Ang Buong Kwento ng Batang Kulang

OLYMPUS DIGITAL CAMERA

guhit ni Rommel Joson

An entry to the 13th Romeo Forbes Children’s Story Writing Competition

Madalas nagugulat ang mga nagtatanong kung ano ba ang gusto kong bilhin. Hindi kasi mga bagong laruan, magagandang damit o kendi ang isinasagot ko kundi… kalaro!

Kaya naman dito lang kami sa gilid ng daan ng mga bulaklak na galing mula sa munting hardin ni Nanay. Ipagbebenta ko silang lahat para may pambili ako ng kalaro.

Sabi kasi ng ibang mga bata, dapat daw magbigay muna ako ng piso bago ako makasali sa laro.

“Sali ako,” sabi ko sa mga batang nagpipiko.

“Penge munang piso!”

“Wala akong piso, eh.”

“Ayaw ka naming kasali kung wala kang piso!” tutol ng mga bata sabay karipas ng takbo. Nagtatawanan pa sila habang sumisigaw ng, “Neliang Kulang! Neliang Kulang!”

Hmmm, bakit kaya? Nelia lang naman ang tawag sa akin nina Nanay at Tatay.

Lagi tuloy akong umuuwi na malungkut na malungkot at hihikbi-hikbi.

“Nanay, may mali po ba sa akin?” nakalabi kong tanong. Ngumiti si Nanay tapos ay umiling.

“Espesyal ka at walang mali roon, anak.”

Kaya ayun, sa pagguhit ko na lang inuubos ang lakas na dapat sana ay sa paglalaro. Pinupuno ko ang bawat papel ng iba’t ibang mga drowing ng mga batang naglulutu-lutuan, nagbabahay-bahayan at umaakyat sa mga puno. Gumuguhit din ako ng mga batang masayang naghahabulan at nagpapagulung-gulong sa malawak na damuhan.

Minsan, habang abalang-abala ako sa pagkukulay ng aking mga drowing ay bigla na lang akong hinigop ng mga papel patungo sa mga ulap na iginuhit ko! Napakaraming mga bata ang naroon. Nagpaligsahan kami sa paggawa ng iba’t ibang mga hugis mula sa mga malalambot at makakapal na ulap. May gumawa ng hugis aso, pusa at manok. May lumikha rin ng hugis bilog, puso at tatsulok. Pero ang nangibabaw sa lahat ay walang iba kundi ang ginawa kong malaking-malaking ibon na bigla na lang nagkakulay at nagkabuhay!

Nag-unahan kaming sumakay sa higanteng ibon ng mga kalaro ko. Inilipad kami nito sa himpapawid nang pauli-ulit. Wow! Parang langgam na lang ang mga bahay, sasakyan at gusali sa liit! Tapos, inilapag na kami ng higanteng ibon sa isang napakataas na bundok kung saan abot ang dulo ng bahaghari. Walang tigil kaming nagpadausdos dito hanggang sa kumalat ang sari-sari nitong mga kulay sa langit.

Nang sumapit ang gabi, nagtagu-taguan naman kami sa likod ng kutitap ng mga bituin. Tapos, walang sawa kaming nagpatintero at tumbang-preso sa pisngi ng nakikiliting buwan. Umalingawngaw sa kalawakan ang mataginting naming hagikgikan!

Nagising ako sa tapik ni Nanay. Ay, nakatulog pala ako habang kinukulayan ang aking mga drowing. Lungkut na lungkot ako dahil panaginip lang pala ang lahat. Haaay, sana ay magkaroon na ako ng mga totoong kalaro!

Nagdidilim na ang langit pero wala pa ring bumibili sa aking mga bulaklak. Naghintay pa ako nang kaunti hanggang sa tuluyan nang bumuhos ang kanina pang nagbabadyang ulan. Umiiyak akong naglakad pauwi. Paano na kaya ako makabibili ng kalaro ngayon, eh ni piso nga wala ako?

Ayaw ko namang magpabili na lang ng kalaro kina Nanay at Tatay. Halos araw-gabi na kasing naglalaba ng damit ng mga kapitbahay si Nanay. Halos hindi na rin gumagarahe ang dyip ni Tatay. Sabi nila, ginagawa raw nila ang mga iyon para makapag-aral na ako.

“Saan ka ba galing, Nelia?” tanong ni Nanay nang dumating ako sa bahay na basang-basa at giniginaw.

“Nagtinda po ako ng mga bulaklak pero wala namang bumili, Nanay.”

“Ha? Bakit?”

“Hindi raw po kasi ako isasali ng ibang mga bata sa laro kapag hindi ko sila binigyan ng piso,” sagot ko bago muling napaatungal ng iyak.

Niyakap ako ni Nanay. Sabi niya, tumahan na raw ako at huwag ko nang uulitin ang aking ginawa. Mali raw kasi iyon at delikado pa.

Wala nang mas lulungkot pa sa akin ng gabing iyon. Hiniling ko na sana higupin ulit ako ng mga papel patungo sa isang masayang panaginip kung saan maraming mga batang makikipaglaro sa akin. Kung hindi man, sana makapunta ako sa isang lugar kung saan makakikilala ako ng mga bagong kaibigan.

Para namang may nakarinig sa hiling ko dahil kinaumagahan, ginising ako ng isang magandang balita.

“Makapag-aaral ka na sa darating na pasukan, anak!” galak na sabi ni Tatay.

“Talaga po? Talaga po?” ang tanging nasabi ko dahil sa labis na pagkasabik.

Espesyal daw ang magiging paaralan ko dahil pili lang ang mga mag-aaral nito. Maganda kaya roon? Malaki kaya? Masaya kaya?

Hindi na ako makapaghintay!

Sa wakas, dumating din ang pasukan. Marami agad akong naging mga bagong kaibigan sa unang araw pa lang. Halos ayaw ko na ngang umuwi sa tuwing papasok ako kasi ang saya-saya! Doon, tinuturuan kaming magsulat at magbasa. Sumasayaw rin kami at kumakanta. Higit sa lahat, palagi kaming naglalaro!

Ang saya pala talagang magkaroon ng mga totoong kalaro. Ang saya pala talagang maranasan ang mga larong madalas ay nasa mga drowing ko lang.

Isang araw, inimbita ng guro namin ang aming mga magulang at iba pang mga bata sa aming paaralan. Ito ay para makita nila ang iba’t ibang mga larawang iginuhit namin ng aking mga kamag-aral. Hangang-hanga ang mga bisita sa bawat drowing na nilalapitan nila. Hanggang sa mapahinto sila sa tapat ng larawang iginuhit ko.

“Ano ang iginuhit mo, Nelia?” tanong ng aming guro.

“Ito po si Nanay tapos ito naman po si Tatay,” sabi ko habang itinuturo ang isang babae at isang lalaking hawak-hawak ang magkabilang kamay ng isang bata sa aking drowing.

“Sino naman itong bata?” tanong muli ng aming guro.

“Ako po,” nakangiti kong sagot.

Napuno ang aming paaralan nang masigabong palakpakan habang niyakap naman ako nang buong higpit nina Nanay at Tatay.

Hindi ko talaga alam kung bakit may mga nagsasabing kulang daw ako samantalang wala naman na akong ibang mahihiling pa. #

1 Comment (+add yours?)

  1. Rayyan A
    Mar 08, 2018 @ 08:41:46

    Bakit Nelia kulang hahaha

    Like

    Reply

Comment-comment din 'pag may time!

ahjummamshies.wordpress.com/

Saving lives through K-Dramas

Doctor Eamer

PAG-IBIG ATBP.

Geekgod Review

Annoying reviews about anything geeky.

The Jologs Chronicle

Helping you in the journey called -- LIFE

ItsDlynFandiño

Let me share my thoughts and have my own limelight in this thing called writing. *winks with unicorns and rainbows*

Writer wanna be

Whenever we’re writing we are entering a different world, a world in which we can be free to express everything we want to say, a world where we can be everything we want to be. We just need to tickle our imagination.

Leon's daughter

Fascination is viral, infect with caution

Mariah Miranda

Beyond words, my heart

ladyleemanila

a girl in fringe, pretty in red

The Peps

The story continues ...

LOUIE JON A. SÁNCHEZ

Poet, Teacher, Critic, Scholar, Translator, Filipino

WANNA WRITE

Express the feelings through words, turn imagination into real picture

telltalemonologues

the telltale heart's internal monologues

HAZEL JOYCE D. SALATAN

"Propeta para sa Bayan"

fightorflights

Anxiety & Panic Disorders & Addiction RECOVERY