[Tampok] Ang Kwento ni Mabuti

Hindi ko na siya nakikita ngayon. Ngunit sinasabi nilang naroroon pa siya sa dating pinagtuturuan, sa walang pintang paaralang una kong kinakitaan sa kanya. Sa isa sa mga lumang silid sa ikalawang palapag, sa itaas ng lumang hagdang umiingit sa bawat hakbang, doon sa kung manunungaw ay matatanaw ang maitim na tubig ng isang estero. Naroon pa siya’t nagtuturo ng mga kaalamang pang-aklat, at bumubuhay ng isang uri ng karunungang sa kanya ko lamang natutuhan.

Lagi ko siyang inuugnay sa kariktan ng buhay. Saan man sa kagandahan; sa tanawin, sa isang isipan o sa isang tunog kaya, nakikita ko siya at ako’y lumiligaya. Ngunit walang anumang maganda sa kanyang anyo… at sa kanyang buhay…

Siya ay isa sa mga pangkaraniwang guro noon. Walang sinumang nag-ukol sa kanya ng pansin. Mula sa kanyang pananamit hanggang sa paraan ng pagdadala niya ng mga panunugutan sa paaralan, walang masasabing anumang di-pangkaraniwan sa kanya.

Siya’y tinatawag naming lahat na si Mabuti kung siya’y nakatalikod. Ang salitang iyon ang simula ng halos lahat ng kanyang pagsasalita. Iyon ang pumalit sa mga salitang hindi niya maalaala kung minsan, at nagiging pamuno sa mga sandaling pag-aalanganin. Sa isang paraang hindi malirip, iyon ay naging salaminan ng uri ng paniniwala niya sa buhay.

“Mabuti,” ang sasabihin niya, “… ngayo’y magsisimula tayo sa araling ito. Mabuti nama’t umabot tayo sa bahaging ito. Mabuti… mabuti!”

Hindi ako kailanman magtatapat sa kanya ng anuman kung di lamang nahuli niya akong minsang lumuluha; nang hapong iyo’y iniluluha ng bata kong puso ang isang pambata ring suliranin.

Noo’y magtatakipsilim na at maliban sa pabugsu-bugsong hiyawan ng mga nagsisipanood sa pagsasanay ng mga manlalaro ng paaralan, ang buong paligid ay tahimik na. Sa isang tagong sulok ng silid-aklatan, pinilit kong lutasin ang aking suliranin sa pagluha. Doon niya ako natagpuan.

“Mabuti’t may tao pala rito,” wika niyang ikinukubli ang pag-aagam-agam sa tinig. “Tila may suliranin… mabuti sana kung makatutulong ako.”

Ibig kong tumakas sa kanya at huwag nang bumalik pa kailanman. Sa bata kong isipan ay ibinilang kong kahihiyan at kaabaan ang pagkikita pa naming muli sa hinaharap, pagkikitang magbabalik sa gunita ng hapong iyon. Ngunit, hindi ako makakilos sa sinabi niya pagkatapos. Napatda ako na napaupong bigla sa katapat na luklukan.

“Hindi ko alam na may tao rito… naparito ako upang umiyak din.”

Hindi ako nakapangusap sa katapatang naulinig ko sa kanyang tinig. Nakababa ang kanyang paningin sa aking kandungan. Maya-maya pa’y nakita ko ang bahagyang ngiti sa kanyang labi.

Tinanganan niya ang aking mga kamay at narinig ko na lamang ang tinig ko na nagtatapat ng suliraning sa palagay ko noo’y siya nang pinakamabigat. Nakinig siya sa akin, at ngayon, sa paglingon ko sa pangyayaring iyo’y nagtataka ako kung paanong napigil niya ang paghalakhak sa gayong kamusmos na bagay. Ngunit, siya’y nakinig nang buong pagkaunawa, at alam ko na ang pagmamalasakit niya’y tunay na matapat.

Lumabas kaming magkasabay sa paaralan. Ang panukalang maghihiwalay sa amin ay natatanaw na nang bigla akong makaalala.

“Siyanga pala, Ma’am, kayo? Kayo nga pala? Ano ho iyong ipinunta ninyo sa sulok na iyon na… iniiyakan ko?”

Tumawa siya nang marahan at inulit ang mga salitang iyon: “Ang sulok na iyon na… iniiyakan natin… nating dalawa.” Nawala ang marahang halakhak sa kanyang tinig: “Sana’y masasabi ko sa iyo, ngunit… ang suliranin ko’y hindi para sa mga bata pang gaya mo. Mabuti sana’y hindi maging iyo ang ganoong uri ng suliranin… kailanman. Ang ibig kong sabihi’y maging higit na mabuti sana sa iyo ang… buhay.”

Si Mabuti’y naging isang bagong nilikha sa akin mula nang araw na iyon. Sa pagsasalita niya mula sa hapag, pagtatanong, pagsagot, sa pagngiti niyang mabagal at mahiyain sa amin, sa paglalim ng kunot sa noo niya sa kanyang pagkayamot, naririnig kong muli ang mga yabag na palapit sa sulok na iyon ng silid-aklatan. Ang sulok na iyon na… “Iniiyakan natin,” ang sinabi niya nang hapong iyon. At habang tumataginting sa silid namin ang kanyang tinig sa pagtuturo’y hinuhulaan ko ang dahilan o mga dahilan ng pagtungo niya sa sulok na iyon ng silid-aklatan. Hinuhulaan ko kung nagtutungo pa siya roon, sa aming sulok na iyon… aming dalawa…

At sapagkat natuklasan ko ang katotohanang iyon tungkol sa kanya, nagsimula akong magmasid, maghintay ng mga bakas ng kapaitan sa kanyang mga sinasabi. Ngunit sa tuwina, kasayahan, pananalig, pag-asa ang taglay niya sa aming silid-aralan. Pinuno niya ng maririkit na guni-guni ang aming isipan at ng mga kaaya-ayang tunog ang aming pandinig at natutuhan naming unti-unti ang kagandahan ng buhay. Bawat aralin namin sa Panitikan ay naging isang pagtighaw sa kauhawan namin sa kagandahan. At ako’y humanga.

Wala iyon doon kanina, ang masasabi ko sa sarili pagkatapos na maipadama niya sa amin ang kagandahan ng buhay sa aming aralin. At hindi naging akin ang pagtuklas na ito sa kariktan kundi pagkatapos na lamang ng pangyayaring iyon sa silid-aklatan.

Ang pananalig niya sa kalooban ng Maykapal, sa sangkatauhan, sa lahat na, ay isa sa pinakamatibay na aking nakilala. Nakasasaling ng damdamin. Marahil, ang pananalig niyang iyon ang nagpakita sa kanya ng kagandahan sa mga bagay na karaniwan lamang sa amin. Iyon marahil ang nagpataginting sa kanyang tinig sa pagbibigay kahulugan sa mga bagay na para sa ami’y walang kabuluhan.

Hindi siya bumanggit ng ano man tungkol sa kanyang sarili sa buong panahon ng pag-aaral namin sa kanya. Ngunit bumanggit siya tungkol sa kanyang anak na babae, sa tangi niyang anak… nang paulit-ulit. Hindi rin siya bumanggit sa amin kailanman tungkol sa ama ng batang iyon. Ngunit dalawa sa mga kamag-aral namin ang nakababatid na siya’y hindi balo.

Walang pag-aalinlangang ang lahat ng maririkit niyang pangarap ay nakapaligid sa batang iyon. Isinalaysay niya sa amin ang mga katabilan niyon, ang palaki nang palaking mga pangarap niyon, ang nabubuong layunin niyon sa buhay. Minsan, tila hindi namamalayang nakapagpapahayag ang aming guro ng isang pangamba: ang pagkatakot niyang baka siya hindi umabot sa matatayog na pangarap ng kanyang anak. Maliban sa iilan-ilan sa aming pangkat, ang paulit-ulit niyang pagbanggit sa kanyang anak ay isa lamang sa mga bagay na “pinagtitiisang” pakinggan sapagkat walang paraang maiwasan iyon. Sa akin, ang bawat pagbanggit na iyo’y nagkaroon ng bagong kahulugan sapagkat noon pa ma’y nabubuo na sa aking isipan ang isang hinala.

Sa kanyang mga salaysay ay nalaman namin ang tungkol sa kaarawan ng kanyang anak, ang bagong kasuotan niyong may malaking lasong pula sa baywang, ang mga kaibigan niyong mga bata rin, ang kanilang mga handog. Ang anak niya’y anim na taong gulang na. Sa susunod na tao’y magsisimula na iyong mag-aral. At ibig ng guro naming maging manggagamot ang kanyang anak—at isang mabuting manggagamot.

Nasa bahaging iyon ng pagsasalita ang aming guro nang ang isa sa mga batang lalaki sa aking likuran ay bumulong: “Gaya ng kanyang ama!”

Narinig ng aming guro ang sinabing iyon ng batang lalaki. At siya’y nagsalita.

“Oo gaya nga ng kanyang ama,” ang wika niya. Ngunit tumakas ang dugo sa kanyang mukha habang sumisilay ang isang pilit na ngiti sa kanyang labi.

Iyon ang una at huling pagbanggit niya sa aming klase tungkol sa ama ng batang may kaarawan.

Natiyak ko noong may isang bagay ngang nalisya* sa buhay niya. Nalisya nang ganoon lamang. At habang nakaupo ako sa aking luklukan, may dalawang dipa lamang ang layo sa kanya, kumirot sa puso ko ang pagnanasang lumapit sa kanya, tanganan ang kanyang mga kamay gaya ng ginawa niya nang hapong iyon sa sulok ng silid-aklatan, at hilinging magbukas ng dibdib sa akin. Marahil, makagagaan sa kanyang damdamin kung may mapagtatapatan siyang kahit isang tao man lamang. Ngunit ito ang sumupil sa pagnanasa kong yaon: ang mga kamag-aaral kong nakikinig nang walang ano mang malasakit sa kanyang sinabing, “Oo, gaya nga ng kanyang ama,” habang tumatakas ang dugo sa kanyang mukha.

Pagkatapos, may sinabi siyang hindi ko na malilimutan kailanman. Tiningnan niya ako nang buong tapang habang pinipigil ang panginginig ng mga labi at sinabi ang ganito: “Mabuti… mabuti! Gaya ng sasabihin nitong si Fe—iyon lamang nakararanas ng mga lihim na kalungkutan ang maaaring makakilala ng mga lihim na kaligayahan. Mabuti, at ngayon, magsisimula na tayo sa ating aralin…”

Natiyak ko noon, gaya ng pagkakatiyak ko ngayon, na hindi akin ang pangungusap na iyon, ni sa aking mga pagsasalita, ni sa aking mga pagsusulat. Ngunit samantalang nakatitig siya sa akin nang umagang iyon, habang sinasabi niya ang pangungusap na iyon, nadama kong siya at ako ay iisa. At kami ay bahagi ng mga nilalang na sapagkat nakararanas ng mga lihim na kalungkutan ay nakakikilala ng mga lihim na kaligayahan.

At minsan pa, nang umagang iyon, habang unti-unting bumabalik ang dating kulay sa kanyang mukha, muli niyang ipinamalas sa amin ang mga natatagong kagandahan sa aralin namin sa Panitikan: ang kariktan ng katapangan, ang kariktan ng pagpapatuloy ano man ang kulay ng buhay.

At ngayon, ilang araw lamang ang nakararaan buhat nang mabalitaan ko ang tungkol sa pagpanaw ng manggagamot na iyon. Ang ama ng batang iyong marahil ay magiging isang manggagamot din balang araw, ay namatay may ilang araw lamang ngayon ang nakalilipas. Namatay at naburol ng dalawang araw at dalawang gabi sa isang bahay na hindi siyang tinitirhan ni Mabuti at ng kanyang anak. At naunawaan ko ang lahat. Sa hubad na katotohanan niyon at sa buong kalupitan niyo’y naunawaan ko ang lahat.

*naligaw [sa Ingles, gone astray]

Akda ni Genoveva Edroza-Matute

Advertisements

2 Comments (+add yours?)

  1. macoywonderboy
    Feb 02, 2016 @ 06:04:41

    Is this in anyway related to the Nora Aunor movie?

    Like

    Reply

Comment-comment din 'pag may time!

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

AHJUMMAMSHIES

Saving Lives through K-Dramas

Doctor Eamer

PAG-IBIG ATBP.

geek god review

Annoying reviews and commentaries about anything geeky. Name it and we'll annoy you.

NAY

Wanders. Thoughts. Experiences.

The Jologs Chronicle

Helping you in the journey called -- LIFE

Mausolea Cirri

In here, I shall free all my thoughts locked up inside me.

ItsDlynFandiño

Let me share my thoughts and have my own limelight in this thing called writing. *winks with unicorns and rainbows*

Writer wanna be

Whenever we’re writing we are entering a different world, a world in which we can be free to express everything we want to say, a world where we can be everything we want to be. We just need to tickle our imagination.

Leon's daughter

Fascination is viral, infect with caution

Mariah Miranda

Beyond words, my heart

ladyleemanila

a girl in fringe, pretty in red

The Peps

The story continues ...

Louie Jon A. Sánchez

Poet, Teacher, Television Scholar, Filipino

Spilling Ink

Express the feelings through words, turn imagination into real picture