[Tampok] Paksiw na Ayungin

img_20160724_113218.jpg

(c) tagalogdito

Ganito ang pagkain
ng paksiw na ayungin:
bunutin ang palikpik
(para sa pusa iyan
at ang matitirang tinik),
at ilapit sa labi
ang ulo, at sipsipin
ang mga matang dilat;
pagkatapos ay mismong
ang ulo ang sipsipin
hanggang sa maubos ang
katas nito.
Saka mo
umpisahan ang laman.
Unti-unti lang, dahan-
dahan, at simutin nang
husto–kokonti iyang
ulam natin, mahirap
humagilap ng ulam.
Damihan mo ang kanin,
paglawain sa sabaw.
At huwag kang maangal.
Payat man ang ayungin,
pabigat din sa tiyan.

Akda ni Jose F. Lacaba

tagalogdito’s note: Ito po’y pangat na sapsap pero ang paraan ng pagkai’y gaya rin ng sa paksiw na ayungin. 🙂

Ayaw na Ayaw Kitang Natatanaw

Ayaw na ayaw kitang natatanaw
sa umaga, tanghali, gabi’t madaling-araw.

Ayaw na ayaw kitang natatanaw sa umaga,
sa pagdating ko sa opisina.
Ayaw na ayaw kong makikitang naroroon ka na’t abala.
Ayaw na ayaw kong sa ganoong kasimpleng bagay
ay napasasaya mo ako’t napasisigla
sapagkat hindi dapat.
Ayaw na ayaw kong bigla na lang kakabog ang dibdib ko’t
may kung anong magtatakbuhan sa aking tiyan
sa tuwing mapapasulyap ka rin sa akin.
Ayaw na ayaw kong makadadama ng kahit katiting na pag-asa
na baka hinahanap mo rin ako’t na-mi-miss
sapagkat alam kong hindi,
alam na alam kong malabo.

Ayaw na ayaw kitang natatanaw sa tanghali
kapag nakikita kitang naghahanda na para kumain.
Ayaw na ayaw kong sinusundan ka ng tingin ng mga mata ko,
minamasdan ang bawat kilos mo.
Ayaw na ayaw ko ang katotohanang umaasa ako
araw-araw, tuwing pananghalian
na dadaanan mo ako’t aayain
para ipagpatuloy ang mga naudlot nating usapan
na kakain tayo sa labas pagkatapos panoorin
ang live action ng Lupin.
Ayaw na ayaw kong mararamdaman ang paulit-ulit na pagkabigo
sa tuwing nilalagpasan mo ang upuan ko.

Ayaw na ayaw kitang natatanaw sa gabi
kapag nagmamadali na akong umuwi.
Ayaw na ayaw kong bumabalik sa isip ko ang mga alaala
ng kung ilang ulit nating pagkakasalubong
at ang madalas mong pagtatanong, “Uuwi ka na?”
pati na ang mga pahabol mong “Ingat ha.”
Ayaw na ayaw kong bigla na lang akong mapapangiti
kapag naaalala ko kung papaano mo akong tinanong
sa harap ng mga kaibigan mo
kung ayos lang bang sabay na tayong
maglakad kahit hanggang MRT.
Ayaw na ayaw kong muli na namang umasa’t masaktan
kaya mas lalo ko na lamang binibilisan
ang aking mga paghakbang
kahit na hindi ko masabi kung alin ang mas mabigat:
ang puso ko ba o ang bag?

Ayaw na ayaw kitang natatanaw sa madaling-araw
kapag iilan na lamang ang mga tao’t maginaw.
Ayaw na ayaw kong magbabaliktanaw
sa nag-uumapaw kong pagkasabik
habang hinihintay ko noon ang pagsapit ng alas kwatro,
kapag ang lahat na’y tahimik.
Ayaw na ayaw kong mapapatingin sa vendo machine
dahil parang nakikita kita at ang sarili kong bumibili.
Ayaw na ayaw kong makaaamoy ng kape
dahil parang naririnig kong muli ang mga paghigop mo,
ang mga kwentuhan natin, ang mga pagtawa,
at ang mga paborito mong OPM na kanta,
dahil parang nararamdaman kong muli ang mga titig mo,
ang paghawak mo sa kamay ko,
maging ang kung papaano kong ginawang balabal
ang mga bisig mo sa mga balikat ko.
Pinaka ayaw kitang natatanaw sa madaling-araw
sapagkat iyon ang pinakamasakit.

Ayaw na ayaw kitang natatanaw
sa umaga, tanghali, gabi’t madaling-araw
dahil ayaw na ayaw kong manghinayang
sa kung papaano tayong nasayang.
Ayaw na ayaw kong maiisip na muntik na,
muntik-muntikan na kitang minahal,
muntik-muntikan mo na rin akong mahalin,
muntik-muntikan na tayong sumaya
sa piling ng isa’t isa.
Ayaw na ayaw kitang natatanaw
dahil para akong mababaliw.
Ayaw na ayaw kitang natatanaw
at mapatunayang ikaw at ikaw pa rin
ang laman ng bawat kong tula’t mga panaginip.

Ayaw na ayaw kitang natatanaw…
Pero ano ba ang dapat nating gawin
gayong tila mas lumiit pa’t sumikip
ang opisina para sa atin?

Inspirasyon mula sa tulang Ayokong Tinatanong Mo Ako ni kalyosakanangpalasinsingan

Huwag Mo Sanang Ipagkamali ang Pagtatampo Ko sa Galit

Nais kong malaman mo
ang ipinagkaiba
ng taong nagagalit
sa taong nagtatampo.

Hindi nagagalit ang isang taong
matiyaga pa ring naghihintay
sa mga dahilan mo’t paliwanag
sa kung bakit bigla ka na lamang naglaho
tangay ang inyong pag-ibig at mga pangako.

Hindi nagagalit ang isang taong
buong tapang ka pa ring ipinagtatanggol
sa mga taong nagbigay na sa’yo ng hatol
at walang pagod pa ring lumalaban
sa giyerang tila ikaw ang unang sumuko.

Hindi nagagalit ang isang taong
binibilang ang bawat mong sulyap,
umaasa pa rin at nakikiusap
na sana’y malagyan na ng bantas
ang mga nabitin ninyong pangungusap.

Hindi nagagalit ang isang taong
naniniwala pa rin sa’yong kabutihan
at kumakapit pa rin sa alaala ng nakaraan
sa kabila ng nagsusumigaw na katotohanang
naduwag ka kaya mo siya biglang binitawan.

Maniwala ka—
hindi nagagalit ang taong iyon.

Kaya’t huwag ka nang mag-atubili,
yapusin mo siya nang buong higpit,
lunurin mo siya sa nasasabik mong mga halik
hanggang sa ang tampo niya’y malusaw sa init
ng lumalagablab ninyong pag-ibig.

Iyon lamang ang hinihintay niya.
Iyon lang, wala nang iba pa.

Sapagkat nais niyang malaman mo—
hindi siya nagagalit;
siya lamang ay nagtatampo. #

Lunes, Biyernes

Ang hilig nating maghabol
at ipagsiksikan ang ating mga sarili
sa mga naggigitgitang bus sa kahabaan ng EDSA.
Parang mga tangang naghihintay
sa hindi umuusad na trapik.
Umaasa na sana’y
may magparaya ng upuan
dahil ang sakit-sakit na,
manhid na manhid na,
wala ng maramdaman
at malapit na malapit ng sumuko
ang ating mga binti.
Paulit-ulit pa ring iniintindi
ang mga kapwa pasaherong
nakasasakit.
Nagtitiis kahit
madalas mapako ang mga pangakong
magbabago na raw ang lagay ng trapik.
Pero hindi bale,
at least ang mga bus sa EDSA
Lunes at Biyernes lang
kung magpahabol, magpahintay at magpaasa.

Edsa Traffic

larawan mula sa Google

Gusto ko ang aninong iyon

anino

larawan mula sa Google

may isang aninong
bigla na lang lumutang
mula sa kumpol ng mga aninong
dati ko pa tinititigan

tila magnetong
sa kanya na lamang napako
ang aking paningin

pilit kong hinanap
ang kakaiba,
ang kapuna-puna,
ang kabigha-bighani
sa aninong iyon
ngunit, wala

sapagkat ito ay pangkaraniwan,
simpleng-simple,
gaya rin lamang ng lahat

kaya naman ipinagtataka ko
kung bakit ito ang laging inaapuhap
ng aking mga mata

kung bakit kaydali nitong
napakakalma ang aking isip
kung bakit walang kahirap-hirap nitong
napakakabog ang aking dibdib

hindi ko alam
at hindi na baleng
hindi ko na malaman pa
sapagkat sapat na
na batid kong gusto ko
ang aninong iyon

#

[Tampok] Kung Tuyo na ang Luha Mo, Aking Bayan

Lumuha ka, aking Bayan; buong lungkot mong iluha
Ang kawawang kapalaran ng lupain mong kawawa:
Ang bandilang sagisag mo’y lukob ng dayong bandila,
Pati wikang minana mo’y busabos ng ibang wika,
Ganito ring araw nang agawan ka ng laya,
Labintatlo ng Agosto nang saklutin ang Maynila,

Lumuha ka, habang sila ay palalong nagdiriwang,
Sa libingan ng maliit, ang malaki’y may libingan;
Katulad mo ay si Huli, naaliping bayad-utang,
Katulad mo ay si Sisa, binaliw ng kahirapan;
Walang lakas na magtanggol, walang tapang na lumaban,
Tumataghoy, kung paslangin; tumatangis, kung nakawan!

Iluha mo ang sambuntong kasawiang nagtalakop
Na sa iyo’y pampahirap, sa banyaga’y pampalusog:
Ang lahat mong kayamana’y kamal-kamal na naubos,
Ang lahat mong kalayaa’y sabay-sabay na natapos;
Masdan mo ang iyong lupa, dayong hukbo’y nakatanod,
Masdan mo ang iyong dagat, dayong bapor, nasa laot!

Lumuha ka kung sa puso ay nagmaliw na ang layon,
Kung ang araw sa langit mo ay lagi nang dapithapon,
Kung ang alon sa dagat mo ay ayaw nang magdaluyong,
Kung ang bulkan sa dibdib mo ay hindi man umuungol,
Kung wala nang maglalamay sa gabi ng pagbabangon,
Lumuha ka nang lumuha’t ang laya mo’y nakaburol.

May araw ding ang luha mo’y masasaid, matutuyo,
May araw ding di na luha sa mata mong namumugto
Ang dadaloy, kundi apoy, at apoy na kulay dugo,
Samantalang ang dugo mo ay aserong kumukulo;
Sisigaw kang buong giting sa liyab ng libong sulo
At ang lumang tanikala’y lalagutin mo ng punglo!

Akda ni Amado V. Hernandez

[Tampok] Pag-ibig Alinsunod sa Pakete ng Tide Ultra

tide

larawan mula sa Google

sabi ko

ayaw kong maglaba sa gabi
hindi ko alam kung bakit

siguro’y ayaw kong makitang
nakasungaw ang bituin sa ulap
at pinapanood ang bawat kong kusot

pero hindi kagabi—
ang totoo
naglaba ako

sinamantala ko ang pangungulimlim
ng bituin sa nangingilid na ulap

at natitiyak ko
maputi ang aking nilabhan
sinunod ko yata ang bawat instruksyon
sa likod ng pakete ng tide ultra:

1. kunin sa timba ang damdaming
matagal nang ibinabad

2. kusutin nang mabuti
pabulain
pabulain upang matiyak na
natatakpan na ng bula
ang mga salitang noon pa sana sinabi

3. at dahil nahuli na sa sikat ng araw
na siyang pagkukulahan,
lagyan na lamang ng clorox
upang kumupas at walang makakita
sa mantsa ni Eros

4. banlawan
maraming banlaw
at tiyaking maisama sa tubig
ang mga sentimiyento
at panghihinayang

5. ibuhos sa kanal ang tubig
upang makapagtago sa burak
ang mga pagsinta

6. isampay sa mahanging lugar
ang nilabhang damdamin
pabayaan itong makahinga
matagal na rin namang
naikubli ito sa baul

Pagmumuni pagkatapos…

napigaan ko na ang damit
mariin
nakalimutan ko nga lamang
pigaan ang tubig sa aking mata

paalam muna
samantala’y magpapatuyo muna ako—
ng damit
ng mata

sana’y walang makakita

salamat sa pakete ng tide ultra

Akda ni Gilbert M. Sape

AHJUMMAMSHIES

Saving Lives through K-Dramas

Doctor Eamer

PAG-IBIG ATBP.

geek god review

Annoying reviews and commentaries about everything geeky. Name it and we'll annoy you.

ktsmads

point of view.

The Jologs Chronicle

Helping you in the journey called -- LIFE

Mausolea Cirri

In here, I shall free all my thoughts locked up inside me.

ItsDlynFandiño

Let me share my thoughts and have my own limelight in this thing called writing. *winks with unicorns and rainbows*

Writer wanna be

Whenever we’re writing we are entering a different world, a world in which we can be free to express everything we want to say, a world where we can be everything we want to be. We just need to tickle our imagination.

Leon's daughter

Fascination is viral, infect with caution

Mariah Miranda

Beyond words, my heart

ladyleemanila

a girl in fringe, pretty in red

The Peps

The story continues ...

Louie Jon A. Sánchez

Poet, Teacher, Television Scholar, Filipino

Spilling Ink

Express the feelings through words, turn imagination into real picture