Ayaw na Ayaw Kitang Natatanaw

Ayaw na ayaw kitang natatanaw
sa umaga, tanghali, gabi’t madaling-araw.

Ayaw na ayaw kitang natatanaw sa umaga,
sa pagdating ko sa opisina.
Ayaw na ayaw kong makikitang naroroon ka na’t abala.
Ayaw na ayaw kong sa ganoong kasimpleng bagay
ay napasasaya mo ako’t napasisigla
sapagkat hindi dapat.
Ayaw na ayaw kong bigla na lang kakabog ang dibdib ko’t
may kung anong magtatakbuhan sa aking tiyan
sa tuwing mapapasulyap ka rin sa akin.
Ayaw na ayaw kong makadadama ng kahit katiting na pag-asa
na baka hinahanap mo rin ako’t na-mi-miss
sapagkat alam kong hindi,
alam na alam kong malabo.

Ayaw na ayaw kitang natatanaw sa tanghali
kapag nakikita kitang naghahanda na para kumain.
Ayaw na ayaw kong sinusundan ka ng tingin ng mga mata ko,
minamasdan ang bawat kilos mo.
Ayaw na ayaw ko ang katotohanang umaasa ako
araw-araw, tuwing pananghalian
na dadaanan mo ako’t aayain
para ipagpatuloy ang mga naudlot nating usapan
na kakain tayo sa labas pagkatapos panoorin
ang live action ng Lupin.
Ayaw na ayaw kong mararamdaman ang paulit-ulit na pagkabigo
sa tuwing nilalagpasan mo ang upuan ko.

Ayaw na ayaw kitang natatanaw sa gabi
kapag nagmamadali na akong umuwi.
Ayaw na ayaw kong bumabalik sa isip ko ang mga alaala
ng kung ilang ulit nating pagkakasalubong
at ang madalas mong pagtatanong, “Uuwi ka na?”
pati na ang mga pahabol mong “Ingat ha.”
Ayaw na ayaw kong bigla na lang akong mapapangiti
kapag naaalala ko kung papaano mo akong tinanong
sa harap ng mga kaibigan mo
kung ayos lang bang sabay na tayong
maglakad kahit hanggang MRT.
Ayaw na ayaw kong muli na namang umasa’t masaktan
kaya mas lalo ko na lamang binibilisan
ang aking mga paghakbang
kahit na hindi ko masabi kung alin ang mas mabigat:
ang puso ko ba o ang bag?

Ayaw na ayaw kitang natatanaw sa madaling-araw
kapag iilan na lamang ang mga tao’t maginaw.
Ayaw na ayaw kong magbabaliktanaw
sa nag-uumapaw kong pagkasabik
habang hinihintay ko noon ang pagsapit ng alas kwatro,
kapag ang lahat na’y tahimik.
Ayaw na ayaw kong mapapatingin sa vendo machine
dahil parang nakikita kita at ang sarili kong bumibili.
Ayaw na ayaw kong makaaamoy ng kape
dahil parang naririnig kong muli ang mga paghigop mo,
ang mga kwentuhan natin, ang mga pagtawa,
at ang mga paborito mong OPM na kanta,
dahil parang nararamdaman kong muli ang mga titig mo,
ang paghawak mo sa kamay ko,
maging ang kung papaano kong ginawang balabal
ang mga bisig mo sa mga balikat ko.
Pinakaayaw kitang natatanaw sa madaling-araw
sapagkat iyon ang pinakamasakit.

Ayaw na ayaw kitang natatanaw
sa umaga, tanghali, gabi’t madaling-araw
dahil ayaw na ayaw kong manghinayang
sa kung papaano tayong nasayang.
Ayaw na ayaw kong maiisip na muntik na,
muntik-muntikan na kitang minahal,
muntik-muntikan mo na rin akong mahalin,
muntik-muntikan na tayong sumaya
sa piling ng isa’t isa.
Ayaw na ayaw kitang natatanaw
dahil para akong mababaliw.
Ayaw na ayaw kitang natatanaw
at mapatunayang ikaw at ikaw pa rin
ang laman ng bawat kong tula’t mga panaginip.

Ayaw na ayaw kitang natatanaw…
Pero ano ba ang dapat nating gawin
gayong tila mas lumiit pa’t sumikip
ang opisina para sa atin?

Inspirasyon mula sa tulang Ayokong Tinatanong Mo Ako ni kalyosakanangpalasinsingan

10 Comments (+add yours?)

  1. aysabaw
    Feb 17, 2016 @ 12:48:02

    tsk. ayaw na ayaw mo ngang matanaw

    Like

    Reply

  2. sikseutin
    Feb 26, 2016 @ 11:22:43

    “Ayaw na ayaw kitang matanaw at mapatunayang ikaw at ikaw pa rin ang laman ng bawat kong tula’t mga panaginip.” HUHUHU tagos po sa puso </3 hahaha :(((

    Liked by 1 person

    Reply

  3. /mercurial_stargazer.
    Feb 29, 2016 @ 10:26:00

    Sobrang galing nito!

    Like

    Reply

Comment-comment din 'pag may time!

ahjummamshies.wordpress.com/

Saving lives through K-Dramas

Doctor Eamer

PAG-IBIG ATBP.

Geekgod Review

Annoying reviews about anything geeky.

The Jologs Chronicle

Helping you in the journey called -- LIFE

ItsDlynFandiño

Let me share my thoughts and have my own limelight in this thing called writing. *winks with unicorns and rainbows*

Writer wanna be

Whenever we’re writing we are entering a different world, a world in which we can be free to express everything we want to say, a world where we can be everything we want to be. We just need to tickle our imagination.

Leon's daughter

Fascination is viral, infect with caution

Mariah Miranda

Beyond words, my heart

ladyleemanila

a girl in fringe, pretty in red

The Peps

The story continues ...

LOUIE JON A. SÁNCHEZ

Poet, Teacher, Critic, Scholar, Translator, Filipino

WANNA WRITE

Express the feelings through words, turn imagination into real picture

telltalemonologues

the telltale heart's internal monologues

HAZEL JOYCE D. SALATAN

"Propeta para sa Bayan"

fightorflights

Anxiety & Panic Disorders & Addiction RECOVERY