangailangan.

Si Mama naman, para bang siya ang unang ginang ng Sta. Ines kahit na hindi siya asawa ng pulitiko. Laman kasi ito palagi ng mga kawanggawa. Madalas itong mag-organisa sa Bahay Matanda ng libreng pakain para sa mga bata at libreng konsultasyong medikal para sa mga matatanda’t buntis. Ehemplo siya ng kababaang-loob dahil, sabi na nga rin ng mga lokal, ay hindi raw ito kailanman nangiming pakisamahan ang mga gaya nila.

Sila ang Mama at Papa ko. Itinuturing na pinakamatulungin at pinakahuwarang mag-asawa sa bayan namin. At ako naman ang matalino, mabait at perpekto nilang nag-iisang anak. Natapos ko ang kolehiyo na nakamit ang pinakamataas na pagkilala. Regular akong nagsisimba at aktibo pa sa mga gawaing pangsimbahan. Tuwing Sabado naman ay libre kong tinuturuan sa Bahay Matanda ang mga paslit naming kapitbahay sa kanilang mga takdang-aralin. Hindi ako dinidilim ng pag-uwi sa daan, palagi akong nakangiti at magalang ako kung sumagot sa mga nakatatanda. Walang kahit na anong maipipintas ang mga tao sa akin.

Kami ang pamilyang nakatira sa sikat na Bahay Matanda ng Sta. Ines. Ang bahay na palaging bukas sa lahat ng mga nangangailangan. Mapagbigay na ama, huwarang ina at perpektong anak. Ibig kong matawa. Kung alam lang nila.

Si Papa, nakatatakot siya. Mapagkunwari ang maskarang suot niya. Maniwala kayo sa akin.

Madalas, gusto ko nang sabihin sa mga kabataang “iskolar” ni Papa na tigil-tigilan na nila ang kanilang mga pagpapasalamat. Hindi naman kasi totoong walang hinihinging kapalit ang Ninong nila sa bawat salaping natatanggap nila mula dito. Kung tutuusin, lugi pa nga sila. Iskolarship kasi ang pambulag ni Papa sa mga hampaslupang lokal ng Sta. Ines para maging tagakubra ng pera mula sa mga ilegal na pasugalan nito sa loob at labas ng bayan. At karamihan sa mga nagtatrabaho ngayon kay Papa ay ang mga tatay ng mga “iskolar” nito. Nakatatawa lang na halos maglumuhod na ang mga kabataang ito sa Papa ko o ‘di kaya ay halos ipagpatayo na nila si Papa ng rebulto. Kung ‘di raw dahil sa Ninong nila ay malamang nahinto na sila sa pag-aaral, ‘di na matutupad ang mga pangarap at mananatiling dukha habambuhay. Mga tanga.

“Mag-aral kayong mabuti, ‘yon lang ang hinihilinging kong kapalit sa inyo,” ang madalas sabihin ni Papa sa kanyang mga “iskolar.” Kalokohan!

“Opo, Ninong. Pangako po,” koro namang sagot ng mga ito kay Papa. Mga utu-uto! Kung alam lang ninyo na kaluluwa ng mga tatay ninyo ang kapalit ng iskolarship na ‘yan. Kung alam lang ninyo.

“Linisin ninyong mabuti itong bahay, darating ang mga bata mamaya,” ang utos ni Mama sa mga kasambahay.

“Opo, Madam.”

“Ilabas ninyo ang mga mamahaling pigurin at plorera, at palitan ninyo ang mga kurtina ng seda.

“Maghanda kayo ng maraming putahe para sa pananghalian. Ngayon lang ulit tiyak makatitikim ng masasarap ang mga ‘yon. Mga patay-gutom,” sabi pa ni Mama.

“Masusunod, Madam.”

Iyan ang tunay na kulay ni Mama. Sa lahat ng mga nagsasabing siya ang may pinakamababang-loob sa Sta. Ines… nagkakamali kayo. Maaari ngang nakangiti siya habang nakikihalubilo sa mga marurusing na batang pinapakain niya ng libre. Maaari ngang magiliw niyang kinakausap ang mga aligagang buntis at mga amoy-lupang matatanda sa tuwing may libre siyang konsultasyong medikal. Ngunit, ako na ang magsasabi sa inyo, pakitang-tao lang ang lahat ng ito. Mahilig lang talaga siya sa atensiyon. Huwag na ninyo akong tanungin kung bakit dahil hindi ko rin alam. Bata pa lang ako ay ganyan na si Mama.

Dumating nga ang mga bata sa Bahay Matanda para sa libreng pananghalian. Nag-uunahan ang mga ito sa pagdulog sa mahahabang mesang nakaayos sa aming malawak na bakuran. Sige ang mga ito sa pagkuha ng ulam, parang mga mauubusan. Ang iba naman ay sunud-sunod ang ginawang pagsubo.

“Dahan-dahan,” ang sabi ni Mama sa mga bata. “Marami pang pagkain sa loob.”

Pinagmasdan ko siya habang papunta sa isang sulok ng bakuran. Tumalikod siya at sa aking isip ay inuunahan ko na ang bawat salitang mahinang pinawawalan ng kanyang bibig.

Mga patay-gutom.

“Mga patay-gutom.”

Parang mga ‘di pinapakain.

“Parang mga ‘di pinapakain.”

Mga hampaslupa talaga.

“Mga hampaslupa talaga.”

Natawa ako. Kabisadung-kabisado ko na talaga ang mga linya ni Mama.

Napakadaling linlangin ng mga tao. Bigyan mo lang ng katiting na pabor o pakitaan ng bahagyang kabutihan ay ituturing ka na nilang santo. Kung tawagin kami ng mga lokal ay “mga mabubuting tao” at kung tingnan naman nila ang Bahay Matanda ay tila ito isang sagradong lugar na sasagot sa lahat ng kanilang mga pangangailangan. Nabulag na sila ng aming pagbabalatkayo dahil hindi nila nakikitang ang bahay na ito at maging ang mga nakatira rito ay unti-unti nang nilalamon ng mga anay, unti-unti nang nabubulok.

Nakapapagod din palang piliting maabot ang lahat ng mga ekspektasyon nila sa akin. Lalo na ni Papa. Gusto kong patunayan sa kanya na sapat na ako kahit nag-iisa lang akong anak at babae pa. Pinagbutihan ko ang aking pag-aaral sa pag-asang matutuwa siya sa akin. Naging aktibo ako sa mga gawaing pangsimbahan, nakibagay sa mga lokal at pinilit na hindi mabigyan ng kahihiyan sina Mama at Papa. Ipinikit ko rin ang aking mga mata sa lahat ng mga maling ginagawa nila. Dumating ako sa puntong ang lahat ng tao sa Sta. Ines, maging ang aking sarili, ay napaniwala kong isa nga akong perpektong anak. Ang anak na iibigin ng lahat ng mga magulang na maging kanila.

Perpektong anak? Gusto kong sampalin ang aking sarili at isigaw na wala namang perpekto sa mundo.

Siguro nga ay labis akong nasabik sa pagmamahal at atensiyon kaya naman napakadaling bilugin ng ulo ko. Nakakilala ako ng isang lalaki habang nag-aaral sa bayan. Estudyante rin siya. Gwapo, maginoo at masarap kausap. Madaling nahulog ang loob ko sa kanya. Lagi akong nasa kanyang tabi. Ibinigay ko rin sa kanya ang lahat ng kanyang mga kailangan. Pati ang sarili ko. Ngunit… hindi pa raw siya handa. Kailan pa ba siya magiging handa?

“Sabi mo, mahal mo ako?” ang tanong ko sa kanya isang dapithapon. Matagal niya akong tinitigan. Ilang ulit siyang napailing at napabuntong-hininga.

“Iyan ang problema sa’yo,” ang sabi niya sa akin. “Hindi lahat ng nakikita ng mata o naririnig ng tenga ay totoo.”

Iyon lang at iniwan na niya ako.

Humarap ako sa salamin. Nakita ko ang mabilis na pagpintig ng ugat sa aking leeg. Hinimas ko ang bahagya ko nang umuumbok na tiyan. Pigil na pigil ko ang pag-iyak. Bukas, tiyak na lalong magiging kilala ang Bahay Matanda kahit na sa mga kalapit-bayan. Sapagkat ang matalino, mabait at perpektong anak ng pinakamatulungin at pinakahuwarang mag-asawa ng Sta. Ines ay matatagpuan na lamang nilang patay. #

Advertisements

Comment-comment din 'pag may time!

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

AHJUMMAMSHIES

Saving Lives through K-Dramas

Doctor Eamer

PAG-IBIG ATBP.

geek god review

Annoying reviews and commentaries about everything geeky. Name it and we'll annoy you.

ktsmads

point of view.

The Jologs Chronicle

Helping you in the journey called -- LIFE

Mausolea Cirri

In here, I shall free all my thoughts locked up inside me.

ItsDlynFandiño

Let me share my thoughts and have my own limelight in this thing called writing. *winks with unicorns and rainbows*

Writer wanna be

Whenever we’re writing we are entering a different world, a world in which we can be free to express everything we want to say, a world where we can be everything we want to be. We just need to tickle our imagination.

Leon's daughter

Fascination is viral, infect with caution

Mariah Miranda

Beyond words, my heart

ladyleemanila

a girl in fringe, pretty in red

The Peps

The story continues ...

Louie Jon A. Sánchez

Poet, Teacher, Television Scholar, Filipino

Spilling Ink

Express the feelings through words, turn imagination into real picture